8.29.2009

hulma

alam mo ba kung bakit si lola ang lola ko? Naalala ko nang marinig ko ang kuwento noon, “pinili si lola dahil marami siyang wala.” ang maraming kakulangan ni lola na alam ni lolong mapupunan niya at matuturo niya ang isa sa pinakamalaking rason kaya nabuo ang limang magkakapatid.

“i-momolde kita ayon sa gusto ko” habang clay ka pa lang. ito rin ang sinasabi ko habang hinuhulma ko ang putik. mamaya, paiinitan ko na ito nang maging isang palayok—isang obra na iingatan ko.

habang inuubos ko ang oras ko sa pagpapaikot at paghuhulma ng palayok, iniisip ko na kung paano ko pa ito mapagaganda. lalagyan ko ba ng ibang kulay na palamuti? lagyan ko kaya ng hawakan nang mahawakan ko ito ng tama? para siguro hindi ko malaglag ‘pag ililipat ko na siya ng puwesto? ukitan ko nang maging akin? hindi na siguro kailangan. saan ko kaya ito itatago pagkatapos para naman sigurado akong mananatili siyang palayok at obra? baka mabasag kasi.

ang dami kong iniisip, pero iisa lang naman talaga ang sagot. mahalaga ba ang sagot? hindi na mahalaga ang palamuting ilalagay ko dahil puno na siya ng karakter. aanhin ko ang hawakan sa palayok kung iingatan ko naman ito—may dalawa akong kamay. para ano ang pag-uukit kung masisira ang obra? hindi na. at teka, bakit ko ito kailangang itago?

may mga bagay na paniguradong kapag nakita ng ibang tao ay sasabihing, “gawa ‘yan ni mark.” Siguro ay dahil sa malinis na pagkakahulma, o baka naman ang mga parte ng palayok na hindi pantay dahil sa mabigat na kamay. maaari, pero hindi ito akin. ang kalalabasan nito ay hindi magiging akin. hindi ito isang obra. wala akong obra. ang kalalabasan nito at palayok, at walang maaaring umangkin dahil wala namang nanggaling sa akin.

8.16.2009

bakit kasi ang daming hindi puwede.

mula sa overpass na kinatatayuan ko, kitang kita ang makapal na trapik. kahit kaunti, walang gumagalaw. dumarami na rin ang mga nakasilip dito sa overpass tulad ko. may nagkakagulo kasi sa may bandang harapan ng kalye. may banggaan ata. kung may buhay lang ang kalye at nakapagsasalita, malamang ay nagmumura na ito ngayon sa sobrang gulo.

hindi ko hilig ang overpass. kung may ibang daan, kahit pa maglakad, doon ako daraan makaiwas lang sa hassle ng pag-akyat at pagbaba. iba rin kasi ang thrill ng pagtawid—iyong tipong makikipagsabayan ka sa mga sasakyan—iyong challenge na tatawid ka nang ‘di bumabagal ang mga sasakyan.

kaunti na lang, mahahagip na ko. dumaan ang dyip sa aking harapan at halos tatlong pulgada lang ang pagitan namin. ramdam ko ang hangin sa aking mukha. parang watawat na humahampas sa aking dibdib ang t-shirt na manipis. ito lang ata ang sampal na gustung-gusto ko, ito lang naman kasi ang sampal na walang halong pagsisisi. mula sa sakayan ng dyip, lumingon at tiningala ko ang mataas na overpass. putang-ina. ngayon ko lang na-realize na nagiging madalas ang paggamit ko nito. overpass. aakyat tapos bababa. nahihiligan ko na ba ang mga hagdan? hindi ako ‘to.

tinawid ko ang tatlong linya ng kalsada nang hindi humihinto. nakatitig sa mga sasakyang papalapit sa’kin habang hinahanda ang isip—saan babagal? kailan aabante? kailan susundan ang kalsada?

nagpaikut-ikot naman ako sa masikip na pagitan ng mga sasakyan. pati ata mga tao ay ayaw nilang pasingitin. Halos walang pagitan ang mga sasakyan. kung bump car siguro ito, lahat ay nagmumura na at hindi nila nasulit ang pinambayad sa tiket. halos walang pagitan ang mga sasakyan....

halos walang pagitan? narating ko na ang pinagtitinginan ng mga tao. kaya pala walang bumubusina kahit pa hindi gumagalaw. bumangga ang van sa puwetan ng dyip. warak ang bumper ng van at bumagsak ang tapakan ng dyip. may lalaki atang.. hindi. may lalaking nakabulagta sa windshield ng van. napuno ng dugo ang salamin. “nawalan ng preno yung van....” narinig ko sa katabi ko. “babae pa nga ang drayber ng dyip e, bakit....” ganoon? napasilip akong muli. ano naman kung babae?

hindi malaman ng drayber ang gagawin. hindi niya malaman ang uunahin habang nanginginig sa takot. siguro sa kaba. hindi ito normal. hindi ito nangyayari sa araw-araw. malamang ay kung puwede lang tumakbo at iwan ‘tong lahat, ginawa na niya. naiiyak na rin ang babaeng drayber ng dyip. hindi man niya kasalanan, kitang kita sa kanyang mga mata ang bigat na dala ng putang-inang drayber ng van.

bakit kasi kung kailan pa may bababa tiyaka siya nawalan ng preno. bakit kasi sa dinami-rami ng puwedeng banggain, dyip pa, may tao pa. bakit kasi hindi nakikita ng mas maaga ang mga ganitong pangyayari, naagapan sana. naiwasan sana. bakit. bakit! ang daming tanong na kahit kaming mga nanonood ay hindi alam ang sagot.

may kanya-kanyang kuru-kuro ang bawat nanonood. “dapat kasi may distansiya kasi lagi sa harap....” sabi ng isang lalaki habang kausap ang isa pang lalaki na anak niya ata. “dalhin na natin ‘yan sa ospital!” “i-atras mo na yung van, gago!” sigaw naman ng isang drayber din ng dyip. “huwag! ‘wag niyo siyang galawin! antayin natin ang albulansiya!” “hayaan niyo lang muna....” ang daming nagsisigawan. ang daming nagsasabi ng maaari at dapat gawin.

umupo sandali ang drayber ng van sa kalsada, sumandal sa kanyang gulong at umiyak habang pinagtututuro ng mga tao na nakatingin mula sa mataas na overpass. malamang, pinagmumumura na rin siya ng mga drayber na nasa loob ng kanilang mga sasakyan. hindi niya alam. hindi. alam niya. alam niya, pero hindi na ito mahalaga. tumayo rin siya at bumalik sa kinatatayuan kani-kanina—sa tabi ng lalaking napagitnaan ng dalawang sasakyan—sa tabi ng drayber ng dyip na tulad niya ay gulung-gulo na rin. Walang may alam ng dapat gawin.

kung nakapagsasalita kaya ang kalyeng ito, ano kaya ang sasabihin niya? kung nakapagsasalita lang ‘tong kalyeng ‘to, mumurahin din kaya niya ang putang-inang drayber ng van? paano ang nabangga?

puwedeng umatras, puwedeng umiwas, puwedeng tumakbo na lang at magtago sa pinakamalayong sulok ng mundo, puwedeng daanin sa areglo, pero hindi umaalis ang lahat—kahit pa ang drayber na malamang ay iniisip na ngayon kung anu-ano ang mga maaaring mangyari.

putang-ina. putang-ina. paano ba ‘to? namomoblema ko sa wala akong kinalaman. hindi ko man lang sila kilala pero para akong matalik na kaibigan na pinakikinggan ang bawat daing. sa akin umiiyak, sa akin sumasandal, sa akin naglalabas ng sama ng loob, sa akin nagtitiwala ng sikreto, pero wala akong magawa kundi maging matatag dahil pinapasan ko rin ang kargo nila na punung-puno ng walang-kasiguraduhang bagay. putang-ina naman.

iniwan ko ang malaking eksena sa kalsada at tumuloy sa me-time ko. iniwan ko ang eksena para sa aking sarili? tama ba? hindi. hindi, hindi. teka.

nanatili akong nakatayo sa harap ng eksena. sa dinami-rami ng mga nakapaikot sa dalawang sasakyan, ako lang yata ang tahimik. ako lang yata ang naghihintay. naghihintay saan? naghihintay sa wala. naghihintay ako... ng maaari kong gawin? baka kailanganin ako ng mga taong ito—ng drayber ng dyip, ng nasagasaan, o ng putang-inang drayber ng van.

naiinis ako sa van, sa drayber ng van pero hindi maaari. hindi puwede dahil hindi rin niya kasalanan ang mawalan ng preno. ang mali lang niya, bakit hindi na lang sa pader o sa island isinampa ang malaking van.

kitang-kita sa mga mata ng naipit ang sakit. nanginginig ang mga kamay nito, ang buong katawan nito habang pinipilit ng dalawang drayber na kausapin sila. humihingi ng tawad sa kanya, ngunit wala na siyang maintindihan. ang sakit na nararamdaman sa kanyang mga paa at likod ay gumapang na sa buong katawan. namamanhid ang lahat. hindi, naubusan na ito ng pakiramdam. Nangyayari ito sa harap ko, sa harap ng mga taong gustong tumulong pero walang magawa, sa harap ng dalawang drayber na halos masiraan na ng bait sa kakaisip kung paano ang gagawin.

putang-ina. putang-ina. nakatayo pa rin ako rito habang hinahayaang madamay ang sarili sa kagananap. nanginginig ako habang pinanonood ang matagal walang kibuan. nakikiramdam.

natatahimik ang mundo sa tuwing nakikiramdam ako, parang nabibingi ang aking tainga at nawawala ang mga boses na matitinging at nangungutya at namumuna. sa tuwing nakikiramdam, naririnig ko ang mga mensaheng walang boses na binabato madalas ng mga mata at pintig ng dibdib, ng puso.

bakit kasi ang daming hindi puwede.

hindi ako nagtatanong, marami ang sagot, alam ko.

mamaya sa pag-uwi ko, sana hindi ako mabangga. kung mabangga man ako, sana walang taong madadadamay.

8.12.2009

pangako

pangako

sa dami nating natutunang mga salita simula pa sa pagkabata, halos hindi na natin magamit ito ng maayos. dagdag pa rito ang pagkatuto nating magsinungaling. madalas, magbibitiw tayo ng mga pangungusap at tula na tumutukoy sa bukas—mga oras at araw na wala naman talaga sa ating mga kamay. aasta tayo na para bang tayo ang may hawak ng bukas, na tayo lamang ang nakatira sa maliit na mundong ito, na sa atin umiikot ang lahat, na walang ibang may karapatan kundi tayo. hindi maiiwasang bigyang puna ito ng mga makakarinig, lalo naman sa kausap natin. papakinggan ka nila at aasa sa mga binitawang salita na patungkol sa bukas. bukas, ganito. bukas, hayaan mo, ganyan.

para silang tumalon sa mataas na gusali at hindi na malaman kung saan kakapit dahil ang mga salitang binitiwan ay maaantala ng maraming bagay—tao, kaganapan, ideya, at marami pang ibang bagay na wala sa ating mga kamay. gusto mo man, wala kang magagawa.

ang pangako ay naimbento ng mga matatalinong tao. ito ang nagsilbing kapitan ng mga tumatalon sa patung-patong na salita. nagsisilbi itong hawakan para bumagal o maiwasan ang pagkawasak ng bungo at pagkabasag ng buong pagkatao ng isang nilalang na umaasa.


hindi dapat abusuhin ang salitang pangako. laging babanggitin na ito ay hindi basta-bastang salita na maaaring gamitin para makakuha ng ngiti at tiwala. ito ay dapat pinag-iisipang mabuti. ang bawat pangako ay tila papeles na pinermahan ng abogado at tinatakan. tulad ng isang dokumento, pinaninindigan at sinusunod ito.


sa tuwing lalabagin mo ang batas na iyong ginawa, konsensiya ang dapat mong nilulunok. guguhit ito sa iyong lalamunan, iipit, mabibilaukan sa tuwing lulunok, at ipaaalala sa’yo na may nasasaktan. hindi ito mawawala. mananatili itong buhay, lalaki at kakainin ang baga. lalamunin nang buo hanggang sa mahirapang huminga.


iisipin mo kung paano mababawi ang mga nasabi. magtatanong ka sa mga kaibigan. baka umiyak ka pa dahil hindi mo na alam ang dapat na maramdaman at gawin. tiyaka ka matututo. ang pangako ay hindi basta-bastang salita. ito ay inimbento ng mga matatalinong tao. kung ang salita, kapag nasabi ay hindi na mababawi, paano pa ang pangako?

8.03.2009

paghihintay

rolling in five, four, three, two....

wide, pan right from dagat hanggang sa mga bundok na medyo mahamog pa. yellow-orange ang sky, sunset. kailangan golden hour. music: intrumental na mabagal, iyong tipong magaan sa pakiramdam. hihinto ang pag-pan ‘pag pumasok na ‘yung bundok at ang tanging lalaking naglalakad sa taas ng burol. Kalbo ang burol na nilalakaran.
cross-dissolve ng music and natural sound. extreme close-up ng lupa, tatapak ang tsinelas na sobrang nipis na, tapos aalis din. cut to close-up ng legs (plus part ng shorts na pinunit galing sa pantalon). pantal-pantal ang legs, may mga malalaking sugat pa na parang nabubulok. medium shot, pan left from katawan niya hanggang sa background na mga bundok at dagat na sobrang calm.

bumukas ng mabilis ang pinto na gawa sa pinagsama-samang kahoy na maninipis. mababa ang shot, medyo naka-tilt-up, background ang bubong na butas-butas. pumasok ang mukha ni lito sa frame, nakayuko. mababa ang bubong, madilim. orange na Ilaw na galing sa mga butas ng bubong na lang ang nagbibigay liwanag sa loob ng bahay. Padilim na kaya umalis siya sa frame. naglaglagan ang mga kaserola. bumalik siya sa frame after ng mga five to six seconds, uubo-ubo habang sinisindihan ang maliit na puting kandila gamit ang posporo. ititirik niya ang kandila sa lupa. may close-up shot ng pagdikit ng kandila sa lupa na mamasa-masa pa.

bumuntong hininga siya. iikot ang camera sa loob ng bahay, ipapakita kung gaano kaliit at kagulo at kadilim. iyong ilaw, dapat sakto lang na mapakita na madilim, pero sakto na maaaaninag ‘yung mga lumang picture frame na may mga punit-punit na litrato ng babae at isang bata, ilang mga pinatuyong sulat na dinikit sa pader, mga lumang water jug, coolers, emergency light na basag, mga tambak na kahoy na nakalapag sa tabi ng pinto, mga kaserolang nasa sahig at nakakalat, at si lito na nakahiga at nakatitig sa kandila. titigil ang shot sa close-up ni lito habang nakatitig sa kandila. depth of field, una ay ang mukha ni lito ang malinaw. lilipag ng focus at ang kandila naman ang lilinaw. papakita kung gaano kababa at kalungkot ng nararamdaman ni lito. mag-isa siya. dolly out pataas habang tilting down hanggang sa bird’s eye view. fade to black.

black, mag-uumpisang umubo si lito. bubuksan ang pinto at masisilaw si lito. close-up ng mukha ni lito habang nag-a-adjust sa liwanag ng araw. music: instrumental na mabagal, habang Iikot ang camera, zooming out para makita ang scenery na pareho sa kanina. this time, mas maliwanag, mas nakikita ang details. nasa mataas na parte ng burol nakatirik ang bahay ni lito. pumasok siya sa loob ng bahay sandali. Nang lumabas siya, pasan na niya sa kanyang likod ang mga tali at backpack na gawa sa tagpi-tagping kahoy at punit-punit na tela. nakahawak sa kanyang mga kamay sa likod para hindi malaglag ang malaking bagahe na nakapasan. nasa kanan ang camera, isang wide shot ng bahay na kasama ang dinaanan ni lito. nakatsinelas ang kanang paa niya habang sneakers na punit ang nasa kaliwa. fade pagkawala ni lito sa frame.

pan left from backpack ni lito na nasa sahig, papakita ang maliit na falls na nasa background, at si lito na naghuhukay ng mga gamit sa isang sasakyan na maitim. sunog ang sasakyan, wala na ang mga bintana, sabog ang bulong. hinila niya ang isang katawan palabas ng kotse. humiwalay ang kamay nito sa katawan, pero halos buto na lang ang natitira. sunog din ang katawan. kinapkap niya ang fatigue na bulsa ng pantalon pero wala ng laman. close-up shot ng pagkapkap sa mamasamasa at maitim na bangkay. close-up ng mukha ni lito habang palingat-lingat. may hinahanap siya. pumasok siya ng sasakyan, at mabilis na lumabas na may hawak na cellphone. susubukang gamitin, pero ‘di gumagana. medium shot habang naiinis. sisigaw si lito, “putang ina niyo!”, ibabato ang cellphone sa waterfalls na maliit. sasapaksapakin ang bangkay. umiiyak. fade to black.

shot ng apot. up music fade under: medyo thriller na mabagal. lalakad si lito papalapit sa bonfire. uupo siya sa harap ng apoy. ilalagay ang isang stick na sinaksak sa braso, ipinatong sa apoy. medium shot ni lito habang nasa harap niya ang kamay ng sundalong kumidnap sa kanya.

close-up ni lito. close-up ng tatlong malalaking bato na magkakasama. Up music fade under: instrumental na parang naglalambing. papasok sa frame ang kamay ni lito na maglalapag ng picture frame. ito ‘yung picture frame na may larawan ng babae at bata na nasa bahay niya. cut, close-up sa mukha ni lito. reaction shots, pero walang reaction na gagawin si lito. music, fade out. bubuntong hininga. mga ilang seconds na walang gagawin si lito. yuyuko siya at kukunin ang barbeque na braso ng sundalo. haharap sa larawan. itataas ng kaunti ang barbeque at “happy anniversary.” kakagatin ang hintuturo ng kamay at ngunguyain. masusuka pero pipigilan. papaluin ng isang beses ang dibdib. close-up ng pagdura niya ng buto. wide, ibabalik niya sa taas ng apoy ang braso. kukunin ang tabo na nasa tabi ng batong inuupuan niya. maghihintay na malunok ang laman ng dumakip sa kanya, “i love you, miss na kita hon.” music: mahinang instrumental. iinom sa tabo. pagkababa niya ng tabo, naka-close-up shot sa braso niya na may malaking sunog. difform ang balat, may mga pula-pula na halatang ‘di naalagaan ng maayos. dolly out habang zooming out to wide moving to the right para mapakita ang bahay. then, pan right na mabagal paikot para mapakita ang dagat na ngayon ay gabi na. dire-diretso lang ang pag-ikot hanggang dumating sa bonfire. this time, wala na ang apoy. uling na lang. hihinto ang pag-pan ‘pag nasa isa sa mga attention points na ng rule of third ang bahay ni lito. madilim na ang paligid. iyong figure na lang ng bahay at ilaw na nanggagaling sa puting kandila na lang ang nakikita sa frame.

music: instrumental na mabagal. last shot, close-up ng kandila na minomolde uli ng mga kamay ni lito para maging kandila uli. kasama sa shot hanggang sa tinatanggal ng kamay ‘yung mga dumikit na wax sa kamay. fade out.

and, cbb.

8.02.2009

ronnie, nasaan ka na?

naalala ko nanaman ang pagkabata ko, noong mga kailangan pang lagyan ng dagdag na upuan para lang magupitan, nang buksan ko ang pinto at maamoy ang pulbo na tumambad sa aking mukha. Ito, paborito kong barbershop, kay eddie. ronnie’s barbershop na ang nakasulat sa salamin nito gamit ang pulang pintura. Halatang bagu-bago. Pero kahit ganitong iba na ang pangalan nila, eddie’s pa rin ang pinapaalam ko kay nanay sa tuwing magpapagupit ako kay kuya bong. nasanay na rin kasi ako, ito na rin ang kinagisnan ni mama.


astig si kuya bong, simula bata ay siya na ang gumugupit sa’kin. suki ba. sinubukan ko rating magpagupit sa mga salon na lagpas isang daan ang singil, pero ‘di ako nagtagal. una, ang mahal nila kumpara kay kuya bong na kuwarentang gupit at benteng tip lang. naisip ko, mas malaki ang napupunta sa barbero ‘pag ganito. pangalawa, alam ni kuya bong ang gusto kong gupit. sakto kung gaano kataas ang ahit, walang putol na patilya, malinis na madumi. at pangatlo, ang pinaka-importante sa aking palagay, mabagal tumubo ‘pag siya ang gumugupit. parang kalokohan kung pakikinggan pero totoo. ang linis din kasi niyang gumupit at mag-ahit, maduming malinis, madumi na naaayos sa trip ko.

“sige, upo ka muna.” ani ni bong. dumikuwatro ako sa silyang pulang-pula pa rin. may kaunting butas sa kanto-kanto nito ngunit kung gaano siya katigas noon, wala itong pinagbago halos dalawampung taon na ang nakalipas, o mga kinse sa aking pagkakaalala. ang mga puting tela na sumasalo ng mga pinutol na buhok, mga gunting na matatalas pa rin ang tinig sa tuwing nagpapalakpakan, mga salamin na halos natakpan na ng kung anu-anong sticker at lumang poster nila jerry at vic zhou sa kalumaan, mga tray ng pulbo at suklay na may mga pangalan ng barbero ng barbershop, mga lumang hot-oil machine at pang-kulot na tila ‘di na umaandar, mga pekeng dinikit na tiles na biyak-biyak at kulang-kulang na, at ang aircon na walang palya sa kakaungol. nararamdaman ko siya. ako ba siya? siya ba ko? nakahiga ang mga maiikling buhok sa sahig na beige habang ang ilan ay pinagagalaw ng bentilador na mabagal na umiikot at paminsan-minsang sipa ng barbero sa tuwing iikot upang silipin kung pantay ang flat top ng ginugupitang kaibigan.

sumandal ako at pilit na inalala pa kung paano nangyari ang lahat—mga hairstyle na nasubukan, mga barberong sumubok na agawin ako kay bong, mga pangyayari bago pumasok at pagkalabas sa pintuan ni eddie. eddie? nasaan na nga ba si eddie?

“wala na, umuwi na ng pangasinan. natalo niya kasi ‘to sa pinsan niya, iyon si ronnie.” at tumuro sa lalaking nakaupo sa dulo ng barberya. balbas sarado, makapal ang buhok, maitim, nakataas ang paa habang nagbabasa ng diyaryo, o tumitingin lang ata ng nakahubong litrato ni gwen garci at maui taylor. ibang iba ang itsura niya kay eddie. sa katunayan, baliktad sila ng itsura. si eddie ang mukhang barbero talaga, dahil na rin siguro sa kalinisan. laging ahit ang patilya, malinis, kulang na lang ay pati kilay ang ahitin.

sinilip ko sa salamin ang sarili habang mabilis na nagpipintang muli ng obra si bong. lagi ko kasing iniisip, para akong canvass sa harap ni bong na sa tuwing uupo ay uulitin ang nagawa na para bang replay na lang. pero hindi, hindi siya obra. lagi kong sinasagot ang sarili. ang bawat gupit niya sa’kin ay kakaiba, nararamdaman ko. bawat palakpak ng kanyang gunting, nagliliparan ang maliliit na puting buhok sa puting tela. babagsak sila at titigil sa may gitna. nakita ko ang sarili ko sa lumang salamin.

ang mga mata na bagsak, tila pinapasan ng mga talukap ang bagahe ng buong pamilya, ang bagahe ng ilang dekada na puno ng hinanakit at pighati. nalulumang puti na kulay ng mata habang paunti-unting binabagsakan ng talukap. nilipasan ng panahon ang balat nito na disyerto kung tingnan ng mga batang sabik na sabik sa kagandahan.

mapapapikit sa tuwing magpapagpag si bong gamit ang paboritong brush. matatamaan ang mata ‘pag magii-spray ng tubig sa bandang patilya.

hinati niya sa dalawa ang buhok na maninipis. hinati niya sa magkabilang banda habang sinasabing, “imposibleng magpantay ‘to.” itatanong ko sana kung ano ang kanyang tinutukoy pero nahuli ko rin ang nais niyang iparating. hindi pantay ang lahat ng bagay, at ‘di magpapantay ang hati ng aking buhok. ang mga tao nga, hindi pantay-pantay, buhok pa kaya.

kaya siguro nauso ang buhok rizal—iyong tipong nasa gilid ang hati. kalokohang subukang maging pantay ang bawat hagod ng suklay at maging magkakorte ang kaliwa sa kanan. natutunan ito ng magkaibigang fernando poe at erap. natutunan nila na tulad ng buhay, may kagandahan sa hindi pagiging pantay at pareho. ang bawat pagkakamali, bawat pagkakaiba, ay karakter.

nakatitig ako sa poster ni fernando poe at erap na nakadikit sa drawer ni bong, napatulala pala ko. sayang, kung nanatiling action star sana tong dalawang ‘to, naging mas madrama siguro ang pagkamatay nila. si fpj pa lang pala. si cory kaya, kamusta na?

naaninag ko ang batang naka-upo sa aking likuran. pinagmamasdan ko siya mula sa salaming nasa harap ng aking kulubot na mukha. marahang kinakalbo ang bata at iniiwan ang buntot sa likod ng kanyang ulo na halos anim na pulgada na ang haba. tumingin siya sa’kin.

maangas ako noong bata. ayaw na ayaw ko ang tinititigan ako, pero gusto ko ang atensiyon ng lahat. hindi ko maintindihan kung bakit, pero alam ko ang tingin ng mga nakiki-usyoso at ang tingin ng isang humahanga o nagtataka. tuwing nahuhuli ko ang mga nakiki-usyoso, sinasabayan ko ang kanilang mga titig-mga titig na nagmumura at naghahamon. madalas ay umaatras ang mga paningin, pero may mga pagkakataon ding sadyang nakakatagpo ng tulad ko, kupal. makikipagtitigan, makikipagsagutan hanggang sa mauwi sa kung saan.

hindi ko inalis ang aking tingin. mula sa kanyang buhok, binaba ko ang tingin sa kanyang mata pababa sa kanyang talampakan. hindi ko siya minura tulad ng ginagawa ko noon, pero marami ang tumatakbo sa aking isip.

ang ganyang uri ng buhok ay naghahanap ng kalayaan. nais niyang matanggap ng lipunan at tingalain bilang isa sa mga kasapi ng astig na kabataan—mga batang marunong magsalita at ipahayag sa nakararami na may boses sila—mga batang may nais sabihin at patunayan na madalas ay ‘di napakikinggan—mga batang may karakter—karakter.

tuwing nagpapagupit ako, lumuluwag ang pagkakapinid sa aking dibdib. tila dahan-dahang niluluwagan at pinapapasok ang malamig na hangin upang pasukin ang aking katawan at libutin ang bawat sulot ng aking kalamnan. parang nakawawala sa matagal na pagkakakulong sa mundong napupuno ng mapanghusgang paningin at mapang-aping mga bibig.

buong buhay ko, tinali ako. mula sa mahabang buhok na kinagisnan ng marami, nagpakalbo ako. nagulat ang lahat, nagtaka at napa-isip. napaikot ko ang kanilang isip at imahinasyon. may mga nagtanong, “may problema ka ba?” wala naman akong masagot. maangas ang naging itsura. magulo ang naging reaksiyon ng bawat kaibigan at nakakasalubong lalo na nang itira ko ang batman ng aking buhok. “oo, nauna ako sa kanya sa ganyang buhok.”

ngayon, nakikita ko ang sarili ko sa salamin. literal. nakikita ko ang itsura ko noon sa aking harap. nakatitig siya sa’kin. maangas, handang lumaban at makipagtalaktakan, pero hindi niya gagawin dahil wala akong ginagawa sa kanya. gagalaw lamang siya at magpaparinig ng pahapyaw kapag gumawa ako ng bagay na labag sa kanyang prinsipyo at inabuso ang respetong binibigay sa akin.

alam ko ang tumatakbo sa kanyang isip. alam ko pati ang mga bagay na kahit siya ay ‘di pa niya natutuklasan. anak, isipin mo ang sarili mo. nasa tama ka, pero mamili ka ng tama.

binaba ni bong ang razor, at natabi ito sa suklay na halos naninilaw na sa kalumaan. paborito ata ‘to ni bong. walang ibang ginagamit na suklay si bong kundi ang luma at naninilaw na ito. minsan, niregaluhan daw siya ng suklay, pero tinago lang niya. sabi niya, “maluluma rin naman ‘yan, dito na ko sa luma hanggang masira.” hindi ako naka-imik, hindi ko ‘to magawa. hindi ko alam kung may paborito ba kong suklay, o kung nawala ko ba siya. sa katunayan, kahit hindi naman suklay. wala siguro.

binaling ko ang tingin ko sa bata na ngayon ay tulala sa kanyang telepono, tila may kausap. nasa gilid ng aking paningin ang malabong imahe ng aking sarili habang hinuhulma ang barbers na gupit. pagkatapos ng dalawampung taon, ganyan pa kaya ang buhok niya? pinikit ko ang aking mga mata at huminga ng malalim. nakakapagod. mas nakakapagod na. mas nakakapagod ‘to, lalo na kapag iisipin ko pa pati ang pakiramdam ng batang ito, ng ibang tao, na hindi naman talaga dapat.

lumagapak ang dalaming pinto at pumalo ng pabalik-balik. napalingat kami. dumiretso ang lalaki sa tabi ng bata, umupo, at sumenyas sa isang barbero, si jay, baguhan. “kalbo.” ani ng lalaking katamtaman ang laki. mukhang may asawa, mukhang may anak, pero isang mapormang lalaki nanaman. binuklat ang magazine na nasa harap niya habang mabilis na nilipat-lipat ang mga pahina, halatang litrato lang ang tinitingnan. “uno o dos?” tanong ni jay na nagpapagpag ng naninilaw na tela sa likod ng lalaki.

“dos.”


“ayos na boss.” biglang sabi ng tahimik na si bong.


tumango ako, tumayo at dumiretso kay ronnie. bumunot ng isandaang piso sa pasadyang wallet, inabot sa lalaking pumalit sa upuan ng dating kaibigan. tumingin siya sa’kin at binuksan ang drawer na puno ng bente pesos. inabot niya ang tatlong pirasong bente pesos.


binuksan ang drawer na puno ng bente pesos at kumuha ng dalawang pirasong bente pesos. “bong, may bente ka rito!” sigaw ni eddie noon.


kinuha ko ang tatlong bente pesos at tinupi ang isa. “bong o.” habang inaabot ang nakatuping bente sa lalaking gumuhit sa mga alaala sa barbershop ni eddie.


tinulak ko ang pinto at hinayaang pumalo-palo ang ito kasabay ng pagkalabo ng pangalang, “ronnie.”