7.26.2009

karera kalaban ang nakaraan

mabilis na lumilipas ang bawat detalye ng mga gusali. ang mga building, parang hinihigop ng kung ano na higit na malaki. ang mga tao, kinakain ng malaking bagay na ito. lahat ng bagay na naaabot ng aking mata, kinukuha niya. hinihigop niya. wala akong magawa kundi ang silipin sila sa aking rear view habang pinipinilit na maging maayos at diretso ang manubela.

mabilis siya, at sa bawat segundong lumilipas ay bumibigat ang tapak ko ng gasolina. ang aircon, pinatay ko na para makahinga ang makina. galit na siya. gayon din ako, kahit hindi alam kung bakit. namamanhid ang aking ulo tulad ng pagmanhid ng aking kamay na nakapatong sa kambiyong nasa singko.

mabilis kong binabaling ang aking tingin sa daan sa tuwing makasisilip sa rear view. mabilis kong iniiwan ang lahat dahil kailangan. may hinahabol ako.


mabilis kong hinahabol ang alin? nakikipagkarera ako sa nakaraan, sa kasalukuyan, at hinaharap. pilit kong binibilisan ang bawat gawain dahil ayaw kong mahuli sa karerang ako mismong ang gumawa. ako mismo ang nakaisip, gumawa, at sana... tatapos.


mabilis akong nakikipagunahan kahit alam ko sa sarili kong hindi bumibilis ang aking kalaban. kalaban nga ba siya?


mabilis akong nakikipagunahan kahit alam ko sa sarili kong hindi bumibilis ang aking kalaban. nariyan siya, oo, pero hindi siya bumabagal o bumibilis. para siyang nasa mode na automatic kung saan hindi mahalaga ang ulan o matinding sikat ng araw. ang mahalaga, makarating sa kanya.

mabilis ako dahil ayaw kong mauna siya. kahit pa ganyan siya at alam kong mauuna ko, nariyan pa rin siya. alam kong wala siyang laban, nasa hukay na siya at inuuod. kinakain ang kanyang laman ng mga kung anu-ano na tila Diyos lamang ang nakaaalam. patawarin niyo ko, sinumpa ko siya noon.

mabilis man siya, laban ko ‘to. akin ‘to. akin ‘yan. buhay man siya o totoong inuuod sa ilalim ng makapal na lupa, kakarera ako. tatalunin ko ang iba dahil ako ay naririto, wala mang rason, dahil alam ko sa sarili ko na ito ang magpapasaya sa’kin.