7.26.2009

karera kalaban ang nakaraan

mabilis na lumilipas ang bawat detalye ng mga gusali. ang mga building, parang hinihigop ng kung ano na higit na malaki. ang mga tao, kinakain ng malaking bagay na ito. lahat ng bagay na naaabot ng aking mata, kinukuha niya. hinihigop niya. wala akong magawa kundi ang silipin sila sa aking rear view habang pinipinilit na maging maayos at diretso ang manubela.

mabilis siya, at sa bawat segundong lumilipas ay bumibigat ang tapak ko ng gasolina. ang aircon, pinatay ko na para makahinga ang makina. galit na siya. gayon din ako, kahit hindi alam kung bakit. namamanhid ang aking ulo tulad ng pagmanhid ng aking kamay na nakapatong sa kambiyong nasa singko.

mabilis kong binabaling ang aking tingin sa daan sa tuwing makasisilip sa rear view. mabilis kong iniiwan ang lahat dahil kailangan. may hinahabol ako.


mabilis kong hinahabol ang alin? nakikipagkarera ako sa nakaraan, sa kasalukuyan, at hinaharap. pilit kong binibilisan ang bawat gawain dahil ayaw kong mahuli sa karerang ako mismong ang gumawa. ako mismo ang nakaisip, gumawa, at sana... tatapos.


mabilis akong nakikipagunahan kahit alam ko sa sarili kong hindi bumibilis ang aking kalaban. kalaban nga ba siya?


mabilis akong nakikipagunahan kahit alam ko sa sarili kong hindi bumibilis ang aking kalaban. nariyan siya, oo, pero hindi siya bumabagal o bumibilis. para siyang nasa mode na automatic kung saan hindi mahalaga ang ulan o matinding sikat ng araw. ang mahalaga, makarating sa kanya.

mabilis ako dahil ayaw kong mauna siya. kahit pa ganyan siya at alam kong mauuna ko, nariyan pa rin siya. alam kong wala siyang laban, nasa hukay na siya at inuuod. kinakain ang kanyang laman ng mga kung anu-ano na tila Diyos lamang ang nakaaalam. patawarin niyo ko, sinumpa ko siya noon.

mabilis man siya, laban ko ‘to. akin ‘to. akin ‘yan. buhay man siya o totoong inuuod sa ilalim ng makapal na lupa, kakarera ako. tatalunin ko ang iba dahil ako ay naririto, wala mang rason, dahil alam ko sa sarili ko na ito ang magpapasaya sa’kin.

7.12.2009

walang gamot sa ayaw sa gamot

kapag tumatanda nga naman, narinig ko habang nasa isang 1970’s na fastfood chain. napalingon ako at napasilip sa malaking bibig na humihigop ng namumulang spaghetti. nanlaki yata ang intsik kong mata sa gulat. sumandal ako habang inaalala ang nagtitimping tiyan, halos kinse minutos na kasi at wala pa rin ang fries na pinangako sa’kin. sumilip akong muli sa spaghetti woman na halos laklakin ang coke na large.

pilit kong binalik ang liit ng tula butas ng alkansiya kong mata. naalala ko ang kaibigan ko. sana, sa akin na lang napunta ang kapangyarihan niya. kapangyarihan nga ba ‘yon?


ang galing ng mata ni piso. maliit din ang kanyang mata tulad ng akin. biruan nga namin, hindi lumiliit ang aming mga mata kapag umiire kapag tumatae ng matigas. ganoon kaliit, at ganoon din kami ma-close. kahit maliit, malinaw ang kanyang mga mata. madalas siya sa tv, computer, pero magaling pa rin siyang kumopya ng sagot sa katabi. bilib talaga ko. Sabi niya minsan, pati kapalaran ng tao ay nakikita niya. minsan, may lalaking nagmamaneho ng makinis na pulang kotse. hinamon ko siya. paano siya mamamatay, hamon ko. tila di siya nagulat sa tanong ko. hindi nga tanong sa’kin ‘yon. ginagago ko lang siya. sumagot siya ng mahaba.

matagal pa siyang mabubuhay, ang una niyang binanggit. hindi nagbago ang itsura ng kanyang mata, ngunit sinasabi ng seryosong boses na dapat ay makinig ako. matagal pa raw siyang mabubuhay, pero marami siyang pagdaraanan. tatamaan siya ng sakit na maraming lunas. Iiwasan niya ang lunas. maraming tutulong sa kanya, ngunit mas marami ang magbibigay sa kanya ng lason. isa na rito ang kanyang dalawang kapatid. pati ang mga pinsan niya. tatanggapin niyo ito. tatalikuran niya ang kanyang mga anak at asawa at ibibigay ang malalaking tainga sa mga kapwa maysakit.

natatakot na ko, pero ayaw kong magsalita. naputol na ata ang dila ko, pinutol ni piso. unti-unting kinain ang kanyang katawan, tinuloy ni piso. noong una, bibig at labi lang niya ang ‘di niya ma-control. sumunod ang kaliwang paa’t kamay. naagnas ang kanyang kamay hanggang sa balikat. ang kanyang paa, unti-unting umikli. halos hindi na niya maitapak sa semento sa tuwing naglalakad. magkasunod ang dalawang mata naumikot. napunta sa likod ang kanyang paningin. sariling utak na naaagnas ng nikotin ang nakikita. at sa bawat dilat ng malabong mata, wala siyang magawa kundi alalahanin kung ano ang nagawa. pero hindi raw siya nagsisi. Hindi niya naisip ang kahit anong masamang nagawa sa nakaraan. wala siyang kasalanan, lagi niyang sinasabi sa sarili habang patuloy na hinihithit ang nikotin na dumidiretso sa paa para makuha ang perpektong itsura ng hamburger.


hamburger? tumingin ako kay spaghetti woman at nakitang tama ang hinala. may hamburger siya at nilalagay na niya ito sa kanyang bag. Pang-merienda niya siguro. napalaki muli ang mata ko nang maglabas siya ng supot. Isinalin niya ang natirang coke at pinulupot nang mabilis. mabilis. halos wala pang walong segundo ang mga nangyari.


-ang hamburger na paa na punung-puno ng spots. minsan daw ay malakas siya, minsan ay hindi. minsan, gigising siya at magugulat na wala siyang lakas para tumayo mag-isa. magkakasugat, ngunit kung gumaling man ay aabutin ng buwan—taon?


paano siya mamamatay, nasingit ko nang natigil siya sa pagku-kuwento. tumingin siya sa’kin. tinanong ko kung bakit. inulit ko ang tanong, paano siya mamamatay? ‘di niya sinagot ang tanong ko. ang naaalala ko lang, nakita raw siya ang larawan sa bahay ng lalaki. nandoon daw ako, o kamukha ko lang siguro. higit na maliit, pero ga-piso rin ang mata. lintek na matang ‘to, napahamak nanaman ako.