6.11.2009

uphill, photographed

minsan, umalis ang pamilya at umakyat ng timog, sa tagaytay. mabilis magpatakbo si papa at nakasanayan ko na rin ang kabagin dahil sa malakas na hanging pumapalo sa mukha ko na nalulunok ko. kasama na siguro iyon ng saya ko lalo na sa tuwing mamamanhid na ang aking mga pisngi. kaya rin siguro ako nakalbo dahil sa libangan kong ito, naisip ko noon habang patuloy na binubunot ng hangin ng laguna ang aking mga buhok sa anit.

nilabas ko ang aking vivitar panoramic camera nang makakita ako ng bundok, o bulkan ata ‘yon. dinikit ko ng mariin ang aking pisngi sa plastik na kaha nito. Isa, dalawa, click! mabilis na inikot ng mabilis ang advance wheel pero nang sumilip akong muli sa viewfinder, wala na sa gitnaang bulkan. pinindot ko pa rin ang shutter.

nanghinayang ako, buwiset! kung advance lever lang sana ‘to, ang sabi ko noon habang hawak sa dalawang kamay ang paboritong lomo camera.


dalawang buwan din ata ang lumipas bago ko nadala ang mga film sa bayaw ni allan, ang may-ari ng photo concept diyan sa hidalgo, quiapo. ang hirap ng ganito, may hobby pero walang pangtustos. para akong nanliligaw pero walang pera, may idea pero walang kuwento. isang oras daw bago ko makukuha kaya naglibut-libot muna ko. slr, tlr, original na lomo, diana, holga, brand new, second hand, antigong pang-display na lang, mangilan-ngilang digital, at mga accessories. nanghihina ang aking mga tuhod sa tuwing magtatanong at malalaman ang presyo lalo na’t hindi kaya ng aking manipis na wallet. bumalik ako ng photo concept, nakuha ang contact prints. nakangiti kong tinitigan ang mga kuha na tama ang exposure habang namimili ng mga paborito. marami ang underexposed, dahil siguro sa asa100 na film na gamit ko. tinitigan ko ng matagal ang kuha ko sa laguna, ang bundok. madilim, natakpan ng puno ang kalahati ng frame, vignette naman sa kaliwang bahagi dahil sa kanto ng bintana ng sasakyan. katabi nito ang pahabol na pindot ko ng shutter. hindi ko naiwasang ibalik ang ngiti na nawala. oo, putol ang bulkan, hindi ko nakuhanan ng tulad kay tapan, pero kitang-kita ang mabagal at dahan-dahang dalusdos ng bulkan. kalahati lamang ng bulkan ang nasa frame, pero malinaw, puno ng drama kahit wala ang bunganga ng bulkan sa litrato. marahan kong isinilid ang dalawang contact prints at namasahe pauwi. maya’t maya, sisilipin ko siya, tila batang may tinatagong sisiw sa karton.


detalye, ngayon ko lang naisip. nawala ang bunganga ng bulkan kaya natuon ang pansin sa mga detalye. nakita ko ang mga maliliit na puno, ang mga pananim na pinya, ang dalawang ibon na tila naglalandian sa puting langit, at ang korteng pisngi ng bulkan.


idee fixe, french word na ang ibigsabihin ay fixed idea. walang kuwento, walang story arc, boring, pero puno ng detalye. tulad ng litratong ito na hawak ko ngayon sa aking kanang kamay, walang kuwento dahil wala ang bunganga ng bulkan, walang lava, walang tao, walang subject kundi gilid ng bulkan, pero maganda.


nariyan ata siya dahil may gusto siyang sabihin. nais niyang magbigay ng impormasyon, babala, kamalayan, o baka simpleng “gusto ko”.


para siguro siyang long exposure, moving clouds, star trails, abstract, o high speed photography. madalas ay wala siyang kuwento. keep it simple, ika nga. hindi siya nakikita ng mata, mata ng potograper, oo, pero hindi ng normal na mata ng isang makitid na businessman. gagawin ito ng potograper hindi dahil may nais siyang kuwentong ilabas tulad ng mga nasa diyaryo, kundi upang ipakita na ito ang nangyayari. totoo pa rin ito dahil nakunan siya ng kamera, may mga nabago lang pero totoo pa rin. may mga bagay na magaganda na madalas ay di natin napapansin. pansinin natin.


realidad. detalye. ito ang higit na mahalaga.


bagong pasok ako sa isang organization noon. kinailangang pumunta ng seminar, mga bago at lumang bahagi ng pinakamalaking organization sa buong university, ang official publication. Inaantok, bawat bukas ng pinto ay lilingatin ko, baka lunch na. bumukas, bumukas, at pumasok si ilai, lumang staff. alam ko na ang pangalan niya noon. naka-green na jacket, tumayo siya sa likod at sumandal sa pader. nakatitig ako, binalik ko ang sarili sa seminar. baka mahalata, pero di mapigilan ang paglingat-lingat. huling lingat ko, wala na siya sa kanyang puwesto. wala na siya sa kuwarto.


naalala ko kung paano kami nagkakilala. exam noon para makapasok, wala pa ko sa mood. isang upuan ang pagitan namin, ‘di ko pa siya napansin hanggang tanungin niya kung ano ang pangalan ko. nalaman kong pareho kami ng kurso. nakangiti ako, ‘di ko alam kung bakit. sa dalawang tanong niya, nakangiti ako. umaasang may kasunod, pero hindi na dumating ang ikatlong tanong. tumahimik ako sa upuan at tinapos ng mabilis ang exam.


ako raw ang unang natapos. nagpasa. kating-kati na ko umuwi. pawis, size L ang t-shirt at may malaking backpack na blue, dumating siya. si ilai, tinulungan akong maglipat ng mga files.


sumilip ako sa loob ng office, nang makita siya at nakitang naglalaro ng baraha, agad akong lumapit. umupo sa kanyang harap, binuo ang bilog habang naghahanap pa ng ika-apat na maglalaro. buti na lang at ayaw rin niya ng tongits. di ko trip ang tongits, pusoy dos or nothing ang drama ko pagdating sa baraha.


at dahil baguhan, kailangang samahan ng mga nakatatanda (sa pagiging miyembro) ang mga bata (sa pagiging miyembro) sa unang cover. volleyball, paano kami pupunta roon, ang tanong ko. sumagot siya ng mahaba, tila nasa game knb at kailangang mamili kung a, b, c, o d. bus ang pinili ko. change of plans, magkikita kami at sabay-sabay na pupunta sa san juan. apat kami noon kaya hindi ko masabing date, pero sinabi ko pa rin sa kanya dahil... ‘di ko alam. malandi lang siguro ako at wala rin naman akong balak na itago na gusto ko siya. hindi kami nag-bus. tatlong babae at ako, tatlo kaming potograper at isang writer. si ilai at si josa ang magkasama at nanguna, kami naman ni cha (ang nag-iisang writer) ang magkasama. naalala ko, sumesenyas pa ko kay cha na para bang sinasabi ko na dapat ako ang kausap ni ilai, ako! ako! ako! ako ang dapat andoon sa lugar ni josa, ako! at ang sabi niya, “mamaya, sumingit ka kasi roon.”


6 ng gabi ng laro, sumakay kami ng pedicab-lrt-jeep. katabi ko na siya sa pedicab, naka-upo silang dalawa ni josa sa loob habang nakasiksik ang puwet ko sa armrest nito. masakit sa puwet, dumudulas, tila napupunit ang balat ng pisngi ng puwet ko pero ayos lang. katabi ko siya. katabi ko siya hanggang sa bumigay si kuya. Di raw niya kaya. Pinalipat kami ng ibang pedicab ni cha. sayang, sabi ko kay cha nang magkatabi na kami.


tapos na ang laro, panalo kami. habang hinihintay na makasakay sila cha at josa, bigla akong tinulak ni ilai paikot. bakit, sigaw ko habang nagtataka. “huwag kang titingin”, sabi niya. nagtaka ko, mata ko pala ang tinutukoy niya. at sa tuwing kinukuwento ko ito sa kanya, ‘di pa rin siya makapaniwalang nasabi niya ito. “nasa utak ko lang ‘yan, ‘di ko alam nasabi ko pala.”, ang lagi niyang palusot. oo, naniniwala naman ako.


shakey’s 777-777.... tumutugtog sa utak ko habang hinuhuni ang tono na tila kinain na ang utak ko. nasa g-liner pauwi, magbabayad na ko nang makita ko ang anklet na blue na inipit ko sa’king wallet.


inabot niya sa’min isa-isa ang anklet. isuot daw namin. hindi ako mahilig magsuot ng anklet kaya inipit ko siya sa aking wallet. naisip ko, itatago ko na lang para naman magtagal. nagtampo yata nang makitang ‘di ko suot. tinext ko siya, “suot ko na ang anklet.” habang inaabot ang bayad sa konduktor ng berdeng bus.


“oo, gusto kita. ano naman. ‘di naman kita liligawan o ano.” nasabi ko sa kanya nang sabihin kong hinanap ko siya nang magpunta ang buong organization sa caleruega para sa retreat. wala siya. hinahanap ko siya noon. nagtataka pa ko noon kung bakit walang naghahanap sa kanya na ibang staff. sabi ko pa sa katabi ko noon, “wala siya, bakit kaya?” gusto ko siyang i-text, tawagan, “bakit wala ka pa? nasaan ka na? aalis na ang bus?” pero hindi, wala akong number niya at ‘di ko kaya, ‘di ko pa kaya. soon, soon.


nang malaman kong may susunod na labas ang organization, sa cavite. pakapalan na ng mukha. may katabi ka na ba sa bus, tanong ko. wala pa, sagot niya. “puwedeng mag-apply?”


ngayon na lang ako nagising ng ganito ka-late, sabi ko sa kanya pagkabangon ko. magka-usap nanaman kami at nasasanay na ko. “akin ka lang today”, sabi niya. sabi ko, kahit hindi lang today ayos lang. hindi ko raw alam ang sinasabi ko. “somehow, i know what i am saying. it takes time, but i’ll be here.”


sinubukan kong magsulat kinabukasan. matagal-tagal na rin nang huli akong magsulat. wala akong maisip kundi siya. sabi nga nila, write what you know. alam ko ‘to. alam ko, at sinulat ko siya. write what you know daw, e.


nakikisabay ba ang ulan sa aking nararamdaman? kung oo, huwag na sana itong tumigil.

tagaktak ang pawis na tumutulo sa patilya at ang likod naman ay basang-basa dahil sa malaking backpack na nakasampa sa kanya. nagmamadaling bumalik ng dorm si crus habang hinihithit ang huling upos na yosi.

bakas sa kanyang mukha ang katamaran, ngunit ang dapat gawin ay dapat gawin. pinitik niya ang yosi bago pumasok ng dorm. mabilis na iniwan ang ilang libro sa kama at muling bumaba, hindi man lang nilingat ang mga mukhang nakasabit sa buong kuwarto.

bagong lipat lang siya. lahat ng mukha ay pamilyar ngunit lahat din ay walang pangalan sa taas ng kanilang mga ulo sa paningin niya. walang siyang kilalang tao maliban sa landlady ng dormitoryo. wala rin naman talagang dahilan kung bakit siya umalis sa dating tinitirhan, nais lang talaga niyang sumubok ng bago. maiba lang. puwede namang bumisita paminsan-minsan, hindi ba? nakagawian na ito ni crus, ang humanap ng bago na masusubukan upang hindi mabagot. kung minsan, aalis pa talaga siya upang maglakad-lakad lang, magpapaligaw at magpapapawis, at uuwi dala ang ilang mga kuwentong nakita sa tabi-tabi. ang dahilan? wala lang. hindi naman daw kasi kailangan ng dahilan ang bawat bagay. at ngayon, lumipat naman siya ng dorm. bukas, baka itapon na niya ang kuleksyong magazines. ang dahilan? wala lang.

wala naman talaga siyang pupuntahan. gusto lang niyang mabawasan ang pinapasan kaya dumaan ng dorm. at ngayon, saan siya pupunta? hindi niya alam. bakit? hindi niya alam. pasan ang backpack, naglakad siya.

halos dalawang buwan na rin ang nakaraan. nasasanay na siya sa bagong dorm at sa mga ugali ng bawat isa. iba’t ibang ugali, iba’t ibang kuwento, iba’t ibang pananaw sa buhay. may mga musikero, may mga kuwentista, may mga manunulat, may mga makata, may mga drogista. pasok na pasok siya lalo na sa tuwing magkukuwento ng bagong nakita o nabasa sa kung saan. ang lahat ay nakikinig at manggagatong ng mas malupit na kuwento upang mapainit pa ang buong dormitoryo.

mahilig magsulat si crus, mas madalas kuwentista, pero sinusubukang niyang maging drogista para maiba. ang sabi kasi ni anne, isa sa drogista sa dormitoryo, iba sa lahat ang jutes.

malaki raw ang kaibhan ng jutes sa yosi. walang tama ang yosi. binuga niya ang unang hithit sa hangin habang nakaupo sa bubong ng dormitoryo. naging tambayan na nila anne ang bubong na ‘yon simula nang maging malapit sila sa isa’t isa. tinawag nila itong “date” kahit na puno ng kalokohan ang mga kuwentuhan. sa katunayan, mas nakitaan niya ng saysay ang mga kuwentuhan nila ng kanyang datemate kaysa sa nakagawiang kuwentuhan kasama ang ibang dormmates. naging bisyo ang jutes, ngunit mas naging bisyo ang ka-kuwentuhan si anne. bakit? hindi, hindi “wala lang.” may ibig sabihin ang lahat. ito ang natutunan niya kay anne, o simula nang makilala niya si anne. may ibig sabihin ang paglipat ng dorm, ang bawat yosi na ngayon ay jutes, ang bawat hitit nito, ang bawat hagikgik sa tuwing hihirit si anne, at marami pang iba. ang lahat ng ito, may ibig sabihin, hindi ko lang masabi sa ngayon kung ano. habang hinihithit ang huling upos ng jutes mula sa tinaktak na bagong yosi, umupo siya sa bubong. nag-iisa.

iba ang tama ng jutes. iba ang tama sa tuwing hihitit at bubuga siya kasama si anne. kaaalis lamang ni anne kani-kanina mga ilang oras lang ang nakararaan pero tila buong araw na ito sa crus. di mapakali. di na rin niya masabi kung si anne o jutes ang dahilan.

tak. tak.isa-isang bumagsak ang mga butil ng ulan mula sa kawalan. lumilikha ng malakas na palakpak sa tuwing tatama ang butil sa yero na bubong. pinapalakpakan ba nila ko dahil nakatagpo ako ng ibig sabihin sa bagay-bagay? natagpuan ko nga ba o nalaman ko lang na mayroong ibig sabihin?

nakikisabay ba ang ulan sa aking nararamdaman? kung oo, huwag na sana itong tumigil. pinikit niya ang kanyang mga mata at humiga sa bubong. naghihintay habang mabilis na nagpupumiglas ang mga kalamnan sa dibdib sa braso.

kilala kaya nila si anne? siya si ilai, si nicolai. ang galing naman ng mga taong nakakaintindi nito, buti na lang. sana maintindihan nila. sana matuwa sila. teka, ano ba ang pakialam ko sa kanila. masaya ko sa ginagawa ko, iyon ang mahalaga.

hindi naman kasi ako naniniwala sa tadhana. tao ang gumagawa ng tadhana. higit kasi akong naniniwala sa choices, sa change, sa decision ng tao at sa kakayahan nitong baguhin ang mga bagay-bagay, pero nakapagtataka lang talaga minsan. stalker ba ko o magaling na researcher? ‘yan lagi ang tanong niya. wala naman akong masagot. ako ang stalker na hindi gumagawa ng assginment, ang researcher na puro pictures lang niya ang hanap.


bakit jutes? kasi may tama. pangarap ko rin kasi ang tumambay sa bubong. walang masyadong simbolismo. may tama lang talaga, at.... gusto ko lang. puwede naman ‘yon, hindi ba?


gilmore, pumunta kami ng mga kaklase ko sa greenhills para magliwaliw. kausap ko si ilai at nalamang papunta rin daw sila ng greenhills. mabilis ang tugtog sa dibdib ko habang nagpapawis ang kamay na kumukuha ng fries sa pulang karton ng mcdonald’s. gusto ko siyang puntahan. gusto ko siyang makita. gusto kong makilala si daddy. oo, gusto ko. “i’m dabs, andiyan po ba si dabs?” sasabihin ko kapag kilala na ko ni daddy. tiyaka na ‘yon.


“let fate"

‘di kami nagkita. nagbago ang isip ni daddy. hindi sila natuloy. bumalik kami ng gilmore ng mga kaklase ko. nasa bus kami, kinukuwento ko sa kanila si ilai at kung paano kami nagkakilala. parang kami, pero hindi. nang dumaan ang bus sa kung saan kami nakatayo, paikut-ikot ako sa upuan. para kong may kiti-kiti sa puwet habang tinuturo sa kanila kung saan kami nakatayo noong gabing ‘yon—ang g-liner, ang mga mata ko, ang anklet.... ang landi ko raw.


akin ka na lang? –i’m yours till you want.


baka naman magsawa ka? –mukha ba kong mabilis magsawa?


bagay naman tayo, hindi ba? –


parang kami, oo, pero hindi. ayaw ko magsalita hangga’t ‘di ko sigurado. mahirap magsalita ng tapos. ayaw kong mangako, nakakatakot. tiyaka na siguro muna, tiyaka na... sabi ko sa sarili ko, tiyaka na ‘pag naramdaman ko na. ‘pag andiyan na.


kausap ko siya sa telepono noon. umaga. pikit ka, sabi ko.


bedtime stories:


dito ko nalaman na pareho kami ng puweste kung matulog, na kung matulog ay kailangan ng yakap na unan, na ayaw ng manipis na kumot, na gusto ng comforter....


bumulong ako sa tainga niya, “alis na tayo, maiwan ka... nicolai, wake up na.” umikot siya at humarap sa’kin. “ingay mo!” sabay yakap. natawa ko, humalik ako sa noo niya. “sige, 5 minutes.” humiga ako sa tabi niya. tutal ay limang minuto pa naman. lumapit ako sa mukha niya habang dahan-dahang tinititigan ang bawat kurba ng kanyang mukha. humihinga.... nakikinig.... pinakikiramdaman... hindi siya gumagalaw. hinagkan ko siya at idinikit ang labi sa kanyang noo. “kahit ten minutes pa."


nang magising kami, ubos na ang tao. naiwan na kami ng mga tao kaya bumalik na lang kami sa pagtulog.


labidabs... “may tawag na ko sa’yo.” sabi niya. tinanong ko kung ano, “dabs”, sagot niya habang kinikilig ako sa tuwa.


“iba ako.” mga dalawang beses ko na atang nasabi sa kanya. hindi naman kasi lahat ng lalaki tulad ng nakararami. tiyaka, lalaki ba ko? siguro. sabi ko naman sa kanya, lagi, kung ano ang nararamdaman ko at kung ano siya sa akin. minsan nga nasabi ko pa kanyakung gaano ko kinasusuklam ang panliligaw at ang pagiging clueless ng mga babae sa tuwing nililigawan ng mga lalaki. kung magsalita ako, kala mo hindi ako lalaki, ano? hindi nga. ayaw kong masama at matawag na lalaki kung ganoon lang din at magiging kauri ko ang mga nakararami.


too good to be true, ika nga. naniniwala naman ako roon. Alam kong ang buhay ay puno ng ups and downs, twists and turns. ang buhay ay parang cycle, hindi pipirmi. high at low, kailangan lang maging matatag. bigayan, magkaintindihan, at iikot at iikot ang buhay.


sabi ko nga sa kanya, magpakatotoo lang siya. gawin niya ang gusto niyang gawin. kumanta siya, sumayaw siya, ayos lang. mas okay nga iyon. dito namin nalaman at nalalaman ang mga pagkakapareho namin sa mga bagay-bagay. napakarami, pero hindi ito ang nagpapaikot sa’min. oo, parte sila, pero hindi ito ang buong kami. siguro, plus points na lang na marami kaming pagkakapareho—likes and dislikes.


i am proud of her.


“oo, alam kong malakas ka. kaya mo. pero kung hindi mo na kaya, o pagod ka na, andito lang ako. okay lang naman mapagod e. normal lang ‘yon. hindi laging ikaw ang panganay. hindi lagi ay ikaw dapat ang umiintindi at nag-aalaga.”


nasa batangas siya noon at pahirapan ang signal kaya wala rin akong kausap. napadaan ako sa tindahan ng mga bracelet at anklet. tumigil ako sandali, naghahanap ng puwedeng mabigay ka ilai nang makita ko ang isang kumpol na assorted na rubber bracelets. paborito ko ‘to noon. marami ako nito noon at kasabay ko siya maligo. nakuwento ko na rin ito sa kanya noon kaya nang makita ko, agad ko itong binili. sabi ko pa sa tindera, “dalawang balot.”


sabi ko sa kanya, “may surprise ako sa’yo.”


isang linggo pa lang bago ang trip to cavite, caylabne, excited na kami. may countdown pa kami. magkatabi kami, magkatabi kami. at naging magkatabi nga kami. noong una, natatakot pa ko at baka ‘di matuloy. sayang naman ang countdown at pagka-excite ko. torpe pa ko noong una, buti na lang at nadala koang balls at nalapitan ko siya. pinagtatalunan pa namin kung saan kami uupo sa bus—harap? likod?


bato-bato-pik! sa harap ang sabi ng bato-bato-pik. nang sabihin niyang ayaw niya sa harap, sabi ko, “’di sa gitna tayo.” sabay tawa. nasayang lang ang bato-bato-pik namin. paakyat kami ng bus, bitbit niya ang malaking bag na puno ng damit na pang sampung araw. sampo? apat na araw lang kami roon. dala niya ang buong closet, sabi niya.


“akin na” hinahanda ng buhatin ang malaking itim na bag pero ayaw niya. buti na lang, naisip ko. tiyaka ko nalamang pareho nanaman kami ng paniniwala. kung kaya naman ng babae, bakit kailangan pang tulungan? pero ang laki kasi ng bag niya, hindi ba? naiirita lang ako sa mga mag-boyfriend-grilfriend na hawak ng boyfriend ang mala-pencil box na bag ng babae. buti na lang talaga at cowgirl ‘tong si nicolai.


kinuha ko sa bag ang bracelet at iniabot sa kanya. sinuot niya ang red, green, at yellow. bakit may yellow? ako, dilaw. paborito kong kulay. sinasabi ko bang angkinin niya ko? Hindi naman, hindi ba?


nakatulog siya sa balikan ko nang malapit na sa caylabne. hinayaan ko lang. nang magising siya, pumunas ng laway. sayang at walang laway na tumulo. gusto ko sana siyang makitang naglalaway sa balikat ko.


habang nag-iinuman ang lahat, tinamad na kami ni ilai. nanood na lang kami ng tv habang magkahawak ang kamay at nagku-kuwentuhan. ang dami kong nalaman sa kanya, at ganoon din siya. nang sabihin kong mas trip ko ang tumambay, tumango siya ng mabilis. home buddy din pala siya, mabuti na lang talaga.


namimili ako kung purple o white shorts. ayaw ko na mag-isip, kinuha ko ang purple at isinuot kasabay ng itim na kamiseta. tinext ko siya at umakyat sa kuwarto nila. nang makita kong nakahiga siya, lumabas akong muli at umupo sa sala. tumambay sa labas, sa hagdanan. ayaw ko siyang gisingin, nang makarinig ng mga kalampag, pumasok ako. nang silipin ko, gumagalaw na ang ilai ko sa loob ng kumot. bumangon siya at nakita naming purple ang suot at itim ang kanyang shorts. nakita mo na ang sinasabi ko? sumara ang shutter at ang litrato namin na magka-akbay habang nakatayo sa likod ng pader.


katatapos lang namin kumain. pupunta lang daw siya sa banyo. Pagka-alis niya, mabilis akong tumayo at pumitas ng bulaklak. pagkabalik siya, sabi ko, “dabs o....” sabay abot ng pulang gumamela.


pabalik na kami ng maynila. magkatabi nanaman kami. nakapulupot ang mga paa namin dahil sa mga bag na nasa tahig. hhws daw, holding hands while sitting? kiniliti ko siya. ang lakas ng kiliti niya pagdating sa’kin. di naman raw malakas ang kiliti niya, pero pagdating sa’kin.... nagtataka siya. ‘di raw niya malaman kung malandi siya o alam ko lang ang kiliti niya. natatawa ko sa tuwing maaalala ko kung gaano kami kakulit noon. kiliti, yakap, higa, kuwento.... hanggang sa nakatulog na kami. nakatulog kami. nanghinayang nanaman ako at ‘di pa rin siya naglaway sa balikat ko. baka sa susunod, sayang.


“i love you” bulong ko sa kanya. nagulat pa ko sa nasabi ko. hindi siya gumalaw. niyakap ko siya habang iniisip kung uulitin pa. tinanong niya kung ano ‘yon. sabi ko, “wala”, habang nakangiti. inulit ko, “i love you”, at sa pagkakataong ito, higit na malakas ngunit pabulong pa rin. gumalaw siya, sumandal sa’kin, “i love you too.” tiyaka ko na lang nalaman na narinig na pala niya noong unang beses. ilai talaga!


nakangiti ako sa kanya habang kumakain ng burger. sabi ko, “happy mother’s day!” nagulat siya noong umpisa. siguro, sa isip niya, gago ‘to, hindi pa nga kami ay ginawa na kong nanay. nakangiti ako habang tinuturo sa kanya kung saan ko nakita ang greeting na mother’s day.


sinubukan kong magsulat uli. at dahil wala naman talagang masyadong nangyayari sa buhay ko maliban kay ilai, siya nanaman ang naging topic ko. sabi ko:


“paano next year, wala na siya?” tanong ng isang kaibigan. “ano naman! dito lang naman siya mawawala, e. may paa ko, may one-hour-and-a-half bus, puwede ko naman siyang puntahan anytime sa kung saan man siya naroroon.” walang alinlangang sagot ni kj sa usiserang kaibigan. natahimik ang kaibigan, “aba!” na lang ang nasabi.

“kj... kj....” mahinang bulong ng kanyang kapatid, “gising na.” mabilis na bumangon sa kama at dumiretso sa c.r. makikita na niya sa wakas si ilai na halos isang linggo niyang pinaghahandaan. basang-basa pa at nakatapis, lumabas siya ng banyo at lumapit sa nakalatag na planner. kumuha ng ballpen sa lipon at pahalang na ginuhitan ang mga salitang kj and ilai’s day.

mabilis siyang nag-ayos ng gamit. pasok dito, pasok doon. Isang linggo siyang mawawala pagkatapos ng isang linggong pananabik. ito na. ito na. this is it! ito ang paulit-ulit niyang sinasabi sa sarili habang mabilis na naglalakad papuntang sakayan ng dyip. nang makarating, walang dyip. lunes, alas-sais ng umaga, at walang dyip? hindi ito maaari. nang makakita ng fx, agad siyang sumakay. sa kasamaang palad, naghintay pa ng pasahero ang tsuper ng fx. limang minuto. sampung minuto. trenta minutos ang nakaraan at nagsalita ang tsuper na tila nanloloko pa sa kanyang tono, “wala, e. Sakay ka na lang sa iba.” Inabot niya sa’kin ang binayad kong singkuwenta pesos at mabilis na humarurot.

putang ina ka. alas siyete ang call time, paano ako aabot.


sinilip niya ang wallet at nagpasya. taxi. Itinaas niya ng mataas ang kanang kamay nang maaninag na silaw na sasakyan. baba! at bumaba sa kanyang harapan ang pasahero sa taxi na pinara. “kuya, madadala mo ba ko sa stadium bago mag-seven?” mabilis na tanong ni kj. “ako’ng bahala!” sagot naman ni kuya. superhero rin kaya si kuya, ang lakas ng bilib niya sa sarili.

6:42, huminto ang taxi sa harap ng gate ng stadium. puta, ang galing. napa-iling na lang siya. pumasok siya ng stadium dala ang dalawang bag na puno ng armas at pananggalang. apat na araw ang training at siguradong matutusta at mamamatay ang kulang sa kagamitan. hindi siya sigurado sa mga maaaring mangyari.

sa kanyang pagpasok, nakita niya ang mga kapwa baguhan. nagpatihulog siya sa mga kuwento ng bawat isa, pero hindi siya nagpatalo. minura niya ang drayber ng fx at pinuri ang kapangyarihan ng drayber ng taxi. nahinto siya nang marinig ang pamilyar na boses at hagikgik. lumaki ang kanyang mga mata at napadiin sa mga ngipin. ngumiti. shit. ilai! walang boses na lumabas sa kanyang bibig.

tangan niya ang espada at hinahanda na ng reperi ang laban. seryoso siya, maging ang kanyang kalaban. nagsisigawan ang mga taong nakapalikot sa kanila. isa rito si kj, ngunit hindi siya nakikisigaw. tahimik siyang nakatitig sa bawat galaw ni ilai. tila bang ang bawat galaw nito ay may ibig sabihin at ito’y nais niyang maintindihan. nag-umpisa ang laban. nagkagulo ang mga tao. natabunan si kj ng mga balikat at ulo ng mga manonood at tagahanga. ilang segundo pa ay muling natahimik ang stadium. nang silipin niya, nakahilata na ang kalaban at palabas na ng arena si ilai. sinundan ito ng tingin ni kj. nakangiti.

binigyan ng espada si kj at inutusang lumaban. ito ang una niyang laban. tahimik, pumasok ng arena ang kanyang kalaban. naubos ang ilaw na tumatama sa kanyang mukha, halos doble ang laki kung ikukumpara ang dalawa, tila toothpick at chopstick na nakasaksak sa buhangin. pumito ang reperi. sa di malamang dahilan, nagtagal ang laban at naka-iwas sa kapahamakan si kj. nanghihina ngunit buhay siyang lumabas ng arena.

ilang sandali pa, tinawag muli si ilai. nagkumpulan muli ang mga manonood habang sinisigaw ang pangalan ni ilai. sana, kaya ko rin isigaw ang pangalan mo. sinundan siya ng tingin ni kj. lumapit muli sa arena si kj. one! two! three! go! blagg! natulala ang lahat, naiwang nakabukas ang bibig ni kj habang tulala sa nakita. ilai. nanlaki ang kanyang mga mata. malakas niyang pinalakpak ang mga kamay habang umiiling sa pagkamangha. nakangiti.

umupo siya at pinanood ang bawat laban ni ilai. naroon siya, sumusuporta kahit hindi sumisigaw. pinagmasdan niya ang bawat galaw ni ilai, ang bawat ngiti at hampas ng mga kamay at paa, ang bawat pagbagsak ng kalaban at pagkapanalo niya.

natapos ang apat na araw at buhay na lumabas ng stadium ang mga manlalaro. ngumiti si kj kay ilai nang magtama ang kanilang mga mata. ngumiti siya pabalik.

yumuko si kj at kinuha ang malaking bag na bitbit ni ilai, “no! no! mabigat.” ngumiti siyang muli at binitawan ang bag, “okay. okay. pero ‘pag kailangan mo, andito lang ako. alam ko malakas ka, pero ‘pag kailangan mo, sabihin mo lang.

tinanong siya minsan ng isang kaibigan, “paano next year, wala na siya?” “ano naman! dito lang naman siya mawawala, e. may paa ko, may one-hour-and-a-half bus, puwede ko naman siyang puntahan anytime sa kung saan man siya naroroon.” walang alinlangang sagot ni kj sa usiserang kaibigan. natahimik ang kaibigan, “aba!” na lang ang nasabi.

natapos ko siya ng hapon, pero dahil gusto ko na siya ang unang makabasa, gabi ko siya ni-post. hindi ko alam, pero sinyales na ata iyon. walang pagpla-plano. walang handa.

tinanong ko siya kung puwede tumawag, tinanong niya kung sa cell phone o landline. hinihingi ko ang landline niya.


ring! ring! tangina, ito na.


m: puwede bang maging tayo?

n: (tumawa ng malakas)

m: dabs! seryoso kaya ko! (‘di ko alam kung matatawa ko, ‘di ko alam ang sasabihin)

n: (tumawa pa rin) oo.... puwedeng puwede

m: (natahimik, kinikilig)

m: so, mother’s day?


umaga na noon ng may 11, 2009. hindi na mother’s day, pero mother’s day noong tinawagan ko siya.


m: right or left?

n: left

m: mother’s day (tumatawa)

n: (natawa na rin)

hindi pa niya siguro alam kung gaano ako kasaya, kung gaano ko siya pinahahalagahan. sabi ko nga sa kanya madalas, ayos lang. hindi ko naman siya pababayaan. parang ang bilis. oo, mabilis nga pala talaga, pero kalokohan na maikuwento ko ng buong buo na walang naiiwang detalye. ika nga, kahit film based pa ang ginamit ko noon ay may maiiwan pa ring mga detalyeng may shadows at highlights at ‘di makikita ang detalye. realidad pa rin ito. saktong exposure, saktong moment, tamang ilaw, tamang asa ng film, tamang bumagal ang sasakyan nang pinindot ko ang shutter, tama. swak.


minsan, kahit hindi natin sadyain, may mga bagay na tinadhana at dumarating na lang. kahit hindi planado, sasabihin na lang ng instinct mo na, “pindot!” madalas, kung mangyari ito, walang rason. walang ibigsabihin, walang kuwento, wala. tiyaka mo na lang maiintindihan at makikita, tiyaka mo na lang masasabi sa sarili mo, “buti na lang.” hindi ko rin naman sinasabing mali na mag-plano. katunayan, mas tama ang mag-plano. isipin bago sabihin, isipin bago gawin, isipin ang lahat bago gumawa ng mga bagay-bagay para maiwasan ang pagsisisi. ayaw nating magsisi, hindi ba? may mga pagkakataon lang talaga na kailangan nating magtiwala sa instinct, sa “bahala na.”


ngayon, habang hawak ko ang contact print na ito, habang naghihiyawan ang aking mga ngipin sa tuwa dahil isang buwan na kami, habang tinatahak ng hintuturo ko ang dahan-dahang dalusdos ng pisngi ng bulkan, iniisip ko, kailan ko kaya makikita ang bunganga ng bulkan? makukunan ko kaya siya ‘pag pumutok? kailan.


“dabs, kailan kaya tayo mag-aaway? nae-excite ako. nae-excite ako sa mga susunod na araw.” sabi ko sa kanya minsan. naaalala ko pa, sasagot siya, “oo nga. ako rin, e.”