5.03.2009

just before he jumps

lumabas siya ng building pagkatapos makita ang sulat. huminga ng malalim bago ipinikit ang mga mata. mabagal nitong hinipan ang nararamdamang kirot at gigil. umaasang may lilitaw na himala na pipigil sa kanyang naiisip at dinadala, humugot siya ng yosi mula sa pakete ng marlboro ni kuya bonjing. yumuko siya ng bahagya upang maabot ng yosi ang lighter na nakatali pa sa naka-kahong paninda na puno ng kendi. humagod, umupo siya sa bangketa ng kanto kung saan sila nagkakilala.

maaliwalas ang panahon. ang langit na tila kinulayan ng asul na krayola ang huli niyang tinitigan bago niya ipikit ang mga mata. pinakinggan ang tahimik na kapaligiran tulad ng mabagal na pagtibok ng kanyang dibdib. hindi ito tulad ng mga nakaraan na tuluy-tuloy lang ang dagundong. sa pagkakataong ito ay mabagal ngunit malalakas ang bawat bagsak. kakaiba. handa na ba siya, ito ba ang ibig sabihin ng mga pangitain?

maya-maya lang ay maaaring dumaan ang isang sasakyan at masagasaan siya, mahulugan ng paso mula sa bintanang puno ng halaman ni aling sioning, o bagsakan ng ipot ng ibon. maraming maaaring mangyari, mga bagay na minsan ay 'di pa nga inaasahan. dumaan ang mabilis na dump truck at mabilis na hinabol ang pagpalit ng stoplight. nasagi ni ng anak ni aling sioning ang paboritong halaman at nalaglag sa tindahan ni kuya bonjing. nagsigawan ang mga bata nang matamaan nila ang mga maya na naka-upo sa nakapulupot na kable ng kuryente.

nakaramdam siya ng takot, ngunit nanaig ang tuwa. nagtaasan ang balahibo niya sa buong katawan at nagpakawala ng pigil na ngiti. "ito nanaman." sabi niya sa sarili.