5.10.2009

ilai, nandito lang ako. sabihin mo lang.

“paano next year, wala na siya?” tanong ng isang kaibigan. “ano naman! dito lang naman siya mawawala, e. may paa ko, may one-hour-and-a-half bus, puwede ko naman siyang puntahan anytime sa kung saan man siya naroroon.” walang alinlangang sagot ni kj sa usiserang kaibigan. natahimik ang kaibigan, “aba!” na lang ang nasabi.

“kj... kj....” mahinang bulong ng kanyang kapatid, “gising na.” mabilis na bumangon sa kama at dumiretso sa c.r. makikita na niya sa wakas si ilai na halos isang linggo niyang pinaghahandaan. basang-basa pa at nakatapis, lumabas siya ng banyo at lumapit sa nakalatag na planner. kumuha ng ballpen sa lipon at pahalang na ginuhitan ang mga salitang kj and ilai’s day.

mabilis siyang nag-ayos ng gamit. pasok dito, pasok doon. Isang linggo siyang mawawala pagkatapos ng isang linggong pananabik. ito na. ito na. this is it! ito ang paulit-ulit niyang sinasabi sa sarili habang mabilis na naglalakad papuntang sakayan ng dyip. nang makarating, walang dyip. lunes, alas-sais ng umaga, at walang dyip? hindi ito maaari. nang makakita ng fx, agad siyang sumakay. sa kasamaang palad, naghintay pa ng pasahero ang tsuper ng fx. limang minuto. sampung minuto. trenta minutos ang nakaraan at nagsalita ang tsuper na tila nanloloko pa sa kanyang tono, “wala, e. Sakay ka na lang sa iba.” Inabot niya sa’kin ang binayad kong singkuwenta pesos at mabilis na humarurot.

putang ina ka. alas siyete ang call time, paano ako aabot.

sinilip niya ang wallet at nagpasya. taxi. Itinaas niya ng mataas ang kanang kamay nang maaninag na silaw na sasakyan. baba! at bumaba sa kanyang harapan ang pasahero sa taxi na pinara. “kuya, madadala mo ba ko sa stadium bago mag-seven?” mabilis na tanong ni kj. “ako’ng bahala!” sagot naman ni kuya. superhero rin kaya si kuya, ang lakas ng bilib niya sa sarili.

6:42, huminto ang taxi sa harap ng gate ng stadium. puta, ang galing. napa-iling na lang siya. pumasok siya ng stadium dala ang dalawang bag na puno ng armas at pananggalang. apat na araw ang training at siguradong matutusta at mamamatay ang kulang sa kagamitan. hindi siya sigurado sa mga maaaring mangyari.

sa kanyang pagpasok, nakita niya ang mga kapwa baguhan. nagpatihulog siya sa mga kuwento ng bawat isa, pero hindi siya nagpatalo. minura niya ang drayber ng fx at pinuri ang kapangyarihan ng drayber ng taxi. nahinto siya nang marinig ang pamilyar na boses at hagikgik. lumaki ang kanyang mga mata at napadiin sa mga ngipin. ngumiti. shit. ilai! walang boses na lumabas sa kanyang bibig.

tangan niya ang espada at hinahanda na ng reperi ang laban. seryoso siya, maging ang kanyang kalaban. nagsisigawan ang mga taong nakapalikot sa kanila. isa rito si kj, ngunit hindi siya nakikisigaw. tahimik siyang nakatitig sa bawat galaw ni ilai. tila bang ang bawat galaw nito ay may ibig sabihin at ito’y nais niyang maintindihan. nag-umpisa ang laban. nagkagulo ang mga tao. natabunan si kj ng mga balikat at ulo ng mga manonood at tagahanga. ilang segundo pa ay muling natahimik ang stadium. nang silipin niya, nakahilata na ang kalaban at palabas na ng arena si ilai. sinundan ito ng tingin ni kj. nakangiti.

binigyan ng espada si kj at inutusang lumaban. ito ang una niyang laban. tahimik, pumasok ng arena ang kanyang kalaban. naubos ang ilaw na tumatama sa kanyang mukha, halos doble ang laki kung ikukumpara ang dalawa, tila toothpick at chopstick na nakasaksak sa buhangin. pumito ang reperi. sa di malamang dahilan, nagtagal ang laban at naka-iwas sa kapahamakan si kj. nanghihina ngunit buhay siyang lumabas ng arena.

ilang sandali pa, tinawag muli si ilai. nagkumpulan muli ang mga manonood habang sinisigaw ang pangalan ni ilai. sana, kaya ko rin isigaw ang pangalan mo. sinundan siya ng tingin ni kj. lumapit muli sa arena si kj. one! two! three! go! blagg! natulala ang lahat, naiwang nakabukas ang bibig ni kj habang tulala sa nakita. ilai. nanlaki ang kanyang mga mata. malakas niyang pinalakpak ang mga kamay habang umiiling sa pagkamangha. nakangiti.

umupo siya at pinanood ang bawat laban ni ilai. naroon siya, sumusuporta kahit hindi sumisigaw. Pinagmasdan niya ang bawat galaw ni ilai, ang bawat ngiti at hampas ng mga kamay at paa, ang bawat pagbagsak ng kalaban at pagkapanalo niya.

natapos ang apat na araw at buhay na lumabas ng stadium ang mga manlalaro. ngumiti si kj kay ilai nang magtama ang kanilang mga mata. ngumiti siya pabalik.

yumuko si kj at kinuha ang malaking bag na bitbit ni ilai, “no! no! mabigat.” ngumiti siyang muli at binitawan ang bag, “okay. okay. pero ‘pag kailangan mo, andito lang ako. alam ko malakas ka, pero ‘pag kailangan mo, sabihin mo lang.

tinanong siya minsan ng isang kaibigan, “paano next year, wala na siya?” “ano naman! dito lang naman siya mawawala, e. may paa ko, may one-hour-and-a-half bus, puwede ko naman siyang puntahan anytime sa kung saan man siya naroroon.” walang alinlangang sagot ni kj sa usiserang kaibigan. natahimik ang kaibigan, “aba!” na lang ang nasabi.