5.20.2009

ang nalimot na manunulat

sumigaw muli ang namamaos na tunog ng lumang orasan. umalingawngaw sa buong kuwarto na pinuno ng mga libro at pader ang tunog. mabagal na dumilat si luisa, dahandahang binuhat ang sariling mga paa na nakabaluktot sa kamang walang katre at kobre kama. nanginginig na kinuha ang susi at paboritong libro sa la mesita at nagpatong ng manipis na berdeng balabal. sa kabilang banda ng maliit na silid kung saan matatagpuan ang isang mesa, isinilid niya sa bulsa ang maliit na pitaka. ang lumang orasan, ang mantiya ng kape sa lumang mesa, at ang makapal na alikabok ay mabilis niyang iniwan nang mapansing alas onse na ng umaga.

ang mabababagal na hakbang ng matandang babae ay bukod-tangi sa mabilis na buhay ng siyudad. Sa tuwing tatawid ay uunahan ng mga batang gigil sa pagkakataon, mga batang tulad niya noon na handang ibigay ang lahat masunod lamang ang mga pangarap at makilala ng madla. ibig man niyang paalalahanan, masiyado na silang mabilis. tapos na ang oras niya, hindi rin maiintindihan ng mga bata ang nais niyang sabihin kung sakali mang makikinig sila. sa tuwing maaalala niya ito, wala siyang magawa kundi diinan ang pagkakahawak sa bitbit na libro.

dalawa ang anak ng sitentay tres na si luisa, at makikita sa arko ng pagkakuba ng likod at malamyang titig nito ang paghihirap na dinanas. ang mga anak ay parehong pamilyado na at sa ibang bansa na nakatira. ang dalawang kapatid ni luisa ay pumanaw na rin tulad ng kanyang asawa, literal na iniwan siya ng panahon. buwan-buwan ay dumarating sa lumang bahay ang pera galing sa dalawang anak na doktor, dito niya kinukuha ang pambili ng mga gamit at libro. pinili niya ito. “malapit na rin ang oras ko, gusto ko, dito na lang ako.” ang kanyang laging sagot sa tuwing yayayain ng kanyang panganay. at sa pagbaba ng telepono, hihiga na lang siyang muli sa kamang nara at babantayan ang pagbagsak ng nag-iisang luha na puno ng hinanakit.

tumayo siya sa harap ng malaking kabinet na puno ng libro. mabagal niyang sinuri ang bawat isa habang mabilis na nakikiraan sa kanyang likod ang mga batang nakatambay sa eskaparate ng mga magazine na puno ng hubad na babae at lalaki. mabilis ang pagpasok at paglabas ng tao, pero hindi siya natinag sa pagkakatitig sa mga pangalan ng mga manunulat ng mga libro. Ilang minuto rin ang nagdaan bago siya gumalaw. napailing siya ng bahagya at nagtungo sa nakatambak na libro sa gitna ng tindahan ng mga segunda manong libro kung saan may nakapaskil na sale. dito, dinampot niya ang isa at tinabi. mabagal, ngunit mahahalatang may hinahanap. “ahm... may... mayroon kayong libro ni...” napahinto siya, pasimpleng tumingin sa tabi at itinuloy ang tanong sa may mababang boses “ni luisa concepcion?”

bago ang nagbabantay ay kinailangan pa niyang suriin sa computer database ang pangalang binigay ng matanda. “maria lucia concepcion po, mayroon po.” tanong ng binata. napatigil, ngumiti at sumagot, “maria luisa concepcion, oo.”

“ito po.” mabagal na kinuha ni luisa ang kanyang libro sa kamay ng binata na si mateo. mabilis napansin ni luisa ang pangalan bago pa niya tanungin ito. tinitigan niya ang punit na balot ng libro, ang mga guhit sa gilid, “bago ka lang dito?” “opo, pangatlong araw pa lang po.” magalang na sagot ni mateo na tila nahihiya pa.

“twenty pesos po, ma’am.” mula sa maliit na pitaka, bumunot siya ng isang pirasong bente pesos. inilapag niya ito, ngumiti, at kinuha ang libro, “salamat.” hindi na niya hinintay ang plastic o ang resibo. ipinatong niya ang bagong libro sa luma at idinikit sa dibdib na tila bagong panganak na sanggol.

napatigil siya nang magulat at may sumisigaw mula sa kanyang likuran. “ma’am! Resibo niyo po.” iniabot ni mateo ang resibo. “sige, salamat.”

“kayo po pala ang nagsulat niyan.” bati ni meteo, “sorry po.” habang nakatitig sa dalawang libro na magkapareho ang itsura. ngumiti lamang ang matanda.

isang linggo ang lumipas, biyernes, dumaan muli si luisa. mabilis siyang binati ni mateo, “ma’am, ito po.” Iniabot niya kay luisa ang tatlong libro na may pangalan niya sa bawat isa. dalawa rito ay magkapareho. hinaplos ng matanda ang braso ni mateo at pinalapag ang mga libro sa kahera. “salamat mateo.” nagulat si mateo sa narinig, hindi niya inakalang kilala siya ng suki ng tindahan. “sixty pesos po, ma’am.” iniabot ni luisa ang tatlong bente. sa pagkakataong ito, hinintay niya na balutin sa plastic ang mga libro at isilid dito ang resibo. “salamat.” muling inulit ng matanda.

linggu-linggo, tuwing biyernes, inabangan ni mateo ang mga librong sulat ng matandang manunulat. sa tuwing may darating na bago tuwing huwebes ay mangunguna siya sa pagbukas upang maitabi ang mga libro ni maria luisa concepcion. kung minsan ay umaabot ng lima ang mga libro niya, ngunit madalas ay wala. ngunit kahit mas madalas sa lagi ay walang mahanap na libro, hindi pumalya si luisa sa pagbisita sa tindahan.

minsan, sinubukan niyang kausapin ang matanda. “ma’am, bakit niyo po binibili ang mga libro niyo?” ang una niyang tanong. matagal bago sumunod ang sagot ni luisa, “wala na kasing nagbabasa nito.” “Saan niyo po sila dinadala?” mabilis na sinundan ni mateo ng panibagong tanong. mabagal ang bawat sagot, tila nilalasap ang bawat bigat. “wala pa. nasa bahay lang sila. Hindi ko pa naiisip, pero gusto kong ibigay sa mga foundation.”

hindi natigil si mateo sa pagtatanong simula noon. sa bawat linggo ay may bago siyang tanong na kung hindi tungkol sa pagbili ng sariling libro ay sa mga kuwento na kanyang isinulat. hindi rin nagsawang sumagot si luisa. ang bawat sagot na kanyang pinakawalan ay tila bumuhay sa kanyang dating propesyon. sa tuwing magtatanong si mateo ay mabagal nitong sasagutin na parang bumabalik sa mga panahong nagtuturo pa siya ng literatura sa ilang unibersidad sa maynila. naging madalas ang pagkikita nila, lalo na sa tuwing linggo kung kailan libre si mateo. kung minsan ay inaabot sila ng umaga dahil sa mga kuwento ni luisa, mga panahong dati ay nais na niyang isama sa hukay, mga kuwentong di man lang nalaman ng kanyang mga anak, mga kuwentong di naisulat at hindi pa narinig ng kasalukuyang henerasyon.

“katoliko ako, pero hindi ako nagsisimba. mahina na ko, at nasa puso ko naman siya. masaya na ko na nakakapunta pa ko sa bookstore. alam mo....” nakatitig si mateo sa mata ng matanda habang kinukuwento niya ang buhay niya. “ma’am, ang dami kong natututunan sainyo. salamat po.” minsan niyang sinabi kay luisa. noong gabing iyon, muli niyang binalikan ang mga libro. sa isang libro, nakita niya ang isang litrato na nakaipit—ang litrato ng kanyang pamilya na nais na rin niyang makalimutan—ang manunulat na asawa na di na nakita nang makulong noong martial law, ang bunsong anak na unang nagpunta ng states para tapusin ang medisina, at ang panganay na nakapagasawa ng amerikana at pinalakad ang mga papeles para makasunod sa kapatid. “...lahat sila, hindi nila alam ito.” sa pagkakataong ito, tuluyang bumagsag ang mga luha ni luisa sa harap ni mateo. nanginginig ang matanda sa halu-halong emosyon habang yakap ng estudyante nito. “andito naman ako ma’am, hindi kita iiwan, ma’am.”

ilang araw nawala si mateo. hindi siya nakabibisita sa matanda, at sa tuwing daraan sa tindahan ay absent siya. bumalik sa dating nakasanayan ang matanda. tuwing biyernes ay daraan siya sa tindahan at maghahanap ng libro. tulad pa rin ng dati ang tindahan, ngunit tila higit na naging tahimik ito nang mawala si mateo. minsan raw ay pumapasok-pasok pa si mateo, ngunit mabilis ding nawawala. naisip ni luisa, bata pa nga siya. hindi madali ang maging matigas sa prinsipyo lalo na sa mga panahong iisa ang ginagawa ng marami at nag-iisa ka lamang na naniniwala sa prinsipyo mo. nanghinayang siya sa binata, ang mga pangarap nito na maging manunulat, ang umaapaw na gigil nito na matuto.

halos isang buwan din nawala si mateo. kinatok niya ang tila inaanay na pinto ni luisa, ang ampaw na tunog nito ay lumikha ng malakas ng kalabog. bumukas ang pinto, isang lalaki ang bumukas ng pinto. nakaputi ang lalaki, kayumanggi ang kulay, maliit na ilong, at mata na tulad ng kay luisa. “andiyan po si luisa?” mabilis na tanong ni mateo habang naguguluhan pa kung alin sa dalawang anak ang kaharap nito. “oh, come in. come in.”

nakahiga si luisa sa kamang pasan ang makapal na katre na may balot na berdeng kobre kama. Mahinang-mahina ang itsura ng matanda. ang kanyang mga mata ay hirap nang dumilat, ang mga mauugat at kulubot na mga kamay, hindi na mapigil ang panginginig sa tuwing igagalaw. Hindi na siya makapaglakad sabi ng kanyang bunsong anak. kahapon lang nalaman ng matanda na ilegal pala ang kanyang panganay na anak at hindi doktor kundi taga-linis ng banyo ng ospital. ang sabi ng doktor na anak ay dalawang beses hinimatay ang nanay. mabuti na lang at dumaan ang kahera ng tindahan at nakita ang matanda.

ilang linggo na ring mahina ang mga tuhod ni luisa. nararamdaman niya ang unti-unting pag-agnas ng kanyang memorya kaya sinabihang tawagan na lamang siya kapag may bagong libro na dumating na siya ang nagsulat.

kinuha ni mateo ang kamay ng matanda habang inilalapag sa kama ang apat libro na pamilyar sa paningin ni luisa. “ma’am, nakuha ko ‘to sa professor ko sa literature class. isa ito sa mga koleksiyon niya, pinilit kong ‘tong para mapatunayan sa’yo na,” huminga siya ng malalim, “na marami pa ring nagbabasa ng libro mo.” umiiyak siya habang hawak ang kamay ng matanda na nasa pingi niya. “happy birthday, ma’am.”

“ma’am, tignan mo kung gaano siya kaalaga.”

“hindi kita iiwan, ma’am. sabi ko ‘yan, hindi ba?”

5.10.2009

ilai, nandito lang ako. sabihin mo lang.

“paano next year, wala na siya?” tanong ng isang kaibigan. “ano naman! dito lang naman siya mawawala, e. may paa ko, may one-hour-and-a-half bus, puwede ko naman siyang puntahan anytime sa kung saan man siya naroroon.” walang alinlangang sagot ni kj sa usiserang kaibigan. natahimik ang kaibigan, “aba!” na lang ang nasabi.

“kj... kj....” mahinang bulong ng kanyang kapatid, “gising na.” mabilis na bumangon sa kama at dumiretso sa c.r. makikita na niya sa wakas si ilai na halos isang linggo niyang pinaghahandaan. basang-basa pa at nakatapis, lumabas siya ng banyo at lumapit sa nakalatag na planner. kumuha ng ballpen sa lipon at pahalang na ginuhitan ang mga salitang kj and ilai’s day.

mabilis siyang nag-ayos ng gamit. pasok dito, pasok doon. Isang linggo siyang mawawala pagkatapos ng isang linggong pananabik. ito na. ito na. this is it! ito ang paulit-ulit niyang sinasabi sa sarili habang mabilis na naglalakad papuntang sakayan ng dyip. nang makarating, walang dyip. lunes, alas-sais ng umaga, at walang dyip? hindi ito maaari. nang makakita ng fx, agad siyang sumakay. sa kasamaang palad, naghintay pa ng pasahero ang tsuper ng fx. limang minuto. sampung minuto. trenta minutos ang nakaraan at nagsalita ang tsuper na tila nanloloko pa sa kanyang tono, “wala, e. Sakay ka na lang sa iba.” Inabot niya sa’kin ang binayad kong singkuwenta pesos at mabilis na humarurot.

putang ina ka. alas siyete ang call time, paano ako aabot.

sinilip niya ang wallet at nagpasya. taxi. Itinaas niya ng mataas ang kanang kamay nang maaninag na silaw na sasakyan. baba! at bumaba sa kanyang harapan ang pasahero sa taxi na pinara. “kuya, madadala mo ba ko sa stadium bago mag-seven?” mabilis na tanong ni kj. “ako’ng bahala!” sagot naman ni kuya. superhero rin kaya si kuya, ang lakas ng bilib niya sa sarili.

6:42, huminto ang taxi sa harap ng gate ng stadium. puta, ang galing. napa-iling na lang siya. pumasok siya ng stadium dala ang dalawang bag na puno ng armas at pananggalang. apat na araw ang training at siguradong matutusta at mamamatay ang kulang sa kagamitan. hindi siya sigurado sa mga maaaring mangyari.

sa kanyang pagpasok, nakita niya ang mga kapwa baguhan. nagpatihulog siya sa mga kuwento ng bawat isa, pero hindi siya nagpatalo. minura niya ang drayber ng fx at pinuri ang kapangyarihan ng drayber ng taxi. nahinto siya nang marinig ang pamilyar na boses at hagikgik. lumaki ang kanyang mga mata at napadiin sa mga ngipin. ngumiti. shit. ilai! walang boses na lumabas sa kanyang bibig.

tangan niya ang espada at hinahanda na ng reperi ang laban. seryoso siya, maging ang kanyang kalaban. nagsisigawan ang mga taong nakapalikot sa kanila. isa rito si kj, ngunit hindi siya nakikisigaw. tahimik siyang nakatitig sa bawat galaw ni ilai. tila bang ang bawat galaw nito ay may ibig sabihin at ito’y nais niyang maintindihan. nag-umpisa ang laban. nagkagulo ang mga tao. natabunan si kj ng mga balikat at ulo ng mga manonood at tagahanga. ilang segundo pa ay muling natahimik ang stadium. nang silipin niya, nakahilata na ang kalaban at palabas na ng arena si ilai. sinundan ito ng tingin ni kj. nakangiti.

binigyan ng espada si kj at inutusang lumaban. ito ang una niyang laban. tahimik, pumasok ng arena ang kanyang kalaban. naubos ang ilaw na tumatama sa kanyang mukha, halos doble ang laki kung ikukumpara ang dalawa, tila toothpick at chopstick na nakasaksak sa buhangin. pumito ang reperi. sa di malamang dahilan, nagtagal ang laban at naka-iwas sa kapahamakan si kj. nanghihina ngunit buhay siyang lumabas ng arena.

ilang sandali pa, tinawag muli si ilai. nagkumpulan muli ang mga manonood habang sinisigaw ang pangalan ni ilai. sana, kaya ko rin isigaw ang pangalan mo. sinundan siya ng tingin ni kj. lumapit muli sa arena si kj. one! two! three! go! blagg! natulala ang lahat, naiwang nakabukas ang bibig ni kj habang tulala sa nakita. ilai. nanlaki ang kanyang mga mata. malakas niyang pinalakpak ang mga kamay habang umiiling sa pagkamangha. nakangiti.

umupo siya at pinanood ang bawat laban ni ilai. naroon siya, sumusuporta kahit hindi sumisigaw. Pinagmasdan niya ang bawat galaw ni ilai, ang bawat ngiti at hampas ng mga kamay at paa, ang bawat pagbagsak ng kalaban at pagkapanalo niya.

natapos ang apat na araw at buhay na lumabas ng stadium ang mga manlalaro. ngumiti si kj kay ilai nang magtama ang kanilang mga mata. ngumiti siya pabalik.

yumuko si kj at kinuha ang malaking bag na bitbit ni ilai, “no! no! mabigat.” ngumiti siyang muli at binitawan ang bag, “okay. okay. pero ‘pag kailangan mo, andito lang ako. alam ko malakas ka, pero ‘pag kailangan mo, sabihin mo lang.

tinanong siya minsan ng isang kaibigan, “paano next year, wala na siya?” “ano naman! dito lang naman siya mawawala, e. may paa ko, may one-hour-and-a-half bus, puwede ko naman siyang puntahan anytime sa kung saan man siya naroroon.” walang alinlangang sagot ni kj sa usiserang kaibigan. natahimik ang kaibigan, “aba!” na lang ang nasabi.

5.03.2009

just before he jumps

lumabas siya ng building pagkatapos makita ang sulat. huminga ng malalim bago ipinikit ang mga mata. mabagal nitong hinipan ang nararamdamang kirot at gigil. umaasang may lilitaw na himala na pipigil sa kanyang naiisip at dinadala, humugot siya ng yosi mula sa pakete ng marlboro ni kuya bonjing. yumuko siya ng bahagya upang maabot ng yosi ang lighter na nakatali pa sa naka-kahong paninda na puno ng kendi. humagod, umupo siya sa bangketa ng kanto kung saan sila nagkakilala.

maaliwalas ang panahon. ang langit na tila kinulayan ng asul na krayola ang huli niyang tinitigan bago niya ipikit ang mga mata. pinakinggan ang tahimik na kapaligiran tulad ng mabagal na pagtibok ng kanyang dibdib. hindi ito tulad ng mga nakaraan na tuluy-tuloy lang ang dagundong. sa pagkakataong ito ay mabagal ngunit malalakas ang bawat bagsak. kakaiba. handa na ba siya, ito ba ang ibig sabihin ng mga pangitain?

maya-maya lang ay maaaring dumaan ang isang sasakyan at masagasaan siya, mahulugan ng paso mula sa bintanang puno ng halaman ni aling sioning, o bagsakan ng ipot ng ibon. maraming maaaring mangyari, mga bagay na minsan ay 'di pa nga inaasahan. dumaan ang mabilis na dump truck at mabilis na hinabol ang pagpalit ng stoplight. nasagi ni ng anak ni aling sioning ang paboritong halaman at nalaglag sa tindahan ni kuya bonjing. nagsigawan ang mga bata nang matamaan nila ang mga maya na naka-upo sa nakapulupot na kable ng kuryente.

nakaramdam siya ng takot, ngunit nanaig ang tuwa. nagtaasan ang balahibo niya sa buong katawan at nagpakawala ng pigil na ngiti. "ito nanaman." sabi niya sa sarili.