4.26.2009

tadhana (fate)

nakikisabay ba ang ulan sa aking nararamdaman? kung oo, huwag na sana itong tumigil.

tagaktak ang pawis na tumutulo sa patilya at ang likod naman ay basang-basa dahil sa malaking backpack na nakasampa sa kanya. nagmamadaling bumalik ng dorm si crus habang hinihithit ang huling upos na yosi.

bakas sa kanyang mukha ang katamaran, ngunit ang dapat gawin ay dapat gawin. pinitik niya ang yosi bago pumasok ng dorm. mabilis na iniwan ang ilang libro sa kama at muling bumaba, hindi man lang nilingat ang mga mukhang nakasabit sa buong kuwarto.

bagong lipat lang siya. lahat ng mukha ay pamilyar ngunit lahat din ay walang pangalan sa taas ng kanilang mga ulo sa paningin niya. walang siyang kilalang tao maliban sa landlady ng dormitoryo. wala rin naman talagang dahilan kung bakit siya umalis sa dating tinitirhan, nais lang talaga niyang sumubok ng bago. maiba lang. puwede namang bumisita paminsan-minsan, hindi ba? nakagawian na ito ni crus, ang humanap ng bago na masusubukan upang hindi mabagot. kung minsan, aalis pa talaga siya upang maglakad-lakad lang, magpapaligaw at magpapapawis, at uuwi dala ang ilang mga kuwentong nakita sa tabi-tabi. ang dahilan? wala lang. hindi naman daw kasi kailangan ng dahilan ang bawat bagay. at ngayon, lumipat naman siya ng dorm. bukas, baka itapon na niya ang kuleksyong magazines. ang dahilan? wala lang.

wala naman talaga siyang pupuntahan. gusto lang niyang mabawasan ang pinapasan kaya dumaan ng dorm. at ngayon, saan siya pupunta? hindi niya alam. bakit? hindi niya alam. pasan ang backpack, naglakad siya.

halos dalawang buwan na rin ang nakaraan. nasasanay na siya sa bagong dorm at sa mga ugali ng bawat isa. iba’t ibang ugali, iba’t ibang kuwento, iba’t ibang pananaw sa buhay. may mga musikero, may mga kuwentista, may mga manunulat, may mga makata, may mga drogista. pasok na pasok siya lalo na sa tuwing magkukuwento ng bagong nakita o nabasa sa kung saan. ang lahat ay nakikinig at manggagatong ng mas malupit na kuwento upang mapainit pa ang buong dormitoryo.

mahilig magsulat si crus, mas madalas kuwentista, pero sinusubukang niyang maging drogista para maiba. ang sabi kasi ni anne, isa sa drogista sa dormitoryo, iba sa lahat ang jutes.

malaki raw ang kaibhan ng jutes sa yosi. walang tama ang yosi. binuga niya ang unang hithit sa hangin habang nakaupo sa bubong ng dormitoryo. naging tambayan na nila anne ang bubong na ‘yon simula nang maging malapit sila sa isa’t isa. tinawag nila itong “date” kahit na puno ng kalokohan ang mga kuwentuhan. sa katunayan, mas nakitaan niya ng saysay ang mga kuwentuhan nila ng kanyang datemate kaysa sa nakagawiang kuwentuhan kasama ang ibang dormmates. naging bisyo ang jutes, ngunit mas naging bisyo ang ka-kuwentuhan si anne. bakit? hindi, hindi “wala lang.” may ibig sabihin ang lahat. ito ang natutunan niya kay anne, o simula nang makilala niya si anne. may ibig sabihin ang paglipat ng dorm, ang bawat yosi na ngayon ay jutes, ang bawat hitit nito, ang bawat hagikgik sa tuwing hihirit si anne, at marami pang iba. ang lahat ng ito, may ibig sabihin, hindi ko lang masabi sa ngayon kung ano. habang hinihithit ang huling upos ng jutes mula sa tinaktak na bagong yosi, umupo siya sa bubong. nag-iisa.

iba ang tama ng jutes. iba ang tama sa tuwing hihitit at bubuga siya kasama si anne. kaaalis lamang ni anne kani-kanina mga ilang oras lang ang nakararaan pero tila buong araw na ito sa crus. di mapakali. di na rin niya masabi kung si anne o jutes ang dahilan.

tak. tak.isa-isang bumagsak ang mga butil ng ulan mula sa kawalan. lumilikha ng malakas na palakpak sa tuwing tatama ang butil sa yero na bubong. pinapalakpakan ba nila ko dahil nakatagpo ako ng ibig sabihin sa bagay-bagay? natagpuan ko nga ba o nalaman ko lang na mayroong ibig sabihin?

nakikisabay ba ang ulan sa aking nararamdaman? kung oo, huwag na sana itong tumigil. pinikit niya ang kanyang mga mata at humiga sa bubong. naghihintay habang mabilis na nagpupumiglas ang mga kalamnan sa dibdib sa braso.