4.05.2009

ang bilis magbago ng buhay

dalawang taon na ang nakararaan ngunit andito pa rin ako bumabalik-balik sa bangkong lagi kong inuupuan. sa tapat ng college niya, sa tabi ng tambayan ng mga kolehiyalang nakasuot ng unipormeng hinuhubog ang kanilang mga puwet. nakaupo pa rin ako habang nagmamasid sa mga tao—mga mag-ina, mga mag-siyota, mga bisita, mga estudyanteng galing p.e. at marami pang iba. wala naman akong hinahanap pero halos lahat sila ay nililingat ko. naghihintay ba ko? hindi na dapat. dalawang taon na ang nakararaan at alam ko na rin sa sarili kong marami na ang nagbago.

sepia ang gagawin kong post-processing kung ako ang kukuha ng litrato ko mula sa isang third person. total ay mainit, mataas ang araw, tamang bilang ng tao na nagdaraan papunta’t pabalik. ako, mag-isa, nakaupo. lalagyan ko ng gnd filter ang lente upang mahabaan pa ng kaunti ang exposure bago kuhanan tutal ay hindi naman ako halos gumagalaw. ako, ang bangko, at ang malaking building sa harap ko lamang ang magiging malinaw sa litrato.

ayaw kong gumalaw, ayaw kong tumayo at maglakad-lakad. hindi ako masaya sa pagkakaupo ko rito. masakit na ang aking puwet, pawis na ang aking likuran, nangangalay na ang aking leeg sa kakasunod sa mga tao, pero ayaw ko pang umalis. mamaya na siguro kapag madilim na at wala ng tao. pagkatapos, bukas naman uli kung may libreng oras.

ilang sandali pa ay mabilis nagdilim. nagbukasan ang mga ilaw sa poste. ang ilaw sa guwardiya na lamang ang naaaninag ko sa malaking building na kanina’y punung-puno ng mga tao. wala na ring kotseng nakaparada. ang mga puno, hindi na rin gumagalaw. tila nais na nilang mapag-isa.

habang naglalakad, bitbit ko ang litrato namin. apat na taon na ang nakararaan noong dalhin ko ito sa printing sa kanto ng eskuwelahan. ang mga kopya nito, ikinalat ko sa bawat kanto ng aking buhay—sa wallet, bag, folder, planner, libro, notebook, pati sa i.d. lace. sabi ko noon, ito ang magpapaalala sa’kin sa kanya. totoo nga, ito nga. ngayon ay hawak ko siya habang pasakay ng dyip. mabilis akong nakasakay, tila pinapaalis na ko ng tadhana ng ibang tao. umupo ako sa harap, sa tabi ng drayber habang nakalabas ang kanang paa. sinasalubong ko ang hanging tila hinuhulma ang aking mukha tulad ng paghulma ng tadhana sa ating mga buhay.

kaya siguro ako nahilig sa pagkuha ng litrato. nabibigyan ko ng buhay ang mga bagay na tila pinatatag na ng panahon. oo, nakatutuwa ito, ngunit may mas nakatutuwa pa rito. may mas nakapagbibigay ng rason sa akin na kumuha pa ng litrato. habang hawak ko ang litrato namin, habang nasa dyip ako pauwi, habang mabilis na nagbabago ang mga bagay at tao sa paligid ko, habang mabilis na nauubos ang buhay ng tao ay nakahinto ang litratong ito. kung paano nangyari ang noon, kung paano siya ngumiti, kung gaano siya kasaya, kung gaano kami kasaya, kung paano kami nagsaya. siguro, sa litrato ko nahanap ang hindi ko mahanap sa ibang mga bagay. ito lamang ang medium na nagpapahinto ng oras. walang palya.

bukas, babalik pa ba ko sa bangkong iyon?