3.21.2009

stat: hindi kita malilimutan

dahan-dahan kang binabalatan gamit ang purol na labaha at magagaslaw na mga palad habang nakatitig ng diretso sa iyong mga mata. hindi siya nagsasalita, hindi niya sasabihin kung bakit niya ito ginagawa, at kung kalian ito matatapos (kahit alam niya ito). makakabunot siya ng isang parte ng balat sa bandang gitna ng iyong dibdib, maaaninag ang bahagyang ngiti sa kanyang labi habang pilit mong kumakawala sa mahigpit na pagkakatali, at mabilis niyang hihilahin. kasabay nito ang halos walang boses mong sigaw, ngunit hindi na ito mahalaga. malakas man ang iyong sigaw, may boses man, o kahit tumili ka pa, hindi ito mahalaga sa kanya. hindi ito mahalaga sa kanya!

oo, dahan-dahan ka niyang pinapatay, at kulang na lang ay sabihin niyang habang-buhay ka niyang parurusahan dahil pagkatapos kang balatan ng buhay ay wiwisikan ka ng pinigang kalamansi, bahagyang ngingiti at tiyaka ibubuhos sa iyong buong hubad na katawan ang tira-tirang katas ng pinigang ganap. habang buhay mo itong tatandaan. Hindi mo ito malilimutan. pipiga at papatay pa siya para lang unti-unti kang maghirap. at sa tuwing babalik ka sa lugar kung saan kayo nagkita at nagkakilala, muling kikirot ang mga naghihilom na mga sugat.

mahalaga ba ang iyong paghihirap sa kanyang buhay? sa katunayan, hindi. hindi ito mahalaga. hindi nga niya naiintindihan. hindi niya naiintindihan ang mga bagay-bagay dahil kulang siya sa kaalaman. hindi niya alam na sa haba ng inyong pagsasama ay marami kang iniwan para lang sa kanya. hindi niya alam na sa bawat araw na magkikita kayo ay pilit mong dinidilat ang iyong mga mata dahil nais mong maintindihan ang kanyang mga kuwento’t pangaral. hindi niya alam na kahit halos wala nang pumapasok sa iyong tainga ay pilit mo pa ring pinakikita na ganado ka sa pakikinig. hindi niya alam na sa bawat araw na tinakda ng nakatataas na nilalang na magkikita kayo ay naroon ka, naghihintay, dumating ka man o hindi. hindi niya alam na pinilit mo ang mga bagay-bagay kahit alam mong hindi ito mahalaga sa mga susunod mong tatahakin dahil: una, pinahahalagahan mo siya at ang kanyang mga sinasabi. pangalawa, ito ang tinakda.

sa katunayan, hindi mahalaga ang mabalatan ng buhay, magtiis at magpigil, dahil ito nga ang tinakda. wala sa iyong mga kamay ang lakas at kapangyarihan upang lumaban at sabihing “tama na!” wala ka sa lugar upang ipamukha sa kanya na hindi mahalaga ang kanyang mga pinagsasasabi. wala. wala! isa ka lamang sa marami. isa ka lamang sa maraming tulad mo, at isa ka lamang sa maraming dumaranas din ng kalupitan niya. at oo, hindi lang siya iisa. marami sila. maraming-marami sila at patuloy silang nanganganak habang hindi pa nila nararanasan ang nararanasan ng iyong mga magulang.

hindi ka nila maiintindihan kahit pa napagdaanan nila ang mga napagdaanan mo. magkaibang tao kayo, at ang iyong hilig ay iba sa kanya (madalas), dahil kung nagkataong magkatugma ang inyong mga hilig, wala ang mahabang basahing ito. wala ito dahil magkakasundo kayo, magkakaintindihan kayo, at masasabi mong hindi mahalaga ang sinasabi mo (kung nagkataong ibang tao ka).