3.22.2009

masama ang rugby

*ang kwentong ito ay nagtataglay ng mga materyal na hindi angkop sa mga bata at isip-bata. kung sa inyong palagay ay mabibigla o maiinsulto kayo ng kwentong ito sa kahit anong paraan. paki-usap, huwag babasahin.

galing sa isang wedding shoot at pauwi na nang maalalang may usapan kami ni angel. alas tres ng umaga, mabigat man ang pakiramdam at pinaghalong amoy ng pawis at usok ng bus at sigarilyo, sumakay ako ng taxi papuntang malate.

may photo exhibit noon sa liblib na lugar ng cubao nang makilala ko si angel. pinakilala kami ni robert, ang boyfriend niya. tulad ko, photographer din si robert. si angel, nahilig din sa pagkuha ng mga litrato. siguro ay impluwensiya na rin ni robert. ang paniniwala ko kasi, nagkakahawahan ang mga tao kapag magkasama. Narinig mo na ba ang kasabihan na nagiging magkamukha ang mga magsiyota? ngayon, modelo na rin si angel ng kasintahan. kuwento ni robert sa tuwing mag-iinuman sila ay si angel ang praktisan niya. sa lugar ko ngayon kung saan kilala ko na si angel at matagal na kaibigan si robert, hindi ko magawang maiguhit sa aking isip ang tinatawag niyang praktisan, literal ba o figurative.

sa malate lang sabi ko sa drayber. yakap ko ang aking dalawang bag na puno ng aking kayamanan habang nakatitig sa labas ng bintana. mag-isa, malamig na nagmumula sa aircon na nakatapat sa aking mukha, dinikit ko ang aking noo sa bintana. nakaramdam ako ng pagkalungkot. ang dami kong ginagawa, pero hindi ako masaya. marami akong kakilalang nagpapasaya sa akin, trabaho at babae, kaibigan at kuwentista, pero masaya ba talaga ko?

yellow. red. red. dumating sa intersection ang taxi, huminto kami. nakapagtatakang dalawang sasakyan lang kaming nakahinto sa kalyeng iyon, pero nakahinto kami. walang dumaraan, walang tumatawin, pero nakahinto kami. Kailangan bang huminto kahit wala namang masasagasaan? kung naimbento ang mga stoplight upang umayos ng trapiko at maka-iwas sa disgrasya, bakit hindi maaaring tumawid kung wala namang madidisgrasya.

biglang may tumawid na batang may hawak na plastic. sa hula ko, rugby. kung nagkataong ako ang may hawak ng manubela, baka nasagasaan ko ang batang iyon. patay na sana siya at umiiyak na ko sa malamig na hita ni angel ngayon. pero hindi, buti na lang hindi.

nang dinikit niya ang pisngi sa akin, nangilabot ako. hindi ako sanay, pero hinayaan kong dumampi ang mga ito sa akin. agad kong nalanghap ang kanyang pabango na mula sa kanyang leeg. kung wala lang si robert! pero hindi na ito mahalaga, araw-araw ay naaamoy ko ang amoy na tulad ng karisma ng kape tuwing umaga, o ang nakalalasong amoy ng gas sa tuwing magpapakarga. marahil, tulad din ako ng batang may hawak ng plastic ng rugby. gutom, pero walang makain. pagod at rugby lang ang lakas.

pumara ako isang kanto bago ang bahay ni angel. Inabot ko ang 150 pesos. may sukli pa kong trenta, pero bumaba na ko. hindi ko na hinintay na suklian pa ko. alas tres imedya na at nagtra-trabaho pa siya. tama lang siguro iyon. masahol pa siya sa pokpok kung kumayod.

mabagal kong nilakad ang kalsada. naghihintay na batiin ng mga pokpok na halos malapit na sa quota. may mga ibang dancer lang, waitress, at singer, pero sa mundong ito kung saan sikat sa pagbebenta ng laman, imposibleng waitress ka lang o singer ka lang sa mata ng mga kano, o pati pinoy.

hindi pokpok ang habol ko. marahil, ang pagpansin nila sa akin, o ang makita sila habang gumagalaw sa sariling buhay. hindi ko alam, lutang ako. lutang ako at papunta na ko sa nakasanayan kong langhapin—rugby—angel.

simula noon, nasundan at nasundan ang aming pagkikita, andiyan man si robert o wala. magkikita kami sa alex III, sa bar, sa bahay ng kaibigan, sa bahay ng kaibigan ng kaibigan, at sa motel kapag kailangan. hindi naman sa kailangan, ayaw ko lang siguro siyang malagay sa alanganin. ako rin, siyempre.

umabot sa puntong nais ko na siyang makasama, na akin lang, wala si robert. nahihirapan din kasi ako na sa tuwing may event tulad ng meeting sa photo club namin, exhibit ng isang kaibigan, o kahit anong magkikita kami ni robert ay maaalala ko si angel. maaalala ko siya hindi dahil ginagago ko si robert, kundi dahil sa tuwing magku-kuwento si robert tungkol sa praktisan nila ay nasasaktan ako, dahil alam ko na yata ang praktisan na tinutukoy niya, sa wakas. nakapanghihina ng kalamnan na kahit siya ang nauna, ako ang nasasaktan.

robert, mag-usap tayo.

nagulpi ako. unang bumagsak ang kanang kamao niya sa aking pisngi. hindi ko inasahan, ngunit pinaghandaan ko. nang malaglag ako sa kinauupuan, ‘di ko na nabilang ang mga tadyak. umawat ang iba, ngunit hindi mapigilan ang nag-iinit na tadyak ni robert. halos namanhid ang aking katawan. imbes na pagsisihan ay nakaramdam ako ng tuwa, marahil dahil alam ko na pagkatapos ng sunud-sunod na mababagsik na sakit ng katawan ay may uuwian na ko, sa wakas.

sinabi ko ito kay angel. natuwa siya, ngunit natatakot daw siya. ako, hindi. “antayin mo ko sa bahay, uuwi ako.”

dahan-dahan kong pinasok ang susi sa busol ng pinto. dahan-dahan, pero sigurado. pinihit at pumasok. halos gumapang ako sa panghihina, pero agad sumalubong sa aking si angel. pinilit kong tumayo upang hindi niya mapansin ang kahinaan, pero alam niya. sinabayan niya ko papunta sa sofa, at madali siyang kumuha ng tubig pamunas.

nakayuko siya at abalang-abala. ang maikling short na paborito kong suot niya ang una kong napansin. sa loob ng banyo, niyakap ko siya mula sa likod.

isinandal niya ng sandali ang kanyang ulo sa akin, at nagpatuloy. dahan-dahan kong hinihimas ang kanyang tiyak gamit ang natitirang lakas na mayroon ako. nilanghap ko siya mula sa leeg habang hinahayaang humagod ito sa aking katauhan. magkadikit ang aming katawan, dibdib ko sa kanyang likod at aking pagkalalaki sa kanya.

paikot kong hinimas ang kanyang tiyan, pataas at pababa. mabagal na hinagod ko ang kanyang dibdib, at pababa, hanggang sa mapansin niya ko. nanatili kami sa ganoong puwesto. hindi na ko nakapagpunas.

humarap siya sa akin at hinalikan ako. gumanti ako ng halik. nakakapit ako sa kanyang puwit. hindi na ko nakapagpunas.

mula roon, hinayaan ko na siya. ginawa niya ang nais niya habang nakahiga ang aming mga damit sa sahig at kama. ang kanyang short na nasa may pinto, ang aking pantalon na nasa may paanan ng kama, sa upuan, sa may tv, lahat nagkalat. at tulad ng aming kasalahulaan, nakakalak kami sa sahig habang mabagal na inuubos ang natitirang lakas na dumadaloy sa aking mga ugat.

nakatitig ako sa kisame habang umuuga ang lahat ng bagay. tila lumilindol, ngunit ang isip ko ay nakapinid sa kaisipang ako ay mag-isa. oo, mahal ko siya, gusto ko siya na naririto sa bahay ko—sa buhay ko, pero hindi ko masakyan ang tugtog na nais ipasayaw sa akin. tila nalilito pa rin ako kung sino ang dapat kong maging—ang adik na batang tumatakbo takbo sa kalsada o ang drayber na naghihintay ng berdeng ilaw.