2.23.2009

dilim

hindi ko na maalala kung kelan ang huli, basta't ang alam ko ay buhay ako at ligaw sa mundong madilim na pinalilibutan ng mangilan-ngilang kaluluwa na nais akong dakpin. pilit ko mang kumawala, kailangan ko munang harapin ang madilim, makipot, at nakakapang-init kalamnan na eskinitang ito.

bukas ay umaasa ang aking katauhan na may hihila sa akin paputang liwanag, ipapamalas sa akin ang mundong kinagisnan muli. bukas, kung pahihintulutan, ang inaasahan ko dahil hindi ko ninais na manatili sa ganitong uri ng mundo--ang dilim nsa kapaligiran na pumapaimbulog na 'di ko ninais dahil kailan man ay 'di ko naging hilig ang pagsalat, ang makipot na lugar na tila sumasakal sa akin at pinipigil ang paglabas ng aking hininga, at ang init na kinasusuklaman ko sa 'di mawaring dahilan. hindi naman ako ganito rati. sa tuwing matatagpuan ang sarili sa dilim, mabilis naman akong nakaaalis. sana, sa pagkakataong ito, maging mabilis din.

umaasa kong may hihila sa'kin dahil wala na rin akong lakas. marahil ay naubos na ito mula sa mga nagdaang paglalakbay. oo, ito dapat ay nagpatibay sa aking mga paa't tuhod, pero baga na ngayon ang nais bumigay, at ang ibang bahagi ng aking katawan na tila sawa na sa paulit-ulit at paikut-ikot na paglalakbay na sa iisang kalalagyan din muling makikita ang sarili. dilim.