12.29.2009

totoong mahirap maisulat ang kaligayahan

nasa bus, nakaupo sa upuan na galing japan. katatapos lang natin magkita at pauwi na. yakap ang bag habang nakaipit ang itlog dahil sa putanginang lalaking ayaw isara ang kanyang mga hita. gaano ba kalaki ang itlog nitong lalaking ito at ‘di man lang niya maisara ang mga hita? ‘yan ang lagi kong tanong, pero hindi ngayon. walang puwang ang masasamang mga ideya sa akin ngayon.

inaalala ko ang bawat detalye ng mga bagay-bagay. naisip kong i-kuwento na sa mga kaibigan. naisip ko na ngang i-kuwento sa aking katabi (pero hindi ko ginawa dahil siya ang dahilan kaya nakaipit ang itlog ko ngayon.) gusto kong i-kuwento sa lahat kung paano tayo nagkita, kung paano nagdaan ang oras nang ‘di ko namamalayan, kung paano kita kinulit at kung paano ka napangiti sa mga kagaguhan kong ‘di ko man lang naisip na bebenta. pero mabilis kong binawi ang mga naisip. hindi na lang. huwag na lang.

bihirang maisulat ang kaligayahan, ayon kay rebecca anonuevo. mahirap maisulat dahil walang nakakaalam kung paano huhulihin. ngayon, susubukan ko.

nagmumukha na kong tanga sa kakangiti rito sa loob ng bus. magkakadikit na ang kanilang mga puwet at siko, heto ako at nakangisi. baka masapak na lang ako bigla. akalain nila ay ginagago ko sila. puwede kayang dahil yung, “masaya ako, e. bawal na bang ngumiti?” pero kahit gaano ko ingiti ay tila hindi nababawasan ang hangin sa aking dibdib. hangin ba ito? alam kong tuwa ito, saya, pero hangin ba ito? parang sasabog ang buong pagkataon. hindi! hindi ko ito i-kukuwento.

pinigilan ko ang sarili hanggang sa makababa ng bus. napasigaw ako ng bahagya pagkalabas ng pinto ng bus. napakasikip. kamuntik ko nang takpan ang aking bibig. naramdaman kong mabilis na nabawasan ang hangin. mali. hindi pa puwede. i-susulat ko ito mamaya pag-uwi ko.

sumakay ako ng dyip at bumaba sa kanto namin. nang makitang walang naka-abang na mga traysikel, minabuti na lang na maglakad. nang umupo ako at magsusulat na, tila naubos na ang mga maliliit na detalye. paano ba siya ngumiti noon? paano nga tumaas ang kilay niya? paano siya nagulat?

anak ng. kung alam mo lang kung gaano ako kasaya. sayang, buti na lang at narito pa sa’kin ang tiket ng sine. dinikit ko na siya sa unang pahina ng aking planner.

12.26.2009

bukod tangi ang isa

nakatayo siya sa mataas na bato, nangangatog. buong gabi siyang nakabilad sa hamog ng nakasanayan. nag-iisa, nangangatog, pero nakatayo pa rin. sa tagal, sa gitna ng maliliit na batong nakapaligid, sa malawak na langit ng posibilidad, tila nakalimot na ang dahilan. nakita niyang muli ang sinturon ni orion. bagaman tatlo silang nakapila pagilid, bukod tangi ang isa.

sa laki ng langit na tinitingala, sa dami ng bituing nagkalat na para bang basta na lang isinaboy, sa kanya nakatingala—nakatitig at nakanganga, tahimik na pinagdarasal na umikot ang langit ng posibilidad. dahan-dahang liliit ang walang hanggang kalangitan, maglalaho ang lahat maliban sa isa. siya, ang magiging langit ng posibilidad.


sumigaw, halos duguin ang kanyang lalamunan. tinakpan ng makapal na ulap ang bituing sinusundan. “ano ang nangyayari? nasaan na siya? kamusta na siya?” ito siya na para bang napakalapit niya. pero hindi, hindi niya mahawakan, ni hindi niya maipagtanggol o matulungan. at ngayon, ‘di niya makita. kalunus-lunos, wala man lang siyang magawa. sinusubukan pa rin niya. sumigaw siyang muli, tila kaunti na lang ay mapipigtal na ang mga ugat sa kanyang mga leeg. umaasang maaabot ng boses ang ‘di magawa ng mga kamay. umaasang, sa pamamagitan ng pagsigaw—natatanging paraan, magising sa matagal na pagkakahimbing—magising sa isang panaginip at matauhan na nariyan ang katotohanan. maalimpungatan at mapasulyap sa baba. kakaway siya, panigurado.


pipigilan ang hininga nang may pumatak sa lupa, ngunit ni butil ay walang lalabas. kakainin ng utak ang maalat na likido na dapat ay nakalabas na sa mata ngayon. pipiliting maniwala ang sarili sa mga bulalakaw.


“falling star” at ‘pag nalaglag siya ay tiyak na sasaluhin. hahabulin at isasalba. lumabas ang nanay at sinigawan ang anak. dahil sa gulat, muntik na siyang mahulog sa mataas na bato kung saan siya nakatayo. papasok siya sa bahay, pero hindi magpapaawat. kung hindi man malaglag, kung iba man ang malaglag, hihiling na lang na sana, sana, siya naman ang sumunod.


pinakamalaking posibilidad ang walang malaglag na bituin. ito pa rin ang langit ng posibilidad, huwag makakalimot. wala mang malaglag, ang mataas na bato ay mananatiling tungtungan. higit na madali mag-alaga at magtanggol ng isang bagay na malapit sa iyo, kapat nasa tabi at abot ng mga kamay. ito ang paraan ng kalikasan—maaaring sabihing batas. ang mga bagay na nais mong alagaan, dadalhin mo sa malapit sa iyo, sa tabi mo.


bumubulung-bulong siya habang nakahiga. binatukan ng nanay. “matulog ka na, inumaga ka na. a la una na. tulog na.” katatapos lang ng pasko at nahampas na agad ng nagmamahal na nanay. “ma, totoo ba si santa?” tanong niya. isang tanong na kung pakikinggan ay para bang nagmula sa bula. hindi na sumagot ang nanay.


umaasa siyang totoo, oo, dahil nais niyang umangkas kay nikolas. umaasang makalapit at makasama man lang ang bituin kahit sandali. kung ‘di man siya magpatihulog tulad ng ibang mga bituin, siya na lang ang susubok na umakyat.


pero, sana magpatihulog na lang siya. o, sabay sila ‘pagkahatid sa kanya ni nikolas?

12.11.2009

vase

kagat-kagat ang manggas ng t-shirt at sinisipsip ang alat, nakaupo sa labas ng tindahan ng mga ceramics si buboy. sisilip mula sa malabong salamin ng bintana, inaaninag kung nasa loob pa siya. napansin ito ng tindera ng yosi na katabi lang niya. “boy, ano bang sinisilip-silip mo riyan?” tanong ng matandang halos magdikit na ang noo sa tuhod sa pagkakuba. nagulat pa si buboy sa boses ng matanda. para bang hinuhuli siya salang paninilip. nagtaka pa siya, “ano ba ang masama sa ginagawa ko?” pero tinago na lang niya sa sarili. “wala ho. tinitingnan ko lang kung may bibili ng vase na ‘yon.”

walang pagbabago sa itsura ng matanda. ang mga guhit na naka-ukit sa obra ng panahon ay nanatili sa kanilang mga puwesto. “bakit hindi mo bilhin nang hindi ka na pasilip-silip diyan?”


pabalik-balik siya sa tindahan simula nang makita niya ang vase. tuwing may pagkakataon, hihinto siya ng tindahan, umaasang wala pang nakabibili. hindi naglaon, nagsimula na siyang mag-ipon.


“ate naman. sinusubukan ko naman, e. binabantayan ko lang. baka kasi may pumasok dito at bilhin na lang bigla ang vase.” sagot ni Buboy sa matanda na tila walang narinig. “ano naman ang gagawin mo kung sakaling ngang may kumuha at bumili noon? hindi naman ikaw ang nauna, wala ka namang pera, wala ka namang magagawa, hindi ba?” natigilan ang lalaking ‘di maiwasan ang paglingat sa tuwing may papasok na customer.


pumasok siya ng tindahan at humarap sa istante kung saan nagpapahinga ang vase. sinilid ni buboy ang kamay sa kanang bulsa, kinapakapa at bumunot ng barya. sa kakaunting barya, paano niya mabibili ang vase? madaling mag-ipon. magpipigil ng gutom, maglalakad imbes na pumara ng dyip, magtitiis sa tubig, at marami pang ibang paraan. madaling maghintay. ang mahirap ay ang maghintay habang kinakabahan dahil alam mong wala kang pera para makipag-agawan kapag dumating ang isang mayamang puno ang wallet at natipuhan ang vase na inaasam. ano ang laban ng barya sa bundle ng pera ng isang mayaman, may sukli pa siya.


“kuya” tanong niya sa isang lalaking naglilinis ng vase sa loob ng cashier, “magkano ho ‘to?” nililinis niya ang vase na para bang siya ang nakabili. “ikaw nanaman? wala, wala. ganoon pa rin.” sagot ng binata. sa dinami-raming beses niyang tinanong kung magkano ito, natandaan na siya ng tindero. pero sa dinami-raming beses na ito, tila kulang pa ito para maiparating sa kanya, at sa iba na rin, na gusto niya talaga ang vase.


binalik niya ang pansin sa kaharap na vase. gusto man niyang hawakan, natatakot siyang mabasag. “sana alam mo kung gaano ka kahalaga sa’kin para alam mo kung gaano ako nahihirapan kapag may ibang umaali-aligid sa’yo.” nanatili sa kanyang puwesto ang vase. umaasang ‘di siya matabig, ‘di malaglag, at ‘di mabasag. lumabas ng tindahan si buboy.


“ate, mauna na ho ako.”


“o! balik ka bukas?”


“oho.”


“bantayan ko para sa’yo?”


“ho? hindi na ho. babalik naman po ako bukas.” ngumiti ng bahagya si buboy.


“sigurdo ka? sige. ingat ka.” paalam ng gumagasgas na boses ng matanda.

"oho. oho. siguradong sigurado."

12.08.2009

pula nga ang dugo ko

parang naligo sa sariling dugo. sinubukan magtanong, “pula kaya ang dugo ko?” kinakabahan sa maririnig na sagot, pero mas kabado sa kutob na sagot. “pula ang dugo mo. pula ang dugo mo.” naman lagi ang naririnig, pero ‘di ko pa naman nakita. bumunot ng barya at ipinambili ng blade. ‘di na hinintay ang sukli, lumingat pero nagmamadali. habang naglalakad, “pula kaya ang dugo ko?”, tinatanong sa sarili. paulit-ulit na pinapalo sa braso ang blade na walang talim. nanlalambot ang mga tuhod sa bawat palo ng blade sa balat. anumang oras, maaaring tumagas ang dugo—pula. umaasang iba ang kulay. walang nagawa ang purol na blade. ibinalik ko sa tindera at pumara ng dyip. mabilis ang takbo ng dyip. napakapit ako sa barandilya. tumulo ang dugo mula sa maraming maninipis na sugat. hindi pala siya purol. pula pala ang dugo ko.

12.03.2009

flat ang mundo

flat ang mundo. naniniwala ka? ako, oo.

ang buhay ay isang mahabang biyahe sa flat na mundo. minsan, kahit ‘di natin alam ang daan, kahit ‘di natin alam kung kailan liliko, kahit ‘di natin alam kung saan patungo, dire-diretso tayo. iaalay natin sa “bahala na” ang biyahe, umaasang makakarating pa rin sa patutunguhan. ito ang buhay, ito ang biyahe sa katotohanan, at ganito ang buhay (sa aking palagay).

ano ba ang katotohanan? ito ay maaaring maging realidad, pero hindi ito ang realidad. ito ang “totoo” na nakabase sa iyong palagay. halimbawa, totoo sa akin ang pagiging flat ng mundo. ito ay totoo para sa akin. sa makatuwid, ang binabasa mo ngayon ay isang katotohanang mula sa matagal na pagmumuni-muni lamang. hindi ko sinasabing ito ang realidad, pero malay natin.


paanong naging flat ang mundo? ang buhay ay isang mahabang biyahe sa flat na mundo. sa tuwing bi-biyahe ay kusang nadudugtungan ang mga daang nakagawian. oo, flat ang mundo, pero na malaglag ay nadudugtungan at humahaba ang biyahe. natututo.


ang buhay ay isang mahabang biyahe sa flat na mundo. maraming uri ng biyahe, pero tatlo rito ang madalas na piliin ng mga tao.


una, ang biyaheng masukal. masukal ang realidad. may mga hangal na taong sadyang hindi tumitigil sa paghahanap ng realidad. magagalusan, masusugatan, madadapa, masasaktan, minsan akala nila tama ang nahanap nila pero sa huli ay magsisisi. matututo pero makakalimot din, uulit. pangalawa ay ang biyaheng halos wala ni isang lubak. masasanay sa biyaheng napakabanayad kaya sa huli, kapag dumating ang iang lubak, kahit pa maliit ito, ay mawawalan ng gana. ikatlo ang magulo. ito ang biyaheng “ligaw”, ang biyaheng ‘di mo alam kung ano ang meron, maayos ang daan pero meron ding lubak, may mga talahib sa gilid-gilid, minsan ay may mga kung anu-anong hayop pang umaatake sa kung saan-saan, pero sa huli, “nakarating ka pa rin naman.” ito ang paborito ko sa lahat. dito ka maraming options, kakaliwa o kakanan, aabante o aatras nang paulit-ulit, magsasakripisyo ka ng oras paminsan-minsan pero sigurado namang ang kapalit ay mga taong bago, karanasan na ‘di maikukumpara sa iba, at marami pang iba.

11.22.2009

bakit walang magulang sina b1 at b2

iwan muna natin ang mga ibang katanungang walang kaugnayan sa magulang ng kambal. paano basahin nang tama ang pyjamas? bakit limang minuto lang ang bananas in pajamas? Bakit sila naka-pajamas kahit na lumalabas ng bahay at nakikipaglaro? ilang terno ba ang meron sila? sino ba ang magkakatuluyan, morgan-lulu ba o morgan-amy? bakit hayop ang mga friendships nina b1 at b2, hindi ba dapat prutas din? wala bang ka-close si doding daga? at marami pang ibang mga katanungang pampasakit lang ng ulo. Huwag na muna natin sila problemahin.

magkakaroon din kaya ng porn ‘tong sina b1 at b2 tulad nina goku at chichi (dragon ball z), eugene at jenny (ghost fighter), jollibee at wendy (inggit si donald), at marami pa ring iba? sana hindi. parang hindi yata nakakatuwang makakita ng saging na nakadikit pa sa isang pang saging.


para sa mga hindi generation y, sina b1 at b2 ang kambal na bida sa isang 5-minute show na bananas in pajamas. at oo, nakasuot sila ng pajamas habang pababa ng hagdan, palakad-lakad sa maliit nilang compound, at kausap ang mga barkadang sina doding daga at ang tatlong oso-amy, lulu, at morgan.


********

B2

naiisip mo ba ang naiisip ko, b1?

B1
sa palagay ko nga, b2!

at tuluyan na nga nilang nilisan ang hacienda kung saan sila lumaki. Ito marahil ang hindi naipakita sa’tin ng bananas in pajamas. at kung hindi naipakita sa’tin noong 1992 nina michael ailwood at ian munro (directors), sa tingin mo ba alam ko? malamang, hindi.


pero dahil tulad ako ng nakararami, mag-gagaling-galingan ako at gagawa ng sarili kong kuwento.


********

david panchak (executive producer ng show), sana mabasa mo ‘to. para sa’yo ‘to, hello!


********

natutulog ang kambal na saging. nananaginip.

1 INT. GLAKATAN’S HACIENDA - DINING ROOM #304- DAY 1/1 00:20


GLAKATAN
‘pag sinabi kong kumain ka, pumunta na kayo rito at umupo. ano bang ginagawa niyo sa taas!

B2
naiisip mo ba ang naiisip ko, b1?

B1
sa palagay ko nga, b2!

GLAKATAN
tangina! ano binubulung-bulong niyo d’yan! upo!

B1 at B2
operation....

GLAKATAN
lintek!

papadapain ang kambal na saging at pagpapaluin ang puwet. mahihirapan si GLAKATAN sa pagpalo ng puwet. hindi niya mahanap ang puwet ng kambal.


papagitna si GLATUNDAN habang umiiyak.


GLATUNDAN
tama na GLAKATAN! anak mo sila!

GLAKATAN
anak ko lang sila. kapag sinabing kain, kain! walang anak anak dito!

magtinginan ang kambal habang nakatuwad. lamog na ang puwet sa kakapalo ng ama.


2 INT. GLAKATAN’S HACIENDA - ROOM #1/2- DAY 1/1 00:40


magku-kuwentuhan ang dalawang saging habang nakadapa.


B2
naiisip mo ba ang naiisip ko, b1?

B1
sa palagay ko nga, b2!

at tuluyan nilang lilisanin ang malaking hacienda. sisilip muna sila sa pinto at bababa sa makipot na hagdan. (dapat, tutug-tog na rito ang theme song. bananas in pajamas, laging magkasama sa lahat ng oras....)


3 EXT. GLAKATAN’S HACIENDA – GATE #6 –DAY 1/1 00:45

maluluha-luha si B1. lalapit sa may gate si B2 at hahalik sa malaking sign board kung saan nakasulat ang malaking GIANT LAKATAN’S HACIENDA.


********

david! tama na muna ‘yan. baka i-produce mo na agad ‘to without my consent. kawawa naman ako. iku-kuwento ko na lang ang climax ng kuwento para naman nakaka-engganyo.


hihinto sa paglalakad ang kambal sa pagod. makakasalubong nila ang tatlong oso. matatakot ang dalawa pero nang mapansin nilang mabait pala ‘tong mga osong ‘to, nakisama na sila. ipapakilala ng mga oso si doding daga. aanyayahan nito sina b1 at b2 na doon na manirahan.


hahanapin ng mag-asawang GL ang kambal. makikita nila ang kambal sa isang maliit na compoud kasama ang mga hayop na kaibigan. magkahalong takot at galit ang mararamdaman ng mag-asawa. sisigawan ni GLakatan sina B1 at B2 pero hindi ito pakikinggan. sisisihin ng mag-asawa ang mga kaibigan nitong mga hayop.


“sila ang dahilan kaya ayaw nila sumama sa’tin” sabi ni GLakatan sa asawa nito. tatahimik ang asawa ng sandali. “kung diyan kayo masaya, sige. pero mga anak, b1 b2, saan ba kami nagkulang? ano ba ang nagawa naming mali?” tanong ni GLatundan.


B2
naiisip mo ba ang naiisip ko, b1?

B1
sa palagay ko nga, b2!

at sinabi ng kambal ang mga hinanakit nila. sinabi nila ang hinanakit nila sa ama—kung paano sinabi at kung paano sila itinuring ng ama, sa inang walang ginawa kundi sumunod sa bawat salitang sabihin ng ama. “papa, mama, hindi na tayo pamilya e. para ano pa’t tinawag tayong isang piling ng saging kung tratuhin kami ni papa ay para bang kami ay mga star apple!” “at huwag mong sisihin sina morgan dito. kaibigan namin sila. naghanap kami ng pamilya at sila ang dumating. kahit para kaming litson na may apple sa bibig, masaya kami rito.” nakiusap din ang kambal na huwag nang mandamay pa ng ibang prutas o gulay sa problema nila.


********

david, ikaw na ang bahala sa ending. okay lang naman sa’kin kahit ano basta siguraduhin mong nasa credits ako. at, bayad ako.