12.18.2008

power trip

*ang kwentong ito ay nagtataglay ng mga materyal na hindi angkop sa mga bata at isip-bata. kung sa inyong palagay ay mabibigla o maiinsulto kayo ng kwentong ito sa kahit anong paraan. paki-usap, huwag babasahin.


kung gusto mong makita ang tunay na kulay ng tao, bigyan mo ng kapangyarihan. laging naaalala na turo ng ina ni pitoy sa tuwing makakikita ng mga power trippers. sila yung mga putang inang kung makapang-trip ay halos ipakilala ang sarili na diyos.

madalas sa kalye si pitoy kaya’t kung sinu-sino ang mga nakakasama-may adik, may nerd, may bading, may killer, may manyak, may malakas, may feeling malakas, at marami pang iba na kung iisa-isahin natin ay hindi na siguro matatapos ang maikling trip session na ‘to. sa madaling salita, nakaka-jamming siya sa mga trip ng iba’t ibang uri ng tao. katunayan, mahilig makipagkilala si pitoy. kung minsan, pupunta pa sa kabilang baryo ang batang kalbo para lang makahanap ng bagong kakilala, makikipaglaro, makikipagkuwentuhan. kung sabagay, it’s not what you know, it’s who you know nga, hindi ba? yan naman ang motto ni cha na nakilala niya noong nasa grade school pa. sinabi niya ito kay pitoy nang matuklasan ng lalaki na hindi na siya nag-aaral at nagbebenta na lang ng mga cellphone na nakaw sa monumento. kailangan may koneksyon para mabilis mabenta ang mga snatch na cellphone, masakit kasi sa konsensiya ang mga ganyang bagay ‘pag nagtagal pa sa kamay. mas mahalaga na raw ngayon ang koneksyon. noong una, hindi pa siya naniwala. mahalaga ang pag-aaral sa kanya, dahil kahit papaano ay may natututunan pa rin sa maliit na silid na nangangamoy dahil sa tuyong pawis at singaw ng semento.

minsan, nagtapos na ang klase. march, nag-uuwian sa mga probinsiya ang kanyang mga kaklase. walang magawa sa bahay si pitoy. palibhasa’y nag-iisang anak, walang kalaro, walang kausap. madalas pa naman sa tao ay nakagagawa ng malulupit na kagaguhan sa tuwing maubusan ng gagawin. hindi kasi biro ang mag-isip ng gagawin lalo na’t kung nasanay na ang iyong isip at katawan sa puyatan. at sinubukan nga ni pitoy na maglayas. bakit? wala lang.

sumakay siya ng bus at umupo sa tabi ng pinto. agaw-pansin ang maluwag na bus, tatlo lamang silang nakasakay-isang matandang tila may ketong, si pitoy na nakasilip sa bintana na nakatitig sa paikut-ikot na mga usok, at ang kunduktor na kasalukuyang papalapit na sa kinalalagyan niya. wala ng panahon para tumakbo! maluwag, pero ito ang mga panahong mas nanaisin pang masikip. hindi uubra ang magtulug-tulugan. putang-ina naman. nag-abot si pitoy ng anim na piso. “pasensiya na po, wala na kong pera.” nilagpasan siya ng kunduktor. nang ibalik niya ang pansin sa mga bilug-bilog na usok, tila hindi na niya kilala ang mundong halos dalawampung taon niyang nakasama. itim ang kalangitan, kulay berde ang mga taong naglalakad, ang mga titig ng bawat isa’y hindi mawari—malalagkit, malalandi, matatalas, nag-uusap silagamit ang kanilang mga kilos at malalaking hakbang. halos sampalin na niya ang sarili upang magising pero ito ang tunay na nakikita. madalas tayong linlangin ng ating mga pangingin, pinaiikot ng mga larawang gawa-gawa ng iba, paniwalain sa gawa-gawang mundo na may sariling mga rules and regulations. kultura raw ang tawag nila rito. madalas sabihin ng nakararami, tradisyon at kultura na ito at hindi ito mawawala, kaya nandiyan ang mga rules and regulations para malaman mo ang tama at mali. ngunit, ang tama ba at tama talaga at ang mali ba ay mali talaga? gawa-gawa lang din kaya ‘yan. baka naman tulad ng goldfish sa mga aquarium, pinaniniwala lang tayo na may coral reefs at iba pang mga isda sa tirahan natin, na ang hindi natin alam ay nasa maliit na silid lamang tayo na pinuno ng tubig at gawa-gawang mundo.

hindi natakot si pitoy sa bagong mundong nakita. sa katunayan, libog na libog siya sa kanyang nakita kahit pa alam niya na sa bagong mundo ay siguradong may bagong tradisyong pinapauso, kulturang inumpisahan ng kung sino, at rules and regulations na kung pakikinggan ay just and balance pero balikung-balko pala. “independent organization kami.” ang sunud-sunod niyang narinig nang bumagal ng bahagya ang bus na sinasakyan. ito ang linya ng bawat isa sa mga taong napadadaan na tila hindi nila kauri dahil sa “normal” na kulay ng kutis.

maliit na mundo. maliit na organisasyon. bumaba siya ng bus at hinayaang dumugin ng mga berdeng nilalang. kaliwa’t kanan ang pagpapalibog ng kanyang ulo. “sabay pa tayo uuwi kung gusto mo.” alok ng pa ng isa nang malamang sumasakay pa siya ng bus pauwi. nang makumbinsi ang utu-utong bata, agad na iniabot ang “handbook”. punit ang cover page, amoy ihi, pilas-pilas ang mga pahina, may mga uhog pa na nakadikit sa likod ng libro. tila antigo ang libro, madalas gamitin, at sinubok na ng panahon. pinilit niya itong basahin ngunit sadyang mahirap na itong intindihin. ang mga tira-tirang mga pahina ay nangangamoy pa ng ihi kaya’t nakadagdag pa ito sa kababuyan ng libro. ngunit kahit pa ganito ang kalagayan, isa ang nabasa niyang umagaw ng kanyang atensiyon. bawal ang self-proclaimed ruler.

natuwa si pitoy sa kanyang nakita. hindi siya magagago sa institusyong ito. printed. bawal ang self-proclaimed ruler sa likod ng libro. font size 24, times new roman na naka-italics, bold, at underline. kulang na lang ay wordart para mapatunayan ang kredibilidad ng libro at organisasyong ito.

para saan ang organisasyong ito? ito ay para sa mga taong walang pagkakakilanlan. huhubugin namin kayo upang maging equipped at magaling. dito, parang tunay na buhay. marami kang matututunan, hindi lang tsismis at pakitaan ng bayag. bading ba kayo lahat dito? hindi. karamihan samin dito, bi. iba ‘yon, anu ka ba. (background music: nagtatawanang mga bakla)

“kuya, kuya... ay... ate, may benefit po ba kong makukuha sa assignment na ‘to?” tanong ni pitoy nang bigyang siya ng unang assignment.

assignment: halikan ang aming mga inuuod na berdeng paa. now na!

halatang mangmang si pitoy sa ganitong klaseng pulitika. bawal ang magtanong lalo na sa mga pekeng miyembro na magaling na organisasyon. diyos sila at walang puwedeng kumontra.

hindi sumagot ang tinanong. imbes na turuan ang bobong bata, nagtungo siya sa pinakamalapit na berdeng nilalang at bumulong. tumaas ang kilay ng isa, tumitig kay pitoy at kumuha ng dalawang berdeng nilalang. parang mainit na bayag, itlog, ang balita. isa sa dalawa, dalawa sa apat na bibig. nakabibilib. napanganga si pitoy sa pagkaka-isa ng organisasyon. nakabibilib.

kami ang kamay at tainga ng magarbong organisasyong ito. walang sinuman ang may karapatang sumagot,tumutuloy, o magtanong. ito ang nakasaad sa handbook. ito ay dapat sundin.

pitoy: nasaan? (habang hawak ang handbook na amoy ihi)

pitoy: (binuklat ang libro) pero ito lang ang naintindihan ko.... (ipinakita niya ang nakasulat sa likod ng libro: bawal ang self-proclaimed ruler)

pitoy: kamay at tainga?

sino ba ang nagtatalaga sa mga tagapagbantay ng mundo. kung sa maliit na organisasyon, ganito kasukal ang pulitika, paano pa kaya sa mundong hindi lang berde ang dugo. sino ba kasi ang nagbibigay ng karapatan sa mga tao para magsalita?

kaya siguro kahit pinaalis na sa organisasyon ay bumabalik pa rin ang mga berdeng nilalang rito. dito, iisa sila, tanggap sila, hindi sila minority, malalaki ang bayag nila. minsan kasi sa buhay, masarap maging safe. masarap mabuhay lalo na’t alam mo na hindi ka masasaktan ng iba kahit anu pa ang gawin mo. bakit? dahil malakas ka, dahil may kasama ka. subukan mong mag-isa, lumakad ka sa kalyeng lunod sa kadiliman, hawakan mo ang bayag mo nang hindi lumipad sa kaba at takot. subukan mong umalis sa kinalalagyan mong lungga at nang maranasan mo ang matuka ang bayag.

punung-puno ang kanyang emosyon, tigang na tigang.