11.07.2008

pabili ng kaibigan

hindi ko alam kung paano yumaman pero marunong akong gumastos. madalas ko ngang sabihin sa kabarkada kong si tabi na kung may pera lang ako, kaya kong ubusin ang limang milyon sa limang minuto. bibili ako ng kotse, magpapagawa ng passport, bibili ng ticket papuntang amsterdam, laptop at videocam pang negosyo, at mga drugs para mabenta ko naman sa mga magiging tuta ko. matatawa siya, pero nakakainis. hindi naman ako nagpapatawa. kaya ko talaga umubos ng limang milyon.

si tabi, mataba. basically, wala siyang kaibigan maliban sa amin ng barkada. kaya kahit madalas ay gusto ko nang humiwalay sa barkada, wala akong magawa. pag nawala ako, sigurado, lalayo na rin ang barkada sa kanya. baka magpakamatay ang baboy, konsensiya ko pa.

********

“ate, may kaibigan ka ba diyan?” tanong ni tabi sa isang nagbebenta ng manikin sa divisoria. napilitang mag-divi si tabi nang magkaroon ng isang linggong bakasyon. umalis ang barkada kasama ang kani-kanilang pamilya kaya naiwan siya kasama ang kanyang itim na nissan na regalo (o atbor niya, walang may alam) sa kanya ng mayaman niyang pamilya. dahil walang magawa, dumiretso siya ng divisoria.

“ano ‘yon?” tanong ng tindera sa lalaking tila tatlong tao ang katawan. “ano ‘yon?” ulit niya nang makitang walang reaksyon si tabi sa tanong ng tinderang nagnanais makabenta ng manikin. hindi na sumagot si tabi at naghanap ng iba pang mga tindahan.

“may binebenta kayong kaibigan?” tanong niyang muli sa isang tindera. sa pagkakataong ito, hindi na manikin ang benta niya kundi mga malalaking teddy bears. “wala po.” sagot ng tindera na may halong pagkadulat. sino nga naman ang bibili ng kaibigan? uso na ba ‘yon? matanong nga sa supplier. agad niyang hinanap ang telephone number ng tatlong supplier na lagi niyang kinukunan ng mga bears.

********

nang maka-uwi ang barkada, ubos na ang gas ni tabi, sayad na ang bumper at laylay na ang dila ni tabi at nangitim na ang kanyang batok sa init sa divisoria. at kahit pa laylay na ang dila ay nagmumura pa rin, minumura ang mga tao sa divisoria, mga tindera, ang araw na lintek kung makapaglabas ng init, mga kaibigang nang-iwan, kotse na kung makalaklak ng gas ay parang ‘yung “kaibigan” niyang kasin-taba niya.

“pare, san ka galing?” nang makita ko siya na kalalabas lang ng nissan niya. sa divisoria sagot niya. noong una’y hindi pa ko naniwala. hindi kasi siya nagpupunta sa mga ganoong lugar, palibasa’y lugar ng mga bar at mga madidilim na lugar lang ang alam niya.

“ano nanaman ba ang hinahanap mo? walang mga car accessories doon!” sagot ko sa pagkabigla. Nang sagutin niya ang tanong ko, alam ko na ang susunod kong isasagot.

“naghanap ako ng kaibigan.” habang hinihimas ang ulo pababa sa kanyang mala-lupang batok.

“pare, antayin mo na lang birthday mo. tapos, magtawag ka ng mga batchmates at chicks! pupunta mga ‘yon! wag kang mag-alala, mabilis lang ‘yan.”