9.12.2008

“hindi puwede. anak ng puta.”

*ang kwentong ito ay nagtataglay ng mga materyal na hindi angkop sa mga bata at isip-bata. kung sa inyong palagay ay mabibigla o maiinsulto kayo ng kwentong ito sa kahit anong paraan. paki-usap, huwag babasahin.



milagrong dilat pa rin ang kanyang mga mata pagkatapos malaglag sa ika-anim na palapag ng gusaling pinagtratrabahuhan. ang huling naaalala lamang ay ang malamig at malakas na hangin na halos hawak siya sa dalawang kamay, hinahampas-hampas ang katawan, at sinasampal-sampal sa magkabilang pisngi.

“anak ng puta. ano ba ang ginawa ko.” na lang ang nasabi ni riko sa kanyang sarili habang pilit pinakikiramdaman ang mga daliri at magkabilang kamay. nangingilo ang tagiliran at namamanhid ang buong katawan. hindi pa ko nakaramdam ng ganitong klaseng sarap. hindi, hindi siya masarap pero hindi ko rin mapigilan na ikumpara ito sa pakiramdam na “sarap”.

masarap siguro dahil sa pagkakataong ito, higit pa ito sa namamanhid na kamay o nangangalay na paa. tulad sa tuwing makatutulog sa sariling braso, pagkagising ay halos ‘di na magalaw. higit pa sa pakiramdam na iyon. mas masakit. mas masarap.

pinilit niyang tumayo ngunit bumigay ng tuluyan ang kanyang mga tuhod. may lumagutok, at naramdaman ito ni riko. huli na nang mamalayan niyang pabagsak na siyang muli na para bang trosong pagkatapos putulin at itatayo ngunit bibitawan din.

bumagsak siya ng malakas sa sahid. hindi na niya maigalaw ang kanyang mga kamay at braso, kaya’t nang mawalan siya ng balanse, dumiretso ang kanyang ulo sa simento. hindi ito naging masarap.

madilim ang paligid at wala ng tao. bago siya malaglag sa ika-anim na palapag ay natatandaan pa niyang alas-onse noon bago siya umakyat ng bubong upang magpahangin. “hindi pa ko hilo. may malay pa ko.” mahinang bulong ni riko sa kanyang sariling kamalayan habang mabagal na gumagapang pabalik ng gusali, umaasang may makakitang tao.

pinipigilan niyang sumigaw at humingi ng tulong. wala pa siyang maisasagot na matino ‘pag siyang mailigtas, ngunit kung saka-sakali, higit niyang pipiliin ang may-tumulak-sa-akin na istorya. maraming gumugulo sa isip ni riko, ngunit ito ang isa sa pinakamahalaga sa kanya—ang hindi masira ang kanyang reputasyon.

hindi na niya maidilat ang kanyang kanang mata. tumutulo ang dugo na tila katas na mga luhang nanggaling sa pinigang mga mata. masakit ang mga sugat, ngunit higit na masakit ang mga kumikirot na tila basag na plorerang puno ng tubig. “bibigay na ata ko.” tatapusin na sana ni riko nang duktungan niya “hindi puwede. anak ng puta.”