7.17.2008

siya, oo siya

sinisipon siya at halos sa bibig na humihinga, masakit ang ulo ngunit pinipilit pa ring tumawa, hindi siya naulanan pero ganito ang eksena. inaantok na ang mga mata, ngunit halatang pinipilit pa ring idilat ang mga mata. mayroon daw siyang sariling sikreto para hindi tumulo ang sipon.

pinahawak niya sa aking ang kanyang kuwaderno, tumayo siya at kumuha ng isang rolyong tissue paper. kumuha ng maliit na piraso. akala ko’y magsisinga, ngunit inikot niya ito na tila ginagawa ng mga nagbabalot ng mga kendi noong unang panahon. inikot niya ito at hinati sa dalawa, ipinasok sa dalawang butas ng ilong. at, ngumiti.

wala akong nasabi, napangiti na lang ako at napapikit. ito ang buhay.

humiga siyang muli sa kama at tumabi sa akin. humiga sa aking dibdib tulad ng kinagawian. nakangangawit ‘pag tumatagal ngunit higit na masarap ang pakiramdam nito kung ikukumpara sa pagkayap ko sa aking paboritong haba-unan (BOLSTER (bowls' ter) n.- mahaba at makitid na unan o cushion). hindi na nawala ang ngiti sa aking mukha.

ito ang buhay. ipinatong ko ang aking kamay sa kanyang tiyan. napabuga ako ng hangin na nagpagaan sa aking dibdib. hindi naglaon, nakatulog na siya.

habang sinusundan ko ang kanyang mga kilay gamit ang aking mga daliri, kasabay nito ang unti-unting pagbigat ng kanyang ulo at pagbukas ng kanyang mga labi, kaunting manhid na nag-uumpisang kumalat sa buong braso ko, nalala ko ang kanyang tinanong pagkatapos niya ilagay sa kanyang mga ilong ang nakarolyong tissue paper.

“maganda pa rin ba ko kahit ganito?” doon ako natawa. hindi lang ako napangiti, natawa ako dahil alam niya ang aking sagot. alam niyang maganda siya, at alam niyang nakikita ko ito. oo, kahit gumagalaw-galaw pa ang dalawang tissue na nakasabit sa kanyang ilong at natatakpan nito ang kanyang mga ngiti.

“oo naman.” sabay ngiti, walang bola. “sinungaling!” sabay tawa na may kasabay na mahinang palo na tumama sa gitna ng aking panga at dibdib. Dito natapos ang maikling kuwentuhan tungkol sa tissue niya.

sikreto ito. sikreto rin na maganda siya.

maganda siya lalo na tuwing humihilik, bagong gising, at inaantok. maganda siya kahit hindi ko siya nakikita, at boses lamang ang naaalala. oo, naaalala, kahit hindi naririnig. maganda siya dahil kilala ko siya, hindi man buo, halos buo naman. kilala ko siya sa pinakamalapit na paraang alam ko, sa pinakamalawak na paraang nakikita at nararamdaman ko. maganda siya dahil mahal ko siya, at siya ay siya.

may kailangan pa ba kong sabihin?