7.04.2008

buknoy

gusto ko ng kotse. kung sabagay, sino nga ba aayaw kung may pagkakataong magkaroon ng sariling kotse? ang hirap kaya mamasahe!

ako nga pala si ram, at hindi ako single. aminado ako, at pinagmamalaki ko ‘to. ian ang pangalan ng aking kasintahan, at madalas ay siya ang pinagbabalingan ko ng lahat ng kuwento ko. ang malas siguro niya, hindi ba?

ito nga pala ay isang maliit lamang na parti ng buhay namin bilang isa.

marami akong pangarap, gustong marating, gustong gawin, gustong mapuntahan, gustong makain, gusto-gusto-gusto.... samakatuwid, isa akong hibang. mahilig akong mangarap, at tulad ng isang hibang, iniisa-isa ko silang lahat. masuwerte lang ako at mayroon akong ian para sumuporta at palakihin ang aking ulo sa kakasabing kaya ko. siya ang nagbibigay ng lakas sa aking sa tuwing tatamaan ako ng pagkabugnot o katamaran. siya ang nagsasabing kaya ko pa sa tuwing gusto ko ng sumuko. kaya naman sa tuwing may pagkakataon, at sa lahat ng maaaring pagkakataon, hindi ako umaalis sa tabi niya.

fan club ko siya, at ako rin sa kanya. katunayan, hindi ko man sinasabi o nakukuwento sa kanya, madalas ko siyang ikuwento sa aking mga kamag-aral. minsan, siya pa nga ang halimbawa ko sa mga recitation ko sa tuwing hihingi ng halimbawa ang propesora ko. sa tuwing may nakakakilig na nangyari, isinisigaw ko ito sa buong klase, o kung hindi man, iisa-isahin ko silang tatabihanpara kuwentuhan. hindi ako nagsasawa, kahit pa halata sa mukha nila ang pagkabanas. kulang na lang ay isigaw nila sa aking tenga at isampal sa akin na, “peste kang intsik ka, ang daldal mo. lumayo ka nga sa’kin! laway mo!” oo, literal, pero dahil matigas ang aking mukha at pinagmamalaki ko si ian, bonggang-bongga pa rin ang aking mga kuwento.

hala! nawala ako sa titulo ng aking sinusulat. si buknoy. kotse pala! makabalik nga, sino ba ang ayaw magkaroon ng sariling kotse at makapasok at makauwi ng bahay na ligtas at hindi pawisan. pawisin kasi ako kaya’t ayaw na ayaw ko ang nakikipagsabayan sa init ng araw. ayaw na ayaw ko rin ang putik sa tuwing aambon pagkatapos ng matinding pagsikat ng araw. masakit sa balat, at masakit sa ulo.

naalala ko tuloy sa tuwing aabutan kami ni ian ng ambot o ulan kahit may araw pa. maglalabas siya ng payong at ipipilit na magkasya sa ilalim ng payong na may iba’t ibang kulay. sabay kaming lalakad, kaliwa-kanan-kaliwa-kanan, at magkahawak-kamay (hindi puwedeng makalimutan). tiyaka niya sasabihin, “may kinakasal na tikbalang”, sabay tatawa. ang pinakahuli kong naaalala, ang sabi niya ay, “may kinakasal na kapre.” tumawa rin siya noon ngunit higit akong natawa. humihigpit tuloy ang hawak ko sa kanyang kamay.

sa tuwing kami ay naglalakad, pakiramdam ko ay ang guwapo ko. madalas ko rin sabihin sa kanya ‘to pero hindi ko pa yata nasabi kung bakit. paano naman, sa tuwing maglalakad kami ay nagtitinginan ang mga tao. sinusundan kami ng tingin, ulo hanggang paa. at hindi, hindi ako masaya. buwisit na buwisit ako sa tuwing may tumititig sa amin kaya’t madalas ay ginagantihan ko ng titig ko bubulungan ko ng pa-gagong mga words of wisdom. nakababastos naman kasi. isa rin pala ito sa dahilan kung bakit gusto ko magkaroon ng sariling sasakyan.

mahirap gumising ng umaga para lang pumila sa mahabang linya ng mga pasahero, magbayad, at isiksik ang puwet sa mga taong may malalaking bayag (ito pala ang tawag ko sa mga lalaking kung umupo sa mga dyip at bus ay hindi nagsasara ng mga hita, kung umasta ay kala mo kalaki ng itlog). mahirap magkasakit sa tuwing aabutan ng ulan, at baha. mahirap magdala ng maraming gamit dahil hindi maiwan sa kung saan at mahirap makauwi ng gabi kung ang aasahan lang ay dyip at bus.

oo, mahal ang gaas, pero mas mahal ang buhay at kaligtasan.

tulad nga ng nasabi ko kanina, marami akong pangarap at isa na rito ang magkaroon ng sasakyan, kumain sa sariling sasakyan kasama si ian, at mag-joyride kasama ang aming anak na si drew (letratista pala ako, ang kamera ko ay pinangalanan naming drew na ang ibigsabihin ay “eye” o “sight”. siya ang panganay namin ni ian).

at dahil letratista nga ko, hindi araw-araw ang proyekto kaya’t sa tuwing may pagkakataon, si ian ang ang modelo. kinontrata ko na siya, lifetime model ko siya at lifetime potograper niya ko. problema lang namin kung sino ang kukuha ng letrato sa aming kasal, ngunit tiyaka na namin proproblemahin iyon. ang mahalaga ay ang ngayon, ngayon muna. pinaghahandaan pa lang ang bukas.

model, fashion designer, interior, teacher, at marami pang iba. marami ring pangarap si ian, at alam ko ‘to. hindi ako si pichay, ngunit nais kong tulungan siyang tuparin ang kanyang mga pangarap. iisa-isahin namin, ngunit nang tanungin ko siya kung ano ang nais niya, ang sagot niya ay, “unahin muna natin si buknoy.”

inuulit ko, ito ay isang maliit na bahagi lamang ng buhay namin ni ian. oo nga pala, bago ko itikom ang aking bibig, may naalala lang ako na nais kong ikuwento. naalala ko noong tanungin ko siya muli kung ano ang nais niyang maging, hindi ko makalilimutan ang kanyang sagot. “maging mama” at tiyaka niya sinundan, “siyempre maging asawa mo.”

hindi ako nagpahalata, ngunit kinilig ako.

bakit pala ian? diane ang pangalan niya.

bakit buknoy? ako ang nagpangalan. beetle kasi siya.