5.18.2008

maraming nangyayari sa isang taon (anniversary special)

tinutupi ni miguel ang kanyang mga maninipis na damit nang biglang tumunog ang telepono. nagulat siya at agad napalingon. madilim ang paligid at alas-siyete na ng gabi, bilog ang buwan sa labas kung dudungaw at kalat-kalat ang mga bituin na tila mga basag na bubog na naghihintay na lang na tapakan.

kagabi ay tila giyera na walang sinumang nais bumalik. ang ingay na nakabibingi, sugat na nakamamatay, at mga pasabog na kahit anong iwas ay tatama at tatama pa rin. alam ni miguel na bihira lang ito mangyari tulad ng mga giyera sa totoong buhay. nakamamatay, oo, pero ‘pag ika’y nakaligtas ay ito’y maaari mong ipagmalaki habang buhay. at madalas kumpara sa minsan, mala-hardin na punung-puno ng mga puting rosas ang pakiramdam ang araw-araw. kaya ngayong gabi, handa na siyang linisin ang mga bubog na nagkalat, hawakan ng mahigpit at hayaang dumaloy sa kanyang mga kamao ang dugo.

si danielle ang tumawag. pauwi na raw siya at kumain na. nang sabihin niya ito’y mahina ang kanyang boses, tahimik din ang paligid kaya’t naging mabilis ang pag-uusap ng mag-asawa.

nakaupo lang sa sala si miguel at nakadekuwatro nang matapos ayusin ang mga gamit sa maleta, nakatitig sa puting pader na punung-puno ng mga sulat at letrato na kuha niya. ang tawag nila rito ay “freedom wall”. dito nila sinusulat ang mga kung anu-anong naiisip nila. dito nila idinidikit ang mga larawang hindi na kasya sa photo albums. naalala niya rati noong pinaplano pa lang nila ang pagpapatayo ng bahay, ang mga nais nilang disenyo at ayos ng bahay—ang freedom wall kung saan maaaring isulat ang lahat ng nais isulat, mini swimming pool sa loob ng c.r. dahil ayaw nilang maarawan, maliit na likod-bahay para makapaglaro, makapag-date, at makapagtayo ng tent, at kung papalarin ay may tree house pa, at marami pang iba. lahat ng ito ang nasa harap ni miguel, sabay-sabay na bumabalik sa kanya. tama, tama itong gagawin niya. kailangan. tuloy pa rin ang plano.

isinakay na niya ang mga maleta, pati na rin ang sleeping bag at tent, at sumakay na ng kotse. mula sa kanyang inuupuan, kitang kita ang puting pader ng kanilang bahay. si danielle na lang, sabi ng kanyang isip.

dumating si danielle suot ang kanyang paboritong damit at hikaw na bigay ko noong sopresahin siya minsan ni miguel. dala ang kanyang bag, sumilip siya sa kotse nang mapansing bukas ang ilaw nito.

“saan ka pupunta?”

tumango lang is miguel waring pinasasakay ang asawa. binuksan ni miguel ang pinto at sumakay nga si danielle. “bakit? saan ka pupunta?” muling tanong niya habang nakatitig sa manubela si miguel. pinaandar ni miguel ang makina at binuksan ang aircon.

********

nahihirapan nang huminga si danielle. nahihirapan na siyang mag-isip. “bakit? saan ka ba pupunta?”

“may nag-iimbita sa olongapo, beach.” sagot ni miguel habang patingin kay danielle. “sino?” gulat na tanong. walang maisip na tao na maaaring mag-imbita sa kanila si danielle.

“ako....” mabagal na sagot ni miguel habang pinapaatras na ang sasakyan.

walang kaalam-alam ang asawa. isa itong sorpresa. hindi siya handa, maging ang kanyang mga gamit. “teka, wala akong damit!” “naayos ko na pati gamit mo. nasa likod na ng sasakyan.” sagot muli ni miguel habang nakatingin sa kalsada at nagmamaneho na.

natahimik sandali ang dalawa. ang tunog na nanggagaling sa makina at aircon, at mga busina ng ibang mga kotse sa labas na lamang ang ingay na maririnig. mabilis ang takbo ng sasakyan kaya’t bihira na lang kumurap si miguel sa sobrang titig sa kalsada. bihira na lang lumingat, palibhasa’y gabi na at wala nang masyadong sasakyan. Inaantok na rin ang asawa sa kanyang tabi, ngunit pilit binubuka ang mga mata.

“hindi ka ba nabibigla lang?” ang bumasag na tanong sa nakabibinging tunog na iisa lang. napatingin asawa ngunit ibinalik din ang tingin sa kalsada, bahagyang bumagal ang sasakyan at ang pagdaan ng mga gusali sa tabi ng punong lansangan. “matagal-tagal na rin tayong hindi nakakaalis. gusto ko rin namang maging masaya tayo.” ngumiti ng bahagya si danielle, at dahan-dahang sumandal sa pamilyar na kanang balikat ng asawa. paborito niyang sandalan ang balikat ng asawa, dahil sakto ito. paborito rin ito ni miguel. bagaman hindi siya ngumiti, gumaan ang kanyang loob. nasasabik na sila.

********

mahimbing na nakatulog si danielle habang nakanganga pa ang bibig nang bahagya. namamanhid na ang balikat at namamawis ang kilikili ni miguel, at maya’t maya’y ginagalaw niya ito para makadaloy ang dugo kahit sandali. mahamog ang paligid. alas-kuwatro ng umaga nang makarating sila. nang maparada ang sasakyan, at saka lang si miguel nakapagpahinga. isinandal niya nang direto ang likod sa sandalan at ipinatong ang ulo sa ulo ng asawa. patay na ang aircon ngunit malamig pa rin. napapanatili ng hamog ang lamig sa loob ng kotse kaya’t dahan-dahan niyang ginalaw ang balikat, ngunit nagising din si danielle.

iginapang ni miguel ang mga kamay sa balikat ng asawa, at humigang muli.

********

nagulat si miguel sa hagikgikan ng mga batang naglalaro malapit sa kanilang sasakyan. nang lumingon siya upang sundan ng tingin ang mga bata ay napansin niyang maliwanag na sa labas. tumingin siya sa relo ni danielle, alas-otso na.

hindi siya nagsusuot ng relo, at hindi rin niya ugaling bumili ng mga damit na uso. basta’t sakto sa kanya’y ayos na, dagdag pang alaga na manggagaling sa kanyang asawa, sino ang makapagsasabing hindi siya masyadong nag-aayos? maasikaso ang kanyang mapagmahal na asawa, walang palyang plantsadong polo’t slacks, color coded na boxer shorts at brief, at handang baon araw-araw. wala nang mahihingi ang potograper na ‘to kaya’t sa tuwing may pagkakataon ay dadalhan niya ng maliliit na pasalubong tulad ng ice cream at bulaklak ang asawa, maliban sa bihirang pagluluto niya ng sunog na itlog at bacon sa umaga at mahihigpit na yakap bago pumasok at bago matulog.

bumangon na rin si danielle suot na inaantok na mga mata at magulong buhok. hinawakan niya ang kanyang mukha, pasuklay sa kanyang buhok na ang ilan ay nakaharang sa kanyang kanang mata. nakatitig na sa kanya noon si miguel habang nakasandal sa manubela ng sasakyan at may ngiti sa kanyang mukha.

“bakit?” tanong ni danielle habang nakakunot ang noo. “ay, nako!” pahabol niya.

“wala lang.” sagot naman niya, hindi pa rin tinatanggal ang ngiti. “gusto talaga ka kita ‘pag ganyan ka. bagong gising, inaantok, simple.”

simula pa rati ay ito na ang sinasabi niya. naalala ni danielle ang nakaraan.

********

bagong gising din noon si danielle, katabi niya si miguel sa kama. nakangiti. “gusto talaga kita ‘pag bagong gising ka, o kaya inaantok, ganoon.”

hindi niya maintindihan kung ano ang ibig sabihin ng boyfriend. siguro’y inaantok pa at hindi pumapasok ang mga pambobolang ito. siguro’y mas gusto lang talaga niya na simple ang hitsura ng girlfriend, wala kahit cheek tint o powder na pampapula ng pisngi.

minsan tinanong niya si miguel, “hindi ba ko maganda ‘pag naka-ayos?”

sumagot ng totoo si miguel palibhasa’y nasanay na, “maganda, pero mas gusto ko yung simple ka lang.” napangiti siya ng kaunti. “i love you.” sinundan ni miguel. tuluyan nang ngumiti ang kasintahan.

********

“pumunta ka rito ng lunch ha? ipagluluto kita. ubusin mo.” pabiro niyang sinabi. minsan lang hindi maaga si miguel, kaya’t hindi lumalamig ang bawat niluluto ni danielle.

“pjamie....” mahabang banggit ni miguel sa tawagan nilang magkasintahan nang makarating siya sa bahay nila. “tara, kain na tayo.” anyaya ni danielle.

noong una’y nahihiya pa si miguel lalo na’t noong bago pa lang naging sila. at sa hapag-kainan, pipiliin niya ang mga luto ng kasintahan, hindi dahil gusto niyang matuwa si danielle o kung anu pa man, kundi, gusto lang niya. masarap magluto si danielle at hindi nagsasawa rito si miguel.

noong minsan ay nilutuan siya ni danielle ng isang potahe at ipinauwi sa kanya. marami iyon na nakalagay sa isang malaking pyrex. dalawang araw niyang kinain ito, agahan, tanghalian, at hapunan. walang sawa, at nalungkot pa nang kainin niya ang huling subo nito.

********

umaga, hapon, at minsan hanggang gabi pa. tila hindi nagsasawa si miguel na kasama ang kasintahan. minsan ay pupuntahan niya ito ng umagang umaga upang maabutang tulog pa. minsan ay pupuntahan ng hapon para masabayan manood ng america’s next top model o kung anu mang palabas sa velvet. hindi ito mahalaga basta’t hindi siya nagsasawa. madalas nga lang ay namamanhid ang mga puwet ngunit hindi napapawi ng mga tahimik at mahihigpit na hawak, at minsa’y halakhak.

********

masarap tumawa si danielle, kung makikita ay tila kanyang huling halakhak na. kaya’t pagkatapos ng malakas na tawa ay madalas hinihingal. buti na lang at corny ang mga biro ni miguel.

kung minsan nama’y nakaka-jackpot din si miguel at nakabibira ng magandang biro. matatawa ng malakas si danielle. dagdagan pa ng mga kiliti ni miguel, buo nanaman ang araw nila.

********

“pjamie....” mabagal na sabi ni miguel na tila niyayaya ang asawa na lumabas na ng sasakyan at magpaaraw. “tara, labas na tayo.” laging ganito ang pag-uusap nila. Kung bobo ang makikinig, walang maiintindihan, palibhasa’y between the lines lagi.

nagsusuklay si danielle habang palingat-lingat sa bawat makitang may anino niya habang si miguel nama’y binubunot ang reservation ticket na binili niya isang linggo na ang nakaraan.

“ano ‘yan?” tanong ni danielle habang nakaturo sa hawak na ticket ni miguel.

“ticket, para sa reservation.” inosenteng sagot ng asawa habang inaabot sa receptionist ang hawak. nang mahawakan tuluyan ng receptionist, hinawakan ni miguel ang kaliwang pisngi ni danielle gamit ang kanan niya, ngumiti, “advance happy anniversary, dear.”

********

ang lahat ng ito, sabay-sabay na pumasok sa kanya. nawala sa isip niya ang gagawin. sa loob ng kotseng ito, kasama ang kanyang asawa, anu na nga ba uli ang kanyang gagawin? kinakabahan na siya. muli, bumibilis ang tibok ng kanyang dibdib. palakas nang palakas, nakabibingi, nakabibingi. hindi niya maisip ang dapat gawin.

“pjamie....” pilit niyang nilagyan ng lambing ang kanyang boses. mabagal niyang binanggit ang tawagan nila ng kanyang asawa na tila niyayaya na lumabas ng sasakyan, magpaaraw, at lumanghap ng sariwang hangin mula sa malawak na dagat.

nagsusuklay si danielle habang palingat-lingat sa bawat makitang may anino niya habang si miguel nama’y binubunot sa kanyang wallet na gawa sa balat ng ahas ang dalawang gift certificate.

“ano ‘yan?” tanong ni danielle habang nakaturo sa hawak na certificate ni miguel.

“gift certificate.binili ko ‘to last month pa, natakot kasi ako baka hindi magkasya yung pera na nalaan ko para rito.” inosenteng sagot ng asawa habang inaabot sa receptionist ang hawak. nang mahawakan tuluyan ng receptionist, hinawakan ni miguel ang kanang kamay ni danielle, at hinaplos ang kaliwang pisngi, ngumiti, “advance happy anniversary, dear.”