5.09.2008

lakad

ako na lang ang bahala. ako na lang ang bahala sa lahat. masagasaan kaya ako mamaya sa pagtawid, o malaglagan kaya ako ng malalaking falling debris sa pagdaan ko sa malaking building na ginagawa?

naglakad dala ang lahat liban sa aking wallet kasi gusto kong maglakad. Kahit masakit ang kaliwang paa ko dahil sa mahabang kuko na nakatusok sa laman, hindi ko inalintana. mataas ang araw kaya’t hindi pa kalayuan ay pawis na pawis na ko. dagdag pa rito ang itim na t-shirt na suot at tirit na araw.

masarap maglakad, nakapag-iisip ka. Naiisip mo ang mga bagay-bagay na kadalasan ay hindi umaabot sa kukote mo ‘pag nasa loob ka lang ng kotse o kuwarto. kaya siguro naimbento ang kasabihang hindi dapat huminto ang pag-aaral sa apat na sulok ng silid.

hindi ko dinala ang aking wallet dahil gusto kong maglakad. ayaw ko sumakay ng dyip o bus pa tulad ng dati. madalas kasi tuwing ako’y nabuburat, sumasakay akong dyip paputang hindi ko alam. minsan ay sinubukan kong sumakay ng bus at nakarating ako ng mall of asia, nahirapan akong umuwi. masaya, masaya maligaw.

alam mo kung bakit, kung bakit masarap pumunta sa hindi mo kabisado ang lugar? kung minsan kasi ay mas masarap hindi mag-isip. siguro mali ako sa iba ngunit para sa akin kasi, sa tuwing may dalawang daan na dapat pagpilian, mas madaling pumili kung pareho’y hindi mo alam kung saan patungo. tama ba ko?

masarap maglakad, hindi ba? siguro’y sakit lang ng katawan ang habol ko sa kagagguhang ito. siguro’y gusto ko lang mapawisan. siguro’y gusto ko lang na sa mga sweat glands lumabas ang mga maaalat na tubig kaysa sa mata. para ka rin kasing umiiyak ‘pag pinapawisan, pareho kang nawawalan ng tubig sa katawan, lakas at hinanakit.

pinili ko ang pinakamalayong daan patungong kung saan. umikot ako sa mga puwedeng diretsuhin naman. sa damuhan humakbang-hakbang imbes na sa semento. nararamdaman ko ang nature sa tuwing naglalakad ako. malakas na hangin na sumasampal sa aking mukha, matitigas na daliri, pawis na nagdudulot din ng lamig at kabag, makakapal na balat sa paa dahil sa tsinelas na pudpod. kulang na lang ay maghubad ako at tumakbo-takbo para maging tunay na malaya.

lintek, naiiyak ako, kailangan bilisan ang lakad.

minsan gusto kong umupo muna para magpahinga ngunit maaalala ko na maaalala ko lang ang mga malulungkot na alaala ‘pag ako’y huminto. Kung minsan, maaalala ko naman ang sabi ng couch sa basketball na bawal umupo pagkatapos ng sprinting.

pero iba ang usapan ‘pag may matagpuang magandang lugar, batis o kakaibang puno na hindi masasayang ang oras na titigan. sa paglalakas kasi nakikita ang mga maliliit na bagay na nabubuhay, na mayroon. kung nasa dyip ka kasi o kotse, kahit pa nakadungaw ka sa bintana ay hindi mo makikita ang mga maliliit na langgam na pila-pila, asong nagsasaboy ng binhi, bulaklak sa gilid ng semento na tila sumisigaw at humihingi ng tulong. nakikita mo ang mga maliliit na bagay na hindi mo inaasahang makikita. ito ang nagpapasaya sa buong paglalakbay—ang mga nakikita at natututunan.

nang makakita ako ng upuang semento na nakaharap sa malawag na damuhan, agad akong lumapit. pumikit ako ng matagal at inubos ang lahat ng iniisip. Pinilit bagalan ang hininga at nakinig.

lumalakas ang hampas ng hangin. uminit. narinig ko ang mga mahihinang huni ng ibon na marahil ay hindi abot ng mata. umupo ako sa damuhan malapit sa tabi ng upuang semento.

“kuya, kung puwede po kayong maabala ng sandali. kami po ay mga seminaristang galing antipolo. andito po kami kasi po kailangan....” sabi sa aking ng maitim na bata na halos ka-edad ko. hindi ko na napakinggan ang kanyang mga sinabi. umiling ako. wala akong dalang wallet.

naglabas siya ng ballpen na may kalendaryong 2009 at inialok sa akin. nangangailangan daw sila kahit kaunting donasyon lang, singkwenta pesos naman ang ballpeng kalendaryo.

tinanong ko siya, “ano’ng pangalan mo?”

“rene boy po ako.” sagot niya.

isinilid ko ang aking kamay sa kanang bulsa at kinapa. bumunot ako at iniabot ko sa kanya. “pasensiya ka na, seven pesos na lang mayroon ako.”

hindi ko pa naaabot ay nagpasalamat na siya. “salamat po.”

pawis na ang aking likod, kili-kili, maging ang singit. palubog na ang araw at mahangin pa rin kaya’t iumalagkit na ko. amoy araw. namamanhid na paa, at makakapal na balat dala ng maalikabok na hangin. bumigay pa rin ako.

tinawag ko si rene boy ay pinaupo ko.

“alam mo, masaya ko sa buhay ko kahit minsan....”

“...mahal ko talaga siya.”