5.27.2008

dahil madalas sa minsan, magulo ang buhay

pumara siya nang matanaw niya ang bus, agad siyang bumaba upang maabutan ang mabilis na papaalis na mini bus. nang maabutan niya ito, basa na ang kanyang likod at nag-uumpisa nang tumulo ang mga butil ng pawis sa kanyang mga pisngi at leeg. basa na rin ng kaunti ang kanyang likod, at siguradong mananatili itong basa ng pawis lalo na’t saktong walang maupuan at mukhang bara-bara magmaneho ang nagmamanehong drayber. pero naisip din niya, masuwerte na siya’t nakasakay siya agad dahil madalas kaysa sa minsan ay magpapabilad muna siya sa araw at mag-amoy araw bago dumating ang bus na kung maghintay ng pasahero ay tila may bayad ang pagtigil sa sakayan.

habang pilit niyang ikinakapit ang sarili sa may hawakan ng pinto habang patuloy sa pagtapak ng gaas at pihit ng maubela ng drayber, muling bumalik ang kanyang gutom nang marinig ang sumisigaw na tiyan. hindi siya nakapag-agahan dahil muli, bangus ang kanilang ulam. sa lahat ng uri ng isda, ang bangus pinaka-ayaw ni marcus. mahirap kainin sapagkat matinik, madalas ay prito at maalat, ganito lagi ang kuwento sa bahay nila. kung hindi pritong bangus ay pritong bangus, kaya’t madalas ay maagang umaalis si marcus upang bumili na lang ng tinapay sa kanto na nagtaas na rin, dalawang piso na ang isa, lumiit pa.

kolehiyo na si marcus at tuwing hapon ang kanyang pasok, ngunit maaga siyang lumuluwas ng bahay upang maabutan ang kanyang kasintahang umaga naman ang pasok. tanghalian lamang sila nakapagkikita, kakain, at si marcus naman ang papasok. mahirap kung iisipin ngunit madalas din sa bihira ay maaga siya at nakaabang na sa labas ng building ng kasintahan.

biglang tumapak ng preno ang drayber, bagaman nakakapit lumipad ang katawan ni marcus kasama ang bag na nakasabit sa kanyang balikat at tinamaan ang isang matandang nakaupo sa kanyang harap. “ay, sori po.” agad na paghingi ng tawad ni marcus nang lumingon ang matanda.

gusot-gusot na ang balat nito, at halos wala nang makikitang makinis na parte sa kanyang buong katawan. humigit-kumulang nasa edad ng lolo ni marcus kung buhay pa, mga higit sisenta anyos, pero nakapaglalakad pa ang matandang ale, may bitbit na isang malaking bayong at isang malaking bag na halatang hindi rin magaan, at sumasakay ng bus.

hindi na talaga biro ang buhay ngayon, mataas ang singil ng kuryente, pati bigas ay nagtataas halos linggo-linggo, ngayon ay pati pamasahe, pero ang kita, hindi lumalaki. wala nang naaawa sa panahon ngayon, pati ang mga matatandang pina-uupo sa bus ay bibihira na rin. wala nang nagbibigay ng trabaho sa matatanda, kahit pa dalawa sa anim niyang anak ay may kanser at wala na ang asawa.

kung minsan gusto nang sumuko ni aling reming, matanda na rin siya at marami-rami na ring nagawa sa mundong ito. pagod na rin siya, nais niyang magpahinga, magpunta sa mataas na lugar upang magpahangin at walang isipin kundi ang malakas na hangin na tumatama sa kanyang pagod na mukha. madalas sa minsan ay gusto na niyang sumuko sa milyun-milyong baril na nakatutok sa kanyang leeg—mahal na delata, bigas, pamasahe, kuryente, tubig, gamot....

pero hindi puwede. hindi pa maaaring sumuko dahil sa milyun-milyon ding responsibilidad na nakaatang sa kanyang balikat. anim ang kanyang anak at apat dito ay may sakit, ang dalawa ay may sayad, ang dalawa y may kanser, ang dalawa ay pilit niyang pinag-aaral kahit pahintu-hinto. tumutulong din sa kanyang ang mga anak ngunit magkano lang ba ang kinikita sa pagiging takatak-boys. kailangan nilang magtapos at sa gayon ay matulungan ang mga kapatid lalo na’t matanda na ina.

masaya naman ang buhay ni aling reming lalo na’t sa tuwing uuwi sa mula sa pagbebenta ng bangus sa palengke ay sasalubong sa kanyang ang mga anak. bumabalik ang kanyang lakas.

ibig kong iguhit ang mga ngiting nakikita sa lansangan, mga halakhak na sa tuwing mababasa ay pumipiyok. ibig kong makita ang mga tunay na kulay ng mundo, makita mula sa aking mga mata at walang nakatakip. ibig kong mawala ang lahat ng hindi natural, hindi normal. ibig kong maging malaya, tulad ng mga ibong hindi man lang kailangan ng kuryente’t iba pa, tulad ng mga tao noong unang panahong walang nais kundi ang pagkain at pagiging masaya. ibig kong tumira sa kuweba kung saan kahit ako’y magpinta ay walang makapagsasabing hindi ako isang artista.

nakaupo siya roon habang binabanggit ang mga nais niya sa makatang tono sa kanyang isip. habang hinahampas ng hangin ang mukha at tinutusok ng araw ang kanyang balat, siya’t nakapikit at pilit isinisigaw sa kanyang sarili ang mga nais—para sa kanya, at para sa mundo.

maya’t maya dinidilat niya ang mga mata upang makita ang mga batang nagtatakbuhan, naghuhugas ng mga salamin ng mga sasakyan, umaakyat ng dyip upang magpunas ng mga sapatos at paa, nag-raragbi, nag-raragbi....

napatitig siya sa batang nag-raragbi sa gilid ng building at poste ng kanto ng mayon. nakapikit pa ito habang humihinga ng malalim sa maliit na supot na may kulay dilaw sa ilalim. may katabi itong nakaabang naman sa kanya na tila naghihintay sa kanyang pagkakataon upang makarating ng langit at pansamantalang makalimot sa gutom at butas na sikmura. nang ipasa niya ang plastik sa katabi ay agad itong tumayo at kinuha ang mga paninda—takatakboy.

ibig kong bumalik sa panahong lahat ay madali, lahat ay simple. ibig kong maging malinaw sa akin ang mga nakikita at naririnig. ibig kong malaman ang mga dapat malaman at hindi basura. ibig kong ipakita mo sa akin ang tunay na mundo, ang tunay na mundo.

candice, siya nga pala si candice, isang rakistang laging napagkakamalang emo dahil sa mga makatang banat.

simple lang si candice at existentialist daw siya. ito ang lagi niyang sinasabi. wirdo kung bansagan ng iba, palibhasa’y kakaiba kung mag-isip. mayroon siyang sariling pananaw. kakaiba.

“para ho, sa kanto lang!” sigaw ng isang mama nang paparating sa kanto ng forbes. pangatlong sigaw na niya ito at hindi pa rin bumabagal ang bus. nang lumagpas, sumigaw siyang muli. sa pagkakataong ito, halos tatlong beses ang doble ng lakas ng boses. “tangina! sabing para e!”

nang bumaba siya at tuloy pa rin ang kanyang bunganga sa pagmumura. bitbit ang gitara at magkasalubong na kilay. pumatak ang malalaking butil ng ulan nang bigalaan. umulan.

sa bawat bagyo, sa pagtatapos nito ay bahaghari... madalas sa minsan, magulo talaga ang buhay.