4.18.2008

sa isang putok

*ang kwentong ito ay nagtataglay ng mga materyal na hindi angkop sa mga bata at isip-bata. kung sa inyong palagay ay mabibigla o maiinsulto kayo ng kwentong ito sa kahit anong paraan. paki-usap, huwag babasahin.



“sige na, isa lang.” bulong niya sa kanyang asawa na nakahilata rin sa kama at nanunuod na tv. pagkalipas ng halos limang minuto, “aah!” mahinang sigaw ni rowel habang nakatukod ang mga kamay sa kama at nakanganga.

kinuha ni mini ang remote control at inilipat ang channel habang naghahabol ng hininga si raul sa tabi niya. balot sila ng kumot na bahagyang mamasamasa at kuwartong nangangamoy lavender na galing sa maliit na insensong sinindihan ni mini bago siya maligo kanina. paroo’t parito rin ang usok na higit na nagpadilim sa paligid. ang ilaw na nanggagaling sa 52” surplus tv na naka-set sa mataas na contrast na lamang ang natatanging nagbibigay liwanag at ingay sa malaking na kuwarto.

********

“rowel, bumili ka nga ng gatas sa cherry at wala nang gatas si gerome. ibili mo na rin ako ng exfoliating soap, tiyaka foot scrub, ubos na kasi e.... tiyaka ahmmm.... wala na pala kong nail polish na light pink.” hindi pa natatapos ilabas ni rowel ang kanyang buntong hininga nang sundan ni mini, “light pink, yung may glitters ha?”

agad nang tumalikod si rowel at kinuha ang susi sa drawer. dala ang nakakunot na noo at maasim na mukha, nagmaneho siya patungong cherry.

kumatok si yaya mering sa kuwarto ni mini at binuksan ang pinto “ate, wala na po tayong toyo at bigas.” nakahiga sa kama si mini habang nanonood ng tv kasama si gerome noon. “bakit hindi mo sinabi kanina? kung kailan nag-grocery na si rowel tiyaka mo sasabihin na wala nang ganito ganyan!” pasigaw na sagot niya sa matanda.

ring! ring! “hello....hello, rowel.”

nilayo niya ng bahagya ang telepono sa tainga at tiyaka sumagot. “oh, bakit?”

“wala na raw din palang toyo tiyaka bigas sabi ni mering.”

********

nagkakamot habang naglalakad-lakad sa loob ng supermarket si rowel nang malagpasan niya ang light pink with glitters na nail polish ni mini. inabot siya ng halos isang oras para sa nail polish na hindi niya makita dahil kung hindi light pink ang kulay ay wala namang glitters. nang mapikon ay dumampot na lang ng navy blue without glitters na nail polish at dumiretso na sa counter kung saan card lang ang tinatanggap. mahaba ang pila. naiinip na siya.

lintek, wala pa ngang isang basket ‘tong bibilhin ko, e.

sa kanyang harapan, may apat na push-cart na punung-puno ng delata at instant noodles. ito na rin ang pinakamaikling pila na puwede ang card kaya’t hindi na rin option ang paglipat. kailangang maghintay. higit-kumulang apat na oras din siya sa supermarket.

hinding hindi ako mag-cacash. sayang kaya, ‘pag card, si mommy ang magbabayad, e.

********

magdadalawang taon na si gerome at nagsisimula nang maging malikot, ubos ng likod. palibhasa’y hindi hinihindian ng mga magulang sa tuwing iiyak at arteng iiyak, naging spoiled. namamalo, nangungurot, nangangagat, at kung minsan pa’y nananabunot sa tuwing hindi susundin ang gusto. ngunit dahil mataba at nag-iisang bata sa pamilya, mahal na mahal siya ng lola’t iba pa.

nabilhan siya ng sariling computer, nakapasyal sa iba’t ibang bansa, at ngayong incoming second year high school na siya, binilhan siya ng bagong sasakyan kahit student pa lang ang driver’s license.

naging pabaya si gerome sa pag-aaral nang mabarkada. palibhasa’y nag-iisang estudyante sa buong second year na may sasakyan, dumami ang kaibigan. alas kuwatro ang uwian ngunit alas onse na nakaka-uwi. madalas lasing at amoy yosi ang uniporme. at dahil puyat gabi-gabi, halos araw-araw din siyang late sa klase.

********

graduating na siya nang malaman niya sa kanyang kabarkada na buntis si sheryl. halos magunaw ang kanyang mundo. agad siyang tumawag sa telepono ni sheryl ngunit cannot be reached. wala ring sumasagot sa telepono nila sa bahay.

ilang linggo niyang hinayaan ang issue kahit pa hindi ito maalis sa kanyang isip. halos gabi-gabi niya itong napapanaginipan. Nanunuod siya ng tv nang nag-ring ang telepono ni gerome. Nag-bliblink. si sheryl. tahimik.

“hello? sheryl! ano na nangyari?” pagkasagot ni gerome ng telepono.

natahimik si gerome.

tumahimik ang paligid. maging ang tv ay nawalan ng boses.

paano ‘to? paano ko sasabihin? paano? sagutin mo ko! ano?

napipi si gerome, ngunit naririnig pa rin sa mahinang sigaw ni sheryl na paulit-ulit.

paano ‘to? paano ko sasabihin? paano? ano’ng gagawin ko? paano? paano! paano ‘to! sagutin mo ko!

magiging ama na siya.

paano ‘to?