nasasabik ako
sa bukas--
sa mga susunod na mga araw,
sa mga pagkakataong tulad ng...
kahit buong araw kong hawak ang kamay mo’y
hindi tayo magpapasma,
walang makapaghihiwalay.
gusto kong malaman at maranasan,
at nasasabik na ko. Lagi.
kabog ng dibdib
sa tuwing sasagi ‘to sa isip
hihilata sa kama at pipikit
hahayaang maglakabay ang imahinasyon.
sa kanyang pagbalik,
sa kanyang bawat pagbalik,
iba’t ibang and-they-live-happily-ever-after
ang bitbit.
titira tayo sa malapit sa burol,
may lawa at malawak na lupain.
dito, tahimik at simple ang buhay.
minsa’y napapadpad naman ang imahinasyon
sa matataas na gusali at masisikip na mga bahay.
soon, hawak mo pa rin ang aking kamay.
sasabihin mo sa’kin tuwing gabi
kung gaano kahaba ang araw mo,
kung paano mo tinapos ang lahat ng dapat,
at kung paano ka napasiya ng isang bata sa iyong sisid.
bubulungan mo ko
sa tonong naglalambing.
makikiliti ako.
sa umaga’y mauuna kong magising.
pikit, nakapulupot, at nakatalukbong pa ng kumot na puti.
mauuna kong tumayo at susubukang magluto ng agahan,
tsokolate at hindi kape, kung hindi ma’y
juice para sa buong araw na pagtuturo
upang hindi antukin sa cubicle.
tatagos sa puting kumot at maaamoy
ang katas ng bacon, minsan ay tocino,
ngunit hindi nawawala ang itlog.
didilat at ngingiti. hihikab.
kahit saan pa tayo matira,
hindi ito nawawala
sa listahan ng imahisnasyon kong
mahilig maglakbay.
kabog ng dibdib
sa tuwing ika’y biglang tatawag
o magsasabi ng
“may sasabihin ako sa’yo.”
imahinasyo’y muling maglalakbay,
pakaliwa’t pakanan—
hindi matitigil
hanggang ika’y maka-uwi
at magsumbong.
makikinig at ididikit ang pisngi
sa aking dibdib.
“ikaw talaga comfort zone ko.”
muli mong ibubulong
habang pinakikinggan ang aking pusong
dahan-daha’y bumabagal ang tibok.
tuwing linggo
kung kailan pinipilit kitang huwag humawak
ng libro’t record book,
at kung kailan wala ako sa opisina
at “rest” day,
yayain kitang kumain sa labas
o kung minsa’y sosorpresahin
ng kung anu-anong
sigurado kong hindi mo mahuhulaan.
“huwag na, mahal.” tatanggi sa aking alok.
“sige na, minsan lang naman.” bawi ko.
kukunin ko ang kaliwang kamay
at pipisilin ang palad.
ngingiti at sabay sasabihing, “tara.”
magpapadala ka. tatawa ako.
kabog ng dibdib
sa tuwing maiisip na ang ginagawa natin ngayon
ay gagawin pa natin hanggang bukas—
sa mga susunod na mga araw,
sa mga pagkakataong tulad ng...
kahit buong araw kong hawak ang kamay mo’y
hindi tayo magpapasma,
walang makapaghihiwalay.
walang sawa.
tatawa tayo
nang tila tayo nagliligawan pa.
hahalakhalak sa mga birong
tayo lang ang nakaiintindi.
maglalakad, o madalas ay tatakbo,
kahit walang hinahabol o pupuntahan.
magsasayaw sa walang tono
at walang bilang na pakaliwa’t pakanan.
kakanta sa hulang tono
at madadala
sa akingmali-mali kong lyrics.
manonood ng mga pelikula,
at sabay na kikiligin at luluha,
at aalalahanin ang sariling kuwento natin.
dadalhan ng rosas,
kung minsa’y tatlo, kung minsa’y dose-dosena
kung may extra.
“i love you, pjam.” ibubulong ko sa iyong tainga.
hihiga ka sa aking dibdib.
ipupulupot ko ang kamay
sa iyong tiyan, hahawakan ang isang kamay.
“i love you.” mahina mong sasabihin
sa aking pusong bumabagal
na ang tibok.
pipikit ka, at makakatulog.
gagalaw ang doorknob,
bubukas nang dahan-dahan
ang pinto ng silid
at papasok ang isang mama
na may labi at mata ng kanyang ina.
pamilyar ang ilong at kilay.
“pa, andiyan si junjun sa baba.”
sabi ng mamang ito sa’kin.
“apo ko, i-akyat mo si junjun.”
sagot ko sa kanya.
pagkabalik ng mama,
bitbit na niya si junjun,
ang apo ko, namin.
inilapag siya sa kama.
kahel ang kulay ng araw
na bahagyang pumapasok
sa silid.
hinaplos niya ang ilong mo.
nagulat ka at nagising,
“junjun....”
agad kang bumangon
at tinuloy, “a-ma, popo.”
itinaas niya ang kanyang mga braso
habang nakangiti.
“ma, happy birthday.”
narinig ko nang lumapit ang mama.


0 comments:
Post a Comment