4.05.2008

ang stress reliever nila, sana mamana ko

pagkapalo ng malaking kamay sa numerong dose, nakahanda na ang kanyang gamit, naka-zipper na ang kanyang bag at pinapasma na ang kanyang mga kamay. handa na siyang umalis ngunit wala pa ang senyas ng matanda—iisanin ang kuwartong maghapong nagbigay sakit-ulo sa kanya, piniga at inubos ang lakas at braincells. agad siyang lumabas nang marinig ang senyas ng matanda, halos anim na minuto sa pagkakataong ito bulong niya sa sarili niya, “anim na minutong late naman ngayon, ano bukas, pito? walo? lintek….”

“lintek naman oh…. Trapik nanaman.” bulong nanaman niya sa kanyang sarili nang biglang napatapak ang drayber ng dyip sa preno. kamuntikan na siyang mabangga, palibhasa’y napakalakas ng rap na tugtog at maliit ang windshield ng dyip. nag-vibrate ang kanyang telepono sa loob ng matabang backpack, muli niyang binuksan ang zipper at sinilip kung sino. sinagot niya,“oh? bakit?”

halos na siya napansin ng kanyang mga kasama dahil sa bilis niyang paglabas. nang hanapin at tawagan siya ng isa niyang kasamahan, malayu-layo na siya. nais magyayang uminom ng kasama niya, ngunit tila nahuli nanaman yata siya sa pag-imbita. “i am a very busy person, man. kung may lakad, tell me asap so i can schedule an hour or two for you!” biro niya isang beses nang tanungin siya kung bakit lagi siyang nagmamadali.

kumukuyakuyakoy ang paa, pagpapawis ang magkabilang kamay, lalong nangungusot ang “gusot mayamang” polo niya sa paghihintay ng stoplight. palingat-lingat ang kanyang mga mata at pilit na lang na nililibang ang sarili sa nakikita sa labas—mga batang nagpupunas ng mga windshield, mga nanay na nagpapadede ng kanilang mga anak sa mga bangketa, mga batang idinidikit ang mga mukha sa salamin ng mga sasakyan na hindi inaalintana ang init ng panahon, mga “tatay” na nagbebenta ng mani, kendi, at yosi na halos hindi na nakakaupo maghapon.

nang buksan niyang muli ang zipper ng bag at silipin ang oras, halos sampung minuto na silang hindi umuusad. sampung minute na halos sampung taon na sa kanya. sampung minute na katunayan ay lilimang minute pa lang. ganoon siya, ganoon ang kanyang pakiramdam sa tuwing siya ay uuwi.

binuksan niya ang pinto ng bahagya at sumilip sa maliit na pagitan, ngunit wala siyang nakita kaya’t pumasok na siya. umupo siya sa kama nang dahan-dahan at inilapag ang matabang bag na halos wala namang laman kundi filler at mga papel na photocopy.

1. hinubad niya ang polong gusot na gusot sa buong araw na paghihirap. madalas niyang sabihin sa sarili, “kung gaano kagusot ang polo ko, ganoon ako kapagod….” nakatatawa pero totoo. noong nakaraang buwan, gusot na gusot ang kanyang polo, basa ng pawis ang magkabilang manggas at kuwelyo, at halos hindi na rin maipinta ang kanyang mukha. noong araw din na iyon, “sinuwerte” siya at nakaupo sa harap ng dyip. palibhasa’y paborito, naginhawaan naman siya dulot na rin ng malakas na hangin kahit pa makapal. okey na sana nang magsindi ng yosi ang katabi.

tinaggal niyang isa-isa ang bawat botones, binabagalan, pilit binabagalan, dahil umaasa siyang may magtatanggal ng polo niya para sa kanya. Pagod siya, nais niya ng lambing.

2. hinubad niya ang polong gusot na gusot sa buong araw na paghihirap. madalas niyang sabihin sa sarili, “kung gaano kagusot ang polo ko, ganoon ako kapagod….” nakatatawa pero totoo, ganito talaga siya—mahilig sa paniniwala, kakaiba kung mag-isip, kakaiba kung maiintindihan. Nang magising ang asawa, sabug-sabog pa ang hitsura at masarap kuhanan ng retrato, tinitigan niya siya waring nakita ang mahal nang kauna-unahang beses.

“kanina ka pa?” tanong ng kanyang asawa gamit ang inaantok na boses. sasagot naman siya, “hindi naman.” hihingi ng yakap kanyang asawa at mabilis siyang tutugon. hahalik sa noo, kung minsan ay sa labi at hahayaang ang asawa na lang ang magtanggal ng polong pagod.

“dito ka.” mahinang sabi ng kanyang asawa na halos bulong na at hindi na marinig, ngunit dahil tila automatic ang lahat ay automatic na rin ang susunod na gagawin, habang nakaturo sa kanyang tabi. lalapit pang kaunti at hihiga sa kanyang tabi. hahagkan ang asawang galing sa malalim na pagkakahimbing, galing rin sa bistidang gusot at pagod. hahalik at noo, kung minsan ay sa labi, sabay ngingiti ng bahagya upang hindi mahalata.

“ito ang stress reliever na hindi mabili kahit sa pinakamagandang botika sa labas. ito ang wala ang nakararami. hindi automatic ang lahat, hindi espesyal ang lahat, hindi wala lang ang lahat, totoo lahat.” sinundan ni junjun “ito ang mayroon ang papa at mama.” at tinapos niya. binaba niya ang kanyang ulo at nag-bow. bumaba siya ng entablado. nagpalakpakan ang kanyang mga kaklase. naluluha ang kanyang guro, pati na rin ang ibang mga magulang. naroroon kami sa gitna ng auditorium, sa gitna ng halos dalawang daan na magulang at kamag-anak, at tuwang tuwa. malaki na nga talaga si junjun.

tumatakbo siya papunta sa kung saan nasaan kami. tumayo ko, iniunat ang kaliwang kamay sa kanyang direksyon. agad siyang tumigil. tumayo ng diretso. pipindutin ko na ang shutter nang makita ko ang kanyang hitsura, ibinaba ko ang kamera. ngumiti ako sa kanya. tumayo ang kanyang mama. ngumiti.

kinakabahan siya, ang mga maliliit na butil ng tubig sa gilid ng kanyang mga mata ang sumisimbolo noon. kitang-kita namin. alam namin. nang makita niya kaming nakangiti, bahagya na rin siyang ngumiti. tiyaka ko siya kinuhanan ng retrato.

hindi siya nanalo, ngunit nakasabit ang kanyang retrato sa malapad na puting dingding namin sa bahay malapit sa hapag-kainan. alam ko, mapupuno rin ‘yan.