3.15.2008

ako, ako, at ang hindi ako

hindi ko alam kung dapat ba kong matuwa, o mainis, o mahiya sa pagiging “ako”. hindi ako perpekto, hindi rin ako malapit doon, pero ang nakakatuwa, o nakakahiya, ay may mga tao pa ring naniniwala at nagmamahal sa’kin.

ilang beses na rin akong nasabihan ng mabubuting bagay. minsan, sasabihin nila kung gaano ako kahalaga sa buhay nila, kung gaano ako nakatulong, gaano ako kamahal, gaano ako tinitingala. oo, nararamdaman ko ang mga ito, pero, karapat-dapat ba ko sa mga papuri’t parangal? itong mga pagtrato nila sa’kin, may itinanim ba ko noon at umaani ako ng ganito karaming kabutihan?

hindi ko alam; hindi ko talaga alam. hindi, siguro. nakatutuwa sanang isipin, ngunit, hindi talaga.

kilala ko ang sarili ko at alam ko ang aking mga nagawa at hindi ginawa. alam ko ang kaya ko at alam ko ang mga bitak at lubak ng buong ako. hindi ako magaling makipag-usap sa mga tao, hindi ako sumusubok ng mga bagay na wala sa aking interes, namimili ako ng mga taong gusto kong kausapin at kuwentuhan, sinasabi ko ang mga saloobin ko sa tuwing nasasagasaan ang aking mga maliliit ngunit matitigas na prinsipyo. hindi ako masipag, hindi ko sinusubukan ang mga bagay na alam kong hindi ko matututunan o magugustuhan kailanman liban sa mga pagkakataong pilitin ako ng mga taong mahalaga sa’kin. sa makatuwid, marami akong biyak. marami akong mga lamat na malalaki at malalalim. marami sila ay binalik lamang ako upang magmukhang taong muli, ngunit, malapit nanaman itong gumuho. pira-piraso.

kapag ang paso, nabasag, kahit pa gamitan ng pinakamadikit na glue o kanin ay hindi na maibabalik sa dating anyo. mananatili ang mga lamat, may mga parting hindi na mahahanap, may mga madudurog ng pinong-pino. kulang-kulang. hindi na makahawak ng lupa ng maayos; bibigay ang isang parte ng katawan kong paso, aagos ang maraming lupa, mababawasan, masasayang.

tulad ng papel na nilukot at pinunit, hindi na mabubuong muli. mananatili itong sira at pira-piraso magpakailanman. pare-pareho lang itong lahat. basag. punit. may mantsang damit. lubak-lubak, na kahit aspaltohin ay hindi na maibabalik pa.

mahirap mabuhay nang hindi iniisip o inaalala ang nararamdaman. mahirap magpatuloy lalo na’t kung sa bawat araw na nagdaraan ay nadadagdagan ang iyong mga pasanin, mga utang na loob sa mga tao. uutang, ngunit dahil basag ang katawang paso ay muling masasayang ang mga lupa, mababawasang muli ang parte ng “ikaw.” dahan-dahan, unti-unti, hanggang maubos ang lupa at “ikaw”. hindi maglalaon ay bibigay din ng tuluyan ang paso, o pagkatao ko, at hindi ko na maaaring maipasan ang mga lupa na labis ang dami at bigat. sa pagdating ng panahon na yon, maaaring ubos na rin ang lupang maipapautang sa’kin.

buhay, ito ang buhay ng tao. pagtitiwala, ito ang pagtitiwala ng tao. pasensiya, ito ang pasensiya ng tao. una, mababasag. pilit aayusin muli. isa-isang bibigay hanggang sa mawalan na ng halaga. itatapon na lang. pataba sa mga halaman.

matuwa? dahil kahit papaano ay mukha pa rin akong paso pagkatapos ng lahat.

mainis? mahiya? dahil hindi ko maiwasang makasayang ng lupa sa tuwing bibigay ang ilang parte ng “ako”.