3.15.2008

ako, ako, at ang hindi ako

hindi ko alam kung dapat ba kong matuwa, o mainis, o mahiya sa pagiging “ako”. hindi ako perpekto, hindi rin ako malapit doon, pero ang nakakatuwa, o nakakahiya, ay may mga tao pa ring naniniwala at nagmamahal sa’kin.

ilang beses na rin akong nasabihan ng mabubuting bagay. minsan, sasabihin nila kung gaano ako kahalaga sa buhay nila, kung gaano ako nakatulong, gaano ako kamahal, gaano ako tinitingala. oo, nararamdaman ko ang mga ito, pero, karapat-dapat ba ko sa mga papuri’t parangal? itong mga pagtrato nila sa’kin, may itinanim ba ko noon at umaani ako ng ganito karaming kabutihan?

hindi ko alam; hindi ko talaga alam. hindi, siguro. nakatutuwa sanang isipin, ngunit, hindi talaga.

kilala ko ang sarili ko at alam ko ang aking mga nagawa at hindi ginawa. alam ko ang kaya ko at alam ko ang mga bitak at lubak ng buong ako. hindi ako magaling makipag-usap sa mga tao, hindi ako sumusubok ng mga bagay na wala sa aking interes, namimili ako ng mga taong gusto kong kausapin at kuwentuhan, sinasabi ko ang mga saloobin ko sa tuwing nasasagasaan ang aking mga maliliit ngunit matitigas na prinsipyo. hindi ako masipag, hindi ko sinusubukan ang mga bagay na alam kong hindi ko matututunan o magugustuhan kailanman liban sa mga pagkakataong pilitin ako ng mga taong mahalaga sa’kin. sa makatuwid, marami akong biyak. marami akong mga lamat na malalaki at malalalim. marami sila ay binalik lamang ako upang magmukhang taong muli, ngunit, malapit nanaman itong gumuho. pira-piraso.

kapag ang paso, nabasag, kahit pa gamitan ng pinakamadikit na glue o kanin ay hindi na maibabalik sa dating anyo. mananatili ang mga lamat, may mga parting hindi na mahahanap, may mga madudurog ng pinong-pino. kulang-kulang. hindi na makahawak ng lupa ng maayos; bibigay ang isang parte ng katawan kong paso, aagos ang maraming lupa, mababawasan, masasayang.

tulad ng papel na nilukot at pinunit, hindi na mabubuong muli. mananatili itong sira at pira-piraso magpakailanman. pare-pareho lang itong lahat. basag. punit. may mantsang damit. lubak-lubak, na kahit aspaltohin ay hindi na maibabalik pa.

mahirap mabuhay nang hindi iniisip o inaalala ang nararamdaman. mahirap magpatuloy lalo na’t kung sa bawat araw na nagdaraan ay nadadagdagan ang iyong mga pasanin, mga utang na loob sa mga tao. uutang, ngunit dahil basag ang katawang paso ay muling masasayang ang mga lupa, mababawasang muli ang parte ng “ikaw.” dahan-dahan, unti-unti, hanggang maubos ang lupa at “ikaw”. hindi maglalaon ay bibigay din ng tuluyan ang paso, o pagkatao ko, at hindi ko na maaaring maipasan ang mga lupa na labis ang dami at bigat. sa pagdating ng panahon na yon, maaaring ubos na rin ang lupang maipapautang sa’kin.

buhay, ito ang buhay ng tao. pagtitiwala, ito ang pagtitiwala ng tao. pasensiya, ito ang pasensiya ng tao. una, mababasag. pilit aayusin muli. isa-isang bibigay hanggang sa mawalan na ng halaga. itatapon na lang. pataba sa mga halaman.

matuwa? dahil kahit papaano ay mukha pa rin akong paso pagkatapos ng lahat.

mainis? mahiya? dahil hindi ko maiwasang makasayang ng lupa sa tuwing bibigay ang ilang parte ng “ako”.

3.13.2008

gentleman, mayroon pa ba?

*ang kwentong ito ay nagtataglay ng mga materyal na hindi angkop sa mga bata at isip-bata. kung sa inyong palagay ay mabibigla o maiinsulto kayo ng kwentong ito sa kahit anong paraan. paki-usap, huwag babasahin.

kailan ba masasabing gentleman ang isang lalake? buong buhay mang pagnilay-nilayan ay hindi matatapos ang debate. may magsasabing ang pagbubukas ng pinto, pagpapaupo, pagsasabi ng “opo”, maging ang pagrespesto sa mga kababaihan ay ang mga ilang pagpapatunay na gentleman ang nilalang na ito na may lawit. mayroon din namang magsasabi na bibihira na lang ang mga gentleman sa panahon ngayon dahil sa masyadong maraming kailangan o requirement. mahirap bang maging gentleman?

respeto, o paggalang. tulad ng freedom o kalayaan, hindi ito absolute. tulad ng lahat ng bagay, may hangganan. napupuno ang dram kapag buong araw nakabukas ang gripo. namumula at nangingitim ang puwet ng kaldero kapag uminit na at napikon. hindi absolute ang respeto, may hangganan.

kung ang lahat ng kababaihan ay karapat-dapat tumanggap ng respeto, ubos na ang kalalakihan ngayon. kung ang lahat kababaihan ay karapat-dapat tumanggap ng respeto, puwes, nararapat ding makatanggap ng karampatang respeto ang mga lalake.

hindi masamang pagbuksan ng pinto ang mga babae, paupuin sa bus o tren lalo na’t kung buntis o matandang maraming dala o nanay na may hawak na sanggol, hindi. katunayan, nararapat ito. pribilehiyo nila ito dahil sila ang nagprotekta sa’tin ng siyam na buwan, naghirap at dinugo. hindi ang mga lalake, hindi, ngunit sa kasamaang palad, ang pribilehiyo ay naaabuso kung minsan.

walang absolute sa mundo, maging ang pag-iisip ay may hangganan na rin. limitado, gwardyado. hindi ka na maaaring mag-isip ng malaya, magsulat at gawin ang nais ng malaya. malaya. freedom. muli, may hangganan.

ang pag-aabuso ay may kaparusahan. niririspeto ang mga kababaihan ngunit bilang sa kanila ang karapatdapat. maraming umaabuso, maraming lumalagpas sa linya; ang linya ng hangganan.

ang mga kababaihang battered, alam mo ba ang buong kuwento ng buhay nila? narinig o nakita mo ba ang buong pangyayari? kung ang mga kababaihan ay naghahanap ng respeto sa iba, naghahanap din ng respeto ang mga lalake. hindi lang pride ang mahalaga, at kung pride man, may pride din ang mga babae. pantay ang lahat ng bagay. it is just a game of chances; parang “sa pula at sa puti” lang.

paano ba yan, may gentleman pa ba? wala. wala naman talaga.

bakit? pantay-pantay ang tao nang nilikha. fifty-fifty ang chance sa lahat ng bagay; kasama na rito ang pagiging lalake at babae noong hinanap ng sperm ang egg cell. fifty-fifty.