2.13.2008

araw

paparating na siya, alam ko. nagliliparan na ang mga dahon at alikabok patungo sa aking kinatatayuan, nararamdaman ko na rin ang kakaibang amoy niya, maging ang padura-durang ulan ay sumasampal na rin sa aking mukha, nakahanda na ko. dito, ako’y tatayo. hindi ako patitinag, hindi ako aalis, kahit gaano pa siya kalakas. masasaktan, masusugatan, magtitiis. malakas man siya ngayon, alam ko, mauubos din ang hangin at ulan. aaraw din. hihilom din ang mga sugat.

mabuti na lang at hindi nagtatagal ang bagyo. matagal na ang isang linggo. isang bagsakan at tatahan din ang mga iyak at hagulgol. alam ko, pagkatapos ay muling lalabas ang tunay—ang natural, ang normal, ang nakasanayan—araw. Ilalatag niya ang kanyang bahaghari na magbibigay ngiti sa mga tao, maging ang mga nasalanta at lubog sa baha.

alam ko. nariyan siya. mainit. dilaw. siya, ang tunay na siya. siya na maaasahan, na nagbibigay ng lakas sa lahat ng may mata. alam ko, umiikot ang mundo kapag siya, ang tunay na siya, ang nariyan. nawawala ang iba. siya ang nag-iisa. bida.