1.20.2008

maliliit na bagay

nakasunod sa kanila ang mamang nakasuot ng sumbrero. madilim, lagpas alas diyes na ng gabi, kakaunti lang ang ilaw sa paligid, walang tao maliban sa kanilang tatlo.

kaarawan ni charles noon, nagpaparti siya at nagpakain sa bahay nila. tila reunion ang nangyari, karamihan ay magkakakilala at magkakaklase noong sila’y nasa high school pa. pansit, pritong manok, lechong kawali, beef steak, fried rice na luto ng kasintahan ni charles, at bote-boteng coke at beer. maramihan ay kaliwa’t kanan ang tawanan at kwentuhan, ang iba’y halos hindi na nagsasalita sa kakasubo at kakatayo upang kumuhang muli ng beef steak at fried rice, at ang iba nama’y beer ang inupakan. nag-umpisa ng alas siyete, ngunit dahil mga alas otso at alas nuwebe na nagsidatingan ang mga tao, halos umaga na natapos ang kainan at kwentuhan.

noong gabing iyon, maaga-aga umalis sina jon at dae. wala pang alas onse ay nagpaalam na sila upang hindi gabihin. madilim din kasi sa paligid ng bahay ni charles dahil nasa bandang looban. walang dumaraang traysikel kaya’t napilitan ang dalawa na maglakad na lamang, tutal ay hindi na rin kalayuan ang sakayan ng dyip roon. magkahawak sila ng kamay habang naglalakad sa bangketa. maya’t maya’y tinitingnan ni jon si dae; naghahanap ng kahit kaunting kunot sa noo o pawis o buntong hininga. madalas niyang gawin ito; madalas niyang titigan si dae na ikinaiilang naman nito. madalas, tititigan lang niya ang kasintahan, minsan sa mata, kilay, sa labi at mga pisngi, paikot-ikot, na tila minememorya ang bawat detalye. madalas din, dahil sa nakaugaliang gawaing ito ni jon, ito rin ang nagiging dahilan kaya’t nagkakaroong ng kunot sa pagitan ng mga kilay ni dae. ngunit noong gabing iyon, hindi kunot o pawis ang napansin ni jon.

nang sulyapin niya si dae, hindi mata o labi ang kanyang napansin, kundi ang taong nakasunod sa kanila.

nakapula at nakasumbrero ang mama. nakatsinelas siya at tahimik ang pagtapak sa aspaltong nilalakaran. diretso ang paglalakad, at tila pabilis ng pabilis ang lakad. sa kaliwang kamay ay may hawak na kung ano na hindi makitang mabuti ni jon.

hinigpitan niya ang hawak sa kamay ni dae; ipinulupot ang braso sa kanyang braso.

dahan-dahang lumingon ng pakaliwa’t pakanan si jon upang hindi siya mahalata, ngunit dahil madilim, hindi pa rin niya nakita ang hawak ng mama. ang napansin lamang niya, bumibilis ang paglakad ng mama... sa direksyon nila.

inilipat niya si dae sa kanan niyang kamay upang mapunta sa bandang loob ng bangketa. ugali kasi ni dae ang maglakad sa labas ng bangketa, sumakay sa dulo ng dyip, dahil mahangin. at muli, ipinulupot niya ang braso sa kanyang braso.

papalapit na ang mama.

papalapit na ang mamang nakasumbrero sa kanila. lumabas ng bangketa ang mama at lalong binilisan ang paglalakad. nang pumantay siya sa hilera nila jon at dae, tumingin siya.

tumitig siya ng sandali at binalik ang paningin sa daan hanggang sa lumagpas siya sa kanila.

isang supot ng chicharon ang hawak niya.

nang makarating sila sa kanto, pumara ng taxi si jon. si dae ang nasa may pinto, at yakap siya ni jon.