1.26.2008

baygon

hindi ko man lang nasabi sa kanya kung gaano siya kahalaga sa'kin, kung gaano ako kasaya sa tuwing tatakas kami 'pag hating gabi na para lang maglakad-lakad.

malamig kasi tuwing gabi. madilim. bibihira lang ang may makakita sa amin. noong minsan, hindi ko na matandaan kung kailan, may nakahuli sa'min. hinabol kami ng tsinelas. halos mapalo na kami, buti na lang at sanay si ben. sinala niya ko sa kanto ng lugar na 'yon. doon, hindi na kami inabutan. nakapagtago kami ng maayos. ilang minuto lang at lumabas din kami.

naalala ko noong tinangka naming buksan ang lalagyan ng kayamanan ni nay corazon. napakabigat noon at napakalaki rin. gawa sa kahoy at punung-puno ito. may mga chippy at juice, noodles at kung anu-ano. naalala ko noong panahong iyon, tinanong ko pa siya noon, si ben. "bakit ang daming pagkain ni nay corazon? mauubos ba nila 'to lahat?" tanong ko pa noon. hindi ako sinagot ni ben.

walang anak sina nay corazon at manong jener. baog yata si mang jener. ang sabi-sabi kasi ng mga tsismosa sa kabila, nakulam daw ito dahil nanloko ng bading noong siya'y batabata pa. si nay corazon nama'y nadasalan na ang halos lahat ng simbahan sa lupa. ngunit noon pa iyon. ngayon ay hindi na nila ito pinag-uusapan, o napag-uusapan. naalala ko lang na nabanggit ito ni ben isang beses na ipinambibili na lang daw nila ng mga pagkain at kung anu-ano ang mga naiipong pera dahil hindi naman na raw sila magkakaanak.

ang sabi pa nga ni ben noon, dati ay maraming nasasayang na pagkain, ngunit hindi naglaon, natutunan na ng mag-asawa na kumain ng marami. at, nasanay din sila. nauubos na nila ito.

kaya kami nakikiagaw ng pagkain. noon, sagana sa pagkain ang lahat, ngunit nagbago na ang mga bagay-bagay. marami ng nagbago, isa na roon sina corazon at jener!

********

nakatayo si badong sa harap ng kababayan, ng lahat. nakataas ang dalawang kamay, may hawak na patalim ang dalawa pang kamay, nakabulsa ang dalawa pang kamay, at matigas na nakatirik ang mga paa sa sahig na malamig--marmol.

walang nais sumunod sa nais niyang mangyari. marami na ang namatay at pinatay, ang pinakahuli na nga ay si ben. nais mang ipaglaban ni badong ang kaibigan, walang handang tumulong. lahat ay takot, bulag.

nagpasyang tumuloy si badong, mayroon mang kasama o wala.

********

walang sumunod sa kanya. mag-isa niyang binalikan ang nakatihayang katawan ni ben na nakalapat sa marmol. walang dugo. walang dumi. walang bahid ng karahasan.

nais niyang malaman kung paano namatay si ben, kung bakit siya pinatay.

"may epidemya roon, 'wag ka nang tumuloy!" sigaw ni bebang, ang kapitbahay nila.
"huwag ka nang tumuloy, mapapahamak ka rin!" sigaw naman ng isa pang kapitbahay.

ipaglalaban kita ben. para sa'yo ito. kaibigan, patawad....

********

noong gabing iyon, niyaya siya ni ben na muling kumuha ng pagkain sa lalagyan ni nay corazon. "kakapamili lang ni nay corazon ng pagkain, marami ngayon doon!" bulong ni ben sa labas ng bahay ni badong. masakit ang ulo ni badong kaya't nagtulug-tulugan siya. nakailang tawag din si ben. nang magsawa, pumunta siya roon mag-isa.

badong, babawi na lang ako....

********

babawi na lang ako... sa ganitong paraan. patawad....


tumihaya rin siya at humiga tulad ng pwesto ni ben at ng iba pang napatay. pinigilan ang lahat ng galaw na maaaring magawa. pati hinga ay ginawang dahan-dahan. pinilit niyang makatulog upang magmukhang totoo.

tttttsssssssssssssssssskkkkkkk! ttttsssssssssssssssssssssssssssskkkkkkkkkkkkkkkkk!

napadilat si badong. gulat na gulat. ttttttttttsssssssssssssskkkkkkk! hindi niya maintindihan. hindi niya maintindihan. ang tunog na iyon.

yan ba ang pumatay sa aking kaibigan? yan ba?

hindi na niya napigilan ang paggalaw ng kanyang mga kamay at paa. nais niyang tumakbo! nais niyang tumakas sa napasukang kalokohan!

beeeeeeeeeennnn! tulong!!!

ngunit walang lumabas na boses. walang ben na lumabas. walang dumating.

huli na ng mapansin niya. si nay corazon, ttsssssskkk....