1.27.2008

hindi laging ikaw ang bida

this is not about you, okay?

puro "i" and "me" ang nasa paper mo, pati blog mo yan ang gamit mo, pati sa mga tsismis na kinakalat mo, hindi ka nawawala.

ikaw na maraming problema, ikaw na laging sinisisi ng lahat, ikaw na dehado sa lahat ng bagay, ikaw na hindi pinansin ng crush mo sa corridor, ikaw na perfect sa quiz, ikaw na nabobored, ikaw na naghahanap ng kachat, ikaw na nababadtrip sa parents mo dahil kulang ang baon mo o ayaw kang payagang umalis, ikaw na walang tulog dahil sa mga paper at projects, ikaw! ikaw na lang lagi! hindi ikaw ang bida....

hindi ikaw ang bida sa lahat ng kwento.

kung hindi "i" at "me", it's about "you". you are beautiful. you are right. you... you... you pero ano ba'ng gusto mong iparating? ikaw pa rin. mahalaga ang opinyon mo. bida ka pa rin.

bakit mahirap magsulat ng news? bakit mahirap paghiwalayin ang personal na opinyon sa purong facts? laging sinasabi na "it takes a lot of practice to write a good news." totoo, bakit? totoo, in the sense na selfish kasi "tayong" lahat. sarili lang ang iniisip. ako... ako... ako.

ako ang bida.
akala mo lang, pero hindi ikaw ang bida sa lahat at bawat kwento. sa kwento niya, siya ang bida, at ikaw ang salot. balakid ka sa mga gusto niyang gawin.

malaki ang mundo. maraming bagay na puwedeng pag-usapan at pagtuunan ng pansin.

kung iisipin mo, sino ba'ng may gustong makinig at magbasa ng mga hinaing mo sa buhay? sino ba talaga ang nagmamalasakit sa'yo? ang pinakamalapit sa'yo lang, hindi ba?

ang mga iba, hindi sila makikiramay sa pagkamatay ng aso mo. hindi sila tutulong sa pagbuhay ng namatay mong kuko. wala silang pakialam. wala kaming pakialam. bakit? wala kaming pakialam dahil bida rin kami sa sarili naming kwento.

it's against your rights. freedom of speech. ang gasgas na freedom of speech. oo, true, wala namang pumipigil sa'yo na magsulat at magsabi at magkwento ng mga hinaing. katunayan, okay nga raw ito kung tatanungin ang mga psychologist kasi nailalabas daw ang mga kung anu-anong saloobin.

ang tanong lang, nakakatulong ba ang mga ito sa lipunan? aside from you, may nagbebenefit pa bang iba sa mga pinaggagagawa mo? you can always exercise your freedom! pero kahit man lang minsan, ipaglaban mo naman ang bayan.

1.26.2008

baygon

hindi ko man lang nasabi sa kanya kung gaano siya kahalaga sa'kin, kung gaano ako kasaya sa tuwing tatakas kami 'pag hating gabi na para lang maglakad-lakad.

malamig kasi tuwing gabi. madilim. bibihira lang ang may makakita sa amin. noong minsan, hindi ko na matandaan kung kailan, may nakahuli sa'min. hinabol kami ng tsinelas. halos mapalo na kami, buti na lang at sanay si ben. sinala niya ko sa kanto ng lugar na 'yon. doon, hindi na kami inabutan. nakapagtago kami ng maayos. ilang minuto lang at lumabas din kami.

naalala ko noong tinangka naming buksan ang lalagyan ng kayamanan ni nay corazon. napakabigat noon at napakalaki rin. gawa sa kahoy at punung-puno ito. may mga chippy at juice, noodles at kung anu-ano. naalala ko noong panahong iyon, tinanong ko pa siya noon, si ben. "bakit ang daming pagkain ni nay corazon? mauubos ba nila 'to lahat?" tanong ko pa noon. hindi ako sinagot ni ben.

walang anak sina nay corazon at manong jener. baog yata si mang jener. ang sabi-sabi kasi ng mga tsismosa sa kabila, nakulam daw ito dahil nanloko ng bading noong siya'y batabata pa. si nay corazon nama'y nadasalan na ang halos lahat ng simbahan sa lupa. ngunit noon pa iyon. ngayon ay hindi na nila ito pinag-uusapan, o napag-uusapan. naalala ko lang na nabanggit ito ni ben isang beses na ipinambibili na lang daw nila ng mga pagkain at kung anu-ano ang mga naiipong pera dahil hindi naman na raw sila magkakaanak.

ang sabi pa nga ni ben noon, dati ay maraming nasasayang na pagkain, ngunit hindi naglaon, natutunan na ng mag-asawa na kumain ng marami. at, nasanay din sila. nauubos na nila ito.

kaya kami nakikiagaw ng pagkain. noon, sagana sa pagkain ang lahat, ngunit nagbago na ang mga bagay-bagay. marami ng nagbago, isa na roon sina corazon at jener!

********

nakatayo si badong sa harap ng kababayan, ng lahat. nakataas ang dalawang kamay, may hawak na patalim ang dalawa pang kamay, nakabulsa ang dalawa pang kamay, at matigas na nakatirik ang mga paa sa sahig na malamig--marmol.

walang nais sumunod sa nais niyang mangyari. marami na ang namatay at pinatay, ang pinakahuli na nga ay si ben. nais mang ipaglaban ni badong ang kaibigan, walang handang tumulong. lahat ay takot, bulag.

nagpasyang tumuloy si badong, mayroon mang kasama o wala.

********

walang sumunod sa kanya. mag-isa niyang binalikan ang nakatihayang katawan ni ben na nakalapat sa marmol. walang dugo. walang dumi. walang bahid ng karahasan.

nais niyang malaman kung paano namatay si ben, kung bakit siya pinatay.

"may epidemya roon, 'wag ka nang tumuloy!" sigaw ni bebang, ang kapitbahay nila.
"huwag ka nang tumuloy, mapapahamak ka rin!" sigaw naman ng isa pang kapitbahay.

ipaglalaban kita ben. para sa'yo ito. kaibigan, patawad....

********

noong gabing iyon, niyaya siya ni ben na muling kumuha ng pagkain sa lalagyan ni nay corazon. "kakapamili lang ni nay corazon ng pagkain, marami ngayon doon!" bulong ni ben sa labas ng bahay ni badong. masakit ang ulo ni badong kaya't nagtulug-tulugan siya. nakailang tawag din si ben. nang magsawa, pumunta siya roon mag-isa.

badong, babawi na lang ako....

********

babawi na lang ako... sa ganitong paraan. patawad....


tumihaya rin siya at humiga tulad ng pwesto ni ben at ng iba pang napatay. pinigilan ang lahat ng galaw na maaaring magawa. pati hinga ay ginawang dahan-dahan. pinilit niyang makatulog upang magmukhang totoo.

tttttsssssssssssssssssskkkkkkk! ttttsssssssssssssssssssssssssssskkkkkkkkkkkkkkkkk!

napadilat si badong. gulat na gulat. ttttttttttsssssssssssssskkkkkkk! hindi niya maintindihan. hindi niya maintindihan. ang tunog na iyon.

yan ba ang pumatay sa aking kaibigan? yan ba?

hindi na niya napigilan ang paggalaw ng kanyang mga kamay at paa. nais niyang tumakbo! nais niyang tumakas sa napasukang kalokohan!

beeeeeeeeeennnn! tulong!!!

ngunit walang lumabas na boses. walang ben na lumabas. walang dumating.

huli na ng mapansin niya. si nay corazon, ttsssssskkk....



hindi wrestler si jollibee, mas malakas ang tatay mo

umupo siya sa hagdanan ng jollibee at niyakap ang kanyang bag na damit na lang ang laman, hindi na napigilan at tuluyan nang tumulo ang mga luhang malapot. nakabukas na ang mga ilaw sa mga bangketa, wala na ang araw, wala na rin ang mga taong kanina’y kala mo langgam sa dami. wala na rin ang kanyang pitaka, telepono, at tiwala sa sarili.

o tangina! kahit kailan ka talaga! napakatanga mo! Kailan ka ba matututo? ilang taon ka na, ang burara mo pa rin. mag-isip-isip ka naman kahit minsan. hindi lang ikaw ang nabubuhay sa mundo! pu...

o, siguro, hindi naman ganoon kasakit.

bawat dumaraan ay tinitingnan siya, papasok man o palabas. nakayuko siya kaya’t minsan ay sinisilip pa siya ng mga tao. umiiyak ba ‘to? bakit siya umiiyak? bakit siya nakaupo rito? hindi niya ito pinapansin. ang mga tawanan ng mga naglalakad, mga titig ng mga tsismosa’t tsismoso, mga nagbubulungan.

kung tumitig kala mo mga gwapo’t gwapa, mga shokla!

ayaw magpapigil ng mga luhang malapot. bagaman malapot, sige sila sa pagbagsak, pero hindi sa mga dahilan ito. hindi siya umiiyak dahil sa wallet na yari sa tunay na balat ng ahas, credit cards at atm, pera o mga id. sagabal, pero wala ni isa sa mga iyon ang dahil ng pagiging malapot ng luha.

o tangina! lagi na lang. mag-isip ka kasi kahit minsan. mag-iingat. problema kasi sa’yo, ang burara mo. hindi mo inaayos yang mga gamit mo. kung mag-isip ka kasi parang hindi ka tumatanda. college ka na kung mag-isip ka parang bata e.

oo na, magaling ka na! tama ka nanaman! bobo ako! tanga ko! hindi ako nagtatanda! wala akong alam! mali nanaman ako!

minsan kasi kahit si jollibee hindi napapasaya ang mga tao. nang maisip niya ang maaaring mangyari mamaya ‘pag siya’y nakauwi, tuluyan nang bumagsak ang luhang malapot. puro ang luha, tila may halong dugo. bagaman walang bahid ng kulay pula, kitang kita ang pagkalapot nito.

hindi siya nanakawan. nagsawa lang siya at nagpalit ng walet, nagdesisyong bumili ng mas modelong telepono, at nagpalit ng network.... para sa kanyang tatay.

1.20.2008

maliliit na bagay

nakasunod sa kanila ang mamang nakasuot ng sumbrero. madilim, lagpas alas diyes na ng gabi, kakaunti lang ang ilaw sa paligid, walang tao maliban sa kanilang tatlo.

kaarawan ni charles noon, nagpaparti siya at nagpakain sa bahay nila. tila reunion ang nangyari, karamihan ay magkakakilala at magkakaklase noong sila’y nasa high school pa. pansit, pritong manok, lechong kawali, beef steak, fried rice na luto ng kasintahan ni charles, at bote-boteng coke at beer. maramihan ay kaliwa’t kanan ang tawanan at kwentuhan, ang iba’y halos hindi na nagsasalita sa kakasubo at kakatayo upang kumuhang muli ng beef steak at fried rice, at ang iba nama’y beer ang inupakan. nag-umpisa ng alas siyete, ngunit dahil mga alas otso at alas nuwebe na nagsidatingan ang mga tao, halos umaga na natapos ang kainan at kwentuhan.

noong gabing iyon, maaga-aga umalis sina jon at dae. wala pang alas onse ay nagpaalam na sila upang hindi gabihin. madilim din kasi sa paligid ng bahay ni charles dahil nasa bandang looban. walang dumaraang traysikel kaya’t napilitan ang dalawa na maglakad na lamang, tutal ay hindi na rin kalayuan ang sakayan ng dyip roon. magkahawak sila ng kamay habang naglalakad sa bangketa. maya’t maya’y tinitingnan ni jon si dae; naghahanap ng kahit kaunting kunot sa noo o pawis o buntong hininga. madalas niyang gawin ito; madalas niyang titigan si dae na ikinaiilang naman nito. madalas, tititigan lang niya ang kasintahan, minsan sa mata, kilay, sa labi at mga pisngi, paikot-ikot, na tila minememorya ang bawat detalye. madalas din, dahil sa nakaugaliang gawaing ito ni jon, ito rin ang nagiging dahilan kaya’t nagkakaroong ng kunot sa pagitan ng mga kilay ni dae. ngunit noong gabing iyon, hindi kunot o pawis ang napansin ni jon.

nang sulyapin niya si dae, hindi mata o labi ang kanyang napansin, kundi ang taong nakasunod sa kanila.

nakapula at nakasumbrero ang mama. nakatsinelas siya at tahimik ang pagtapak sa aspaltong nilalakaran. diretso ang paglalakad, at tila pabilis ng pabilis ang lakad. sa kaliwang kamay ay may hawak na kung ano na hindi makitang mabuti ni jon.

hinigpitan niya ang hawak sa kamay ni dae; ipinulupot ang braso sa kanyang braso.

dahan-dahang lumingon ng pakaliwa’t pakanan si jon upang hindi siya mahalata, ngunit dahil madilim, hindi pa rin niya nakita ang hawak ng mama. ang napansin lamang niya, bumibilis ang paglakad ng mama... sa direksyon nila.

inilipat niya si dae sa kanan niyang kamay upang mapunta sa bandang loob ng bangketa. ugali kasi ni dae ang maglakad sa labas ng bangketa, sumakay sa dulo ng dyip, dahil mahangin. at muli, ipinulupot niya ang braso sa kanyang braso.

papalapit na ang mama.

papalapit na ang mamang nakasumbrero sa kanila. lumabas ng bangketa ang mama at lalong binilisan ang paglalakad. nang pumantay siya sa hilera nila jon at dae, tumingin siya.

tumitig siya ng sandali at binalik ang paningin sa daan hanggang sa lumagpas siya sa kanila.

isang supot ng chicharon ang hawak niya.

nang makarating sila sa kanto, pumara ng taxi si jon. si dae ang nasa may pinto, at yakap siya ni jon.