12.13.2007

sa cancer ward

"kung susuwertehin, mga dalawang buwan na lang po."

********

namumutla ang kanyang mga labi, pagod na mata, at batik-batik na pula sa damit.

isang linggo na rin ang nakaraan nang isinugod sa ospital si andre. isang linggo na rin siyang nakahiga sa kama ng cancer ward kasama ang ibang may taning, pero ngayon, nakapagsasalita na siya ng maayos. hindi na siya gaanong nagsusuka, mas maaliwalas na rin ang kanyang hitsura.

********

bagaman mahirap kitain ang pera sa panahon ngayon, may mga tao pa ring handang magbigay lalo na't kung pasko. isang linggo at tatlong araw na lang at pasko na. nag-uumpisa ng dumami ang mga nagkikislapang mga ilaw sa mga bahay at mga restoran, pati rin sa ospital.

kaunti lang ang mga ilaw sa ospital, lalo na sa ward kung saan naroon si andre. isang pulang parol na nakasabit sa may pinto at isang maliit na christmas tree na malapit din doon. pasko na ito sa kanila.

********

isang sabado, apat na araw bago ang pasko, nagising si andre ng isang sigaw.

"merry christmas!" sigaw ng isang batang lalaki na nakaupo sa kanyang kama.

"sino ka?" tanong ni andre habang dahan-dahang inaangat ang sarili.

"anton, ikaw?"

"anton ano?"

"anton sebastian, ikaw? ano'ng pangalan mo?"

"andre" mahinang sagot ni andre.

napansin niyang nakauniporme si anton, at may mga kasamang nakauniporme rin.

"inutusan lang kayo no?" tanong ni andre na may halong pang-aasar.

"oo" sagot naman ni anton.

napatigil ang dalawa. nakatitig si andre kay anton. hawak ang nakabalot na kahon, nakatungo naman si anton na tila nahiya sa kanyang sagot.

"okay lang 'yon, salamat a." sabi ni andre habang nakangiti.

inabot ni anton ang regalo. "heto nga pala ang regalo ko. hindi ko alam kung sino ang bibigyan namin e, pero sa tingin ko matutuwa ka rito. paborito ko 'to e." mahinang sinabi niya.

"salamat a."

"galing yan sa ipon ko." nakangiti na banggit ni andre.

natawa ang dalawa.

nang umalis na ang mga estudyanteng namigay ng mga pamasko, muling humiga si andre. marami-rami rin siyang natanggap na regalo, at lahat ng iyon ay nilagay niya sa ilalim ng kama liban sa isa: ang kahon na galing kay anton.

inakyat niyang muli ang kanyang sarili upang kunin ang kahon na nasa paanan ng kanyang kama. dinampot niya ito at inilapag sa sahig, idinulas at isinama sa mga iba pang mga regalo.

********

tuwing miyerkules at sabado ng hapon, regular siyang binibisita ni anton. kung hindi ang kanyang baon, isa o dalawang mansanas ang laging dala niya para kay andre. sabay nilang kakainin habang nagkwekwentuhan sa kama.

at sa tuwing miyerkules at sabado ng hapon, nawawala sa isip ni andre na may sakit siya. kung ituring siya ni anton ay higit pa sa matalik na kaibigan. hindi nila pinag-uusapan ang kanyang sakit, liban dito, lahat ay napagkwekwentuhan ng dalawa--mula sa mga crush ni anton hanggang sa mga panaginip nig andre, sa kwento ng labindalawang kapatid ni andre hanggang sa mga kolksyon na puzzle ni anton. hindi nawawala ang tawanan sa tuwing sila ay nagkikita.

********

minsan, nagdala ng dalandan si anton, ngunit nang makarating siya ng ward ay tinaboy siya ng nars. nang kanyang silipin, nakita niya ang kaibigang umuubo ng dugo. tatlong nars ang nakahawak sa kanya. nakatitig ang ibang mga pasyente.

hindi na nagpumiglas si anton at iniabot na lang ang dalang dalandan sa nars na may hawak ng kanyang kaliwang braso.

sana doktor na lang ako. sana may magawa man lang ako. sana naman may maitulong ako. sana doktor na lang ako. sana may maitulong naman ako... andre....

********

lumipas na ang bagong taon at wala pa rin ni anino ni anton.

nang magising si andre galing sa panaginip. tila napanaginipan ang kaibigan at agad niyang tinanggal ang kumot. pilit na bumangon sa kama at umupo sa sahig. hinila niya ang kahong regalo sa kanya ng kaibigan. gamit ang kanyang damit, pinunasan niya ang kahon at binuksan. pinilas ang pambalot at nagulat sa nakita.

********

jigsaw puzzle, 50X75cm, paano ko ito matatapos?

agad siyang bumalik sa kanyang kama kahit mahahalata rito ang pagkahina. binuksan niya ito at inumpisahan. inuna niyang hanapin ang mga kanto at gilid ng puzzle. nang matapos niya ang mga gilid at kanto ay madilim na.

ganoon ang kanyang ginawa sa araw-araw. gigising, kakain, maliligo, magbubuo, kakain, magbubuo, kakain, magbubuo hanggang sa makatulog. ganoon araw-araw.

********

hinahanap niya ang puzzle na mayroong larawan ng bintana ng simbahan nang bigla siyang ubuhin. natalsikan ng dugo ang puzzle. naubo siyang muli at nagsuka na. nasukahan ng dugo ang puzzle.

nang matigil sa pag-ubo, dinala niya ang puzzle sa banyo. doon, inisa-isa niya ang mga puzzle. dahan-dahan niyang pinupunansan ang bawat isa. ang iba ay nangulubot sa basa, ang iba nama'y nagkaroon ng mantsa ng dugo.

magmumukha pa rin itong simbahan.

********

nag-umpisa siyang muli. hinanap niyang muli ang mga gilid at kanto at doon inumpisahan. inaraw-araw muli niya ang pagbuo. walang sawa niyang iniisa-isa.

isang araw ay may nakita siyang isang piraso na tila nakaligtaan niyang punasan. pulang-pula ang gilid at nangungulubot. pinilit niyang punasan ngunit nagmantsa na. halos mapunid ang larawan ng... bintana ng simbahan.

********

isang araw ay biglang napadaan si anton sa ospital. tumuloy siya sa ward kung saan naroon ang kanyang kaibigan. nang papasok ay tinanong ng nars na nasa information kung sino ang bibisitahin.

"si andre." walang pag-aalinlangang sagot ni anton.

"ano po ang apilido?" sunod na tanong ng nars habang hinahanap ang pangalang andre.

"hindi alam e. 'yong payat. mga kasinlaki ko. matangos ang ilong."

"..ah...kaanu-ano niyo po siya?"

"kaibigan ko."

"teka lang po a. maupo na lang muna kayo."

pumasok sa opisina ang nars. nagtatakang umupo si anton sa maliit na sofa at naghintay. sandali lang at bumalik ang nars na may kasamang doktor. nakasalamin siya at malinis ang gupit.

"good afternoon, sino po sila?" magalang na tanong ng doktor kay anton.

nagulat si anton, "anton po" , na lang ang nasabi niya.

"oh! anton. anton sebastian?"

"ah...yes...."

nagtataka si anton dahil dati ay halos hindi siya tinatanong kung sino ang bibisitahin. at kadalasan, kapag "andre" ang sinabi, wala ng tanong-tanong pa. dinala siya ng doktor sa kanyang opisina.

"please, have a seat." magalang pa rin na paanyaya ng doktor.

umupo si anton na parang pre-school na dinala sa principal habang nakatingin sa doktor.

"anton, your friend andre.... he already died two week ago. it was his body's limit."

nagulat siya sa kanyang narinig. hindi makapanila. nanghina ang kanyang mga tuhod, at hindi nagtagal ay bumigay din ang mga luha sa kanyang mga mata. "...paano?"

"after your last visit, unti-unit na siyang bumigay. halos regular na siyang sumusika ng dugo...."

"p..paano? b..akit?...."

"....but he was really strong. i knew what he was going through. wala ng bumibisita sa kanya. hindi na rin siya binibisita ng nanay niya. masakit yo'n. pero he kept telling me na thirteen silang magkakapatid. maraming ginagawa ang nanay niya. nagtratrabaho rin ang kanyang nanay. kakamatay lang ng kanyang tatay. the youngest was three years old. "

"...pero..."

"walang araw na hindi ka niya hinanap."

tumulo na rin ang luha sa mga mata ng doktor habang nakatingin kay anton. nakatungo ni anton, mahigit na hawak ang kanyang pantalon, umiiyak.

"naghiwalay sila mommy at daddy e...."

"hindi mo kasalanan, pagod na rin siya."

"naghiwalay kasi sila mommy e.... nasa rehab si kuya...."

"wala kang kasalanan. actually, you've been a great help."

tumayo ang doktor sa kanyang kinauupuan. tinanggal niya ang frame sa kanyang pader at umupo sa harap ni anton.

"tingin ko, para sa'yo 'to."

inangat ni anton ang kanyang ulo. hindi na niya magawang pigilan ang pag-iyak.

"andre....an..dre...." pangungulila niya.

"ginagawa niya yan all the while habang naghihintay."