12.21.2007

kakantahin kita

habang hawak ang kamay mo, kakantahin kita.

pilit sasabayan ang tono mo, makukuha rin kita.

mababa man o matining, aabutin kita.

hindi ako magsasawa, kakantahin pa rin kita.

mamamalat ako’t lahat, kakantahin kita.

hahagkan mo rin ako, habang kinakanta kita.

alam ko, nararamdaman ko, kanta kita.

ikaw ang aking kanta, kakantahin kita.

mananatili, hindi titigil, walang sawa, kakantahin kita.

anu man ang mangyari, kanta kita.

minsan ma’y sablay ako, hindi ako titigil...

12.14.2007

dorm cell #111

lulong sa iligal na droga. kaliwa’t kanan na rambol. basag dito, peklat doon. siya na ang hari at wala na’ng puwedeng pumigil pa sa kanya, kahit ang nanay niya.

sinubukan niyang mamasukan, ngunit hindi umubra ang amo sa diyos niyang ngala’y marie. marijuana ang buhay niya, ang langis ng kanyang araw-araw.

sa sandaling panahong paghahari, naranasan niya ang maging malakas, kinatatakutan at walang kinatatakutan. ngunit sa isang iglap, ito rin ang nagpahamak sa kanya.

duguan ang amo, tinalo ng diyos niya. duguan siya, tinalo ang sarili.

labindalawa hanggang labing-apat na taong walang laya, depende pa sa rekord. salat sa hangin, lupa, pagkain at kaligayahan. nangungulila, ngunit ayaw mawalan ng pag-asa. handang magtiis para sa panibagong pagkakataong naghihintay.

sayang, sa ganitong paraan pa kailangang matauhan ng iba. sayang, kakaunti lang ang handang magbigay pagkakataon sa mga naghahangad ng bagong buhay. sayang.

hindi bale, may karapatan ka pa ring magbago.

12.13.2007

sa cancer ward

"kung susuwertehin, mga dalawang buwan na lang po."

********

namumutla ang kanyang mga labi, pagod na mata, at batik-batik na pula sa damit.

isang linggo na rin ang nakaraan nang isinugod sa ospital si andre. isang linggo na rin siyang nakahiga sa kama ng cancer ward kasama ang ibang may taning, pero ngayon, nakapagsasalita na siya ng maayos. hindi na siya gaanong nagsusuka, mas maaliwalas na rin ang kanyang hitsura.

********

bagaman mahirap kitain ang pera sa panahon ngayon, may mga tao pa ring handang magbigay lalo na't kung pasko. isang linggo at tatlong araw na lang at pasko na. nag-uumpisa ng dumami ang mga nagkikislapang mga ilaw sa mga bahay at mga restoran, pati rin sa ospital.

kaunti lang ang mga ilaw sa ospital, lalo na sa ward kung saan naroon si andre. isang pulang parol na nakasabit sa may pinto at isang maliit na christmas tree na malapit din doon. pasko na ito sa kanila.

********

isang sabado, apat na araw bago ang pasko, nagising si andre ng isang sigaw.

"merry christmas!" sigaw ng isang batang lalaki na nakaupo sa kanyang kama.

"sino ka?" tanong ni andre habang dahan-dahang inaangat ang sarili.

"anton, ikaw?"

"anton ano?"

"anton sebastian, ikaw? ano'ng pangalan mo?"

"andre" mahinang sagot ni andre.

napansin niyang nakauniporme si anton, at may mga kasamang nakauniporme rin.

"inutusan lang kayo no?" tanong ni andre na may halong pang-aasar.

"oo" sagot naman ni anton.

napatigil ang dalawa. nakatitig si andre kay anton. hawak ang nakabalot na kahon, nakatungo naman si anton na tila nahiya sa kanyang sagot.

"okay lang 'yon, salamat a." sabi ni andre habang nakangiti.

inabot ni anton ang regalo. "heto nga pala ang regalo ko. hindi ko alam kung sino ang bibigyan namin e, pero sa tingin ko matutuwa ka rito. paborito ko 'to e." mahinang sinabi niya.

"salamat a."

"galing yan sa ipon ko." nakangiti na banggit ni andre.

natawa ang dalawa.

nang umalis na ang mga estudyanteng namigay ng mga pamasko, muling humiga si andre. marami-rami rin siyang natanggap na regalo, at lahat ng iyon ay nilagay niya sa ilalim ng kama liban sa isa: ang kahon na galing kay anton.

inakyat niyang muli ang kanyang sarili upang kunin ang kahon na nasa paanan ng kanyang kama. dinampot niya ito at inilapag sa sahig, idinulas at isinama sa mga iba pang mga regalo.

********

tuwing miyerkules at sabado ng hapon, regular siyang binibisita ni anton. kung hindi ang kanyang baon, isa o dalawang mansanas ang laging dala niya para kay andre. sabay nilang kakainin habang nagkwekwentuhan sa kama.

at sa tuwing miyerkules at sabado ng hapon, nawawala sa isip ni andre na may sakit siya. kung ituring siya ni anton ay higit pa sa matalik na kaibigan. hindi nila pinag-uusapan ang kanyang sakit, liban dito, lahat ay napagkwekwentuhan ng dalawa--mula sa mga crush ni anton hanggang sa mga panaginip nig andre, sa kwento ng labindalawang kapatid ni andre hanggang sa mga kolksyon na puzzle ni anton. hindi nawawala ang tawanan sa tuwing sila ay nagkikita.

********

minsan, nagdala ng dalandan si anton, ngunit nang makarating siya ng ward ay tinaboy siya ng nars. nang kanyang silipin, nakita niya ang kaibigang umuubo ng dugo. tatlong nars ang nakahawak sa kanya. nakatitig ang ibang mga pasyente.

hindi na nagpumiglas si anton at iniabot na lang ang dalang dalandan sa nars na may hawak ng kanyang kaliwang braso.

sana doktor na lang ako. sana may magawa man lang ako. sana naman may maitulong ako. sana doktor na lang ako. sana may maitulong naman ako... andre....

********

lumipas na ang bagong taon at wala pa rin ni anino ni anton.

nang magising si andre galing sa panaginip. tila napanaginipan ang kaibigan at agad niyang tinanggal ang kumot. pilit na bumangon sa kama at umupo sa sahig. hinila niya ang kahong regalo sa kanya ng kaibigan. gamit ang kanyang damit, pinunasan niya ang kahon at binuksan. pinilas ang pambalot at nagulat sa nakita.

********

jigsaw puzzle, 50X75cm, paano ko ito matatapos?

agad siyang bumalik sa kanyang kama kahit mahahalata rito ang pagkahina. binuksan niya ito at inumpisahan. inuna niyang hanapin ang mga kanto at gilid ng puzzle. nang matapos niya ang mga gilid at kanto ay madilim na.

ganoon ang kanyang ginawa sa araw-araw. gigising, kakain, maliligo, magbubuo, kakain, magbubuo, kakain, magbubuo hanggang sa makatulog. ganoon araw-araw.

********

hinahanap niya ang puzzle na mayroong larawan ng bintana ng simbahan nang bigla siyang ubuhin. natalsikan ng dugo ang puzzle. naubo siyang muli at nagsuka na. nasukahan ng dugo ang puzzle.

nang matigil sa pag-ubo, dinala niya ang puzzle sa banyo. doon, inisa-isa niya ang mga puzzle. dahan-dahan niyang pinupunansan ang bawat isa. ang iba ay nangulubot sa basa, ang iba nama'y nagkaroon ng mantsa ng dugo.

magmumukha pa rin itong simbahan.

********

nag-umpisa siyang muli. hinanap niyang muli ang mga gilid at kanto at doon inumpisahan. inaraw-araw muli niya ang pagbuo. walang sawa niyang iniisa-isa.

isang araw ay may nakita siyang isang piraso na tila nakaligtaan niyang punasan. pulang-pula ang gilid at nangungulubot. pinilit niyang punasan ngunit nagmantsa na. halos mapunid ang larawan ng... bintana ng simbahan.

********

isang araw ay biglang napadaan si anton sa ospital. tumuloy siya sa ward kung saan naroon ang kanyang kaibigan. nang papasok ay tinanong ng nars na nasa information kung sino ang bibisitahin.

"si andre." walang pag-aalinlangang sagot ni anton.

"ano po ang apilido?" sunod na tanong ng nars habang hinahanap ang pangalang andre.

"hindi alam e. 'yong payat. mga kasinlaki ko. matangos ang ilong."

"..ah...kaanu-ano niyo po siya?"

"kaibigan ko."

"teka lang po a. maupo na lang muna kayo."

pumasok sa opisina ang nars. nagtatakang umupo si anton sa maliit na sofa at naghintay. sandali lang at bumalik ang nars na may kasamang doktor. nakasalamin siya at malinis ang gupit.

"good afternoon, sino po sila?" magalang na tanong ng doktor kay anton.

nagulat si anton, "anton po" , na lang ang nasabi niya.

"oh! anton. anton sebastian?"

"ah...yes...."

nagtataka si anton dahil dati ay halos hindi siya tinatanong kung sino ang bibisitahin. at kadalasan, kapag "andre" ang sinabi, wala ng tanong-tanong pa. dinala siya ng doktor sa kanyang opisina.

"please, have a seat." magalang pa rin na paanyaya ng doktor.

umupo si anton na parang pre-school na dinala sa principal habang nakatingin sa doktor.

"anton, your friend andre.... he already died two week ago. it was his body's limit."

nagulat siya sa kanyang narinig. hindi makapanila. nanghina ang kanyang mga tuhod, at hindi nagtagal ay bumigay din ang mga luha sa kanyang mga mata. "...paano?"

"after your last visit, unti-unit na siyang bumigay. halos regular na siyang sumusika ng dugo...."

"p..paano? b..akit?...."

"....but he was really strong. i knew what he was going through. wala ng bumibisita sa kanya. hindi na rin siya binibisita ng nanay niya. masakit yo'n. pero he kept telling me na thirteen silang magkakapatid. maraming ginagawa ang nanay niya. nagtratrabaho rin ang kanyang nanay. kakamatay lang ng kanyang tatay. the youngest was three years old. "

"...pero..."

"walang araw na hindi ka niya hinanap."

tumulo na rin ang luha sa mga mata ng doktor habang nakatingin kay anton. nakatungo ni anton, mahigit na hawak ang kanyang pantalon, umiiyak.

"naghiwalay sila mommy at daddy e...."

"hindi mo kasalanan, pagod na rin siya."

"naghiwalay kasi sila mommy e.... nasa rehab si kuya...."

"wala kang kasalanan. actually, you've been a great help."

tumayo ang doktor sa kanyang kinauupuan. tinanggal niya ang frame sa kanyang pader at umupo sa harap ni anton.

"tingin ko, para sa'yo 'to."

inangat ni anton ang kanyang ulo. hindi na niya magawang pigilan ang pag-iyak.

"andre....an..dre...." pangungulila niya.

"ginagawa niya yan all the while habang naghihintay."

12.06.2007

kapag nag-usap ang mga bata...

…pati relihiyon hindi tatantanan.

nakatambay nanaman ang tatlong batang kalbo sa may labas restoran. nag-aabang sila ng mga kostumer na lalabas upang makapaglimos ngunit medyo minamalas dahil wala masyadong kumakain.

“pati yata mga mayayaman ngayon wala na ring pera e.” biglang sabi ni bata1

“oo nga, tingnan mo nga tong parking natin. dati napupuno ‘to e. tingnan mo ngayon, iisa na lang, beetle pa.” sabat ni bata2 sabay tawa.

hindi nagsalita sa bata2 na nasa gitna ng dalawa. nakaupo sila sa hindi kalayuan, hindi masyadong malapit (baka masigawan ng gwardya) at hindi malayo (baka may makalusot na kostumer). magsasalita na sanang muli si bata1 nang biglang nagtanong si bata2 ng out of the blue.

“alam niyo ba yu....”

“saan kaya tayo nanggaling?”

********

natahimik ang tatlo, tila napa-isip.

“sabi ng nanay ko, gawa raw tayo ng diyos dahil....” ang nabitin na sagot ni bata3.

“dahil?” sabay na tanong ng dalawa.

“dahil....”

********

biglang may naalala si bata1.

“noong isang araw, may napulot akong green na libro. science book ata iyon. Unang beses kong makakita ng libro kaya dinala ko iyon kay nanang. tapos, kinabukasan, narinig kong binabasahan niya si balot (bunsong kapatid). narinig ko, nanggaling daw tayo sa mga unggoy....”

“unggoy?!” sigaw ng dalawa na halos lumabas ang mga uhog at tumulo ang laway.

“oo, taon-taon daw, nag-eebol daw tayo, eebob, basta iyon. nagbabago! ”

“ebolv! gago!” sigaw naman ng gwardya na nakikinig pala sa pinag-uusapan ng tatlo.

nagulat ang mga kalbo at lumipat sa mas malayong lugar. pinilit nilang itinuloy ang pag-uusap.

“oo, eblov. nag-ebol daw tayo, tapos, hanggang sa nawalan tayo ng buntot. natutong magsalita.”

tahimik lang ang dalawa, tila nag-iisip nang biglang humirit si bata3.

“kaya pala balbon si tatay.”

********

“parang hindi naman kapanipaniwala iyon.” ani ni bata2.

“nasa libro e!” pagtanggol ni bata1.

“oo nga.” gatong naman ni bata3.

“sige nga, papayag ka ba na sabihan kang unggoy? unggoy!” sigaw niya kay bata3.

nagkamot na lang ng ulo si bata3 at napatawa.

********

“noong buhay pa si papa, dinala niya ko minsan sa sinehan. naalala ko, ayaw pa nga kong papasukin dahil bawal daw ang bata....”

“tapos?” tanong ni bata3.

“hindi ko na matandaan e. matagal na iyon. tiyaka, tinakpan na ni papa ang mga mata ko nang pumasok ang bida at leading lady sa kubo”

“hindi ka nakasilip?” nananabik na tanong ni bata1.

“ang laki ng kamay ni papa e.”

********

“ano ba ang nauna, itlog o manok?” alala ni bata3. “alam ninyo, dati, tinanong ako ni nanay, ano raw ang nauna, itlog o manok. baka iyon ang sagot.”

“tanga! paano magiging sagot iyon?” sabi ni bata1 ng may pagmamataas.

“sabi niya kasi, itlog ang nauna e.”

“paano naging itlog e sa manok nga nanggaling ang itlog?”

“hindi ko nga rin maintindihan e. ...nauna raw kasi si tatay. si tatay daw kasi ang nanuyo.”

********

“inimbento lang ng mga tao yan. palibhasa, hindi rin nila alam kung saan sila nanggaling. sa unggoy. sa itlog. sa manok. kalokohan! gusto lang nila ng sagot sa mga tanong nila.” sabi ni bata2.

“e sabi kasi sa libro....”

“e sabi kasi ni nanay....”

“walang sinasabi sa’kin ang ragbi, pero binibigyan niya ko ng sagot.”

“tumigil ka na kasi sa pagraragbi mo!” pakiuap ni bata3.

“oo nga.” sunod ni bata1.

“sa mundo, wala tayong karapatan para magtanong lalo na’t kung hindi ka bata.” sabay hinga sa plastik na hawak.

“ano?”

“ano raw?” tanong ni bata3 kay bata1.

“wala...”mabagal na sagot ni bata2 “...sabi ko, habang bata, magtanong na tayo. ‘pag tanda natin, bawal na...."

12.01.2007

flying yero, ang bus na hindi napupuno.

exterior (introduction):

nakasakay ka na ba sa flying yero? kung oo, magkakaintindihan tayo. kung hindi pa, subukan mo at baka mahiligan mo. hindi ito ang ordinaryong bus mo. ito ang flying yero.

hindi siya double-decker na akala mo o mala-limo ang haba na nais mo. kung titingnan mo, hindi mo aakalaing siya na nga ang tinutukoy ko.

lilipad, lilipad! oops! hindi pa siya lilipad, nasa sta. cruz pa lang siya, antayin mong makarating ng highway. doon siya kadalasang lumilipad.

sounds (introduction):

“sapang palay! sapang palay!” sinisigaw ng isang mama na nakasabit sa bus habang kumakaway. may twalyang good morning na nakasabit sa kanyang balikat, maliit na goma sa hinlalaki, at nakasuot ng polo t-shirt na nakataas at nakaipit sa magkabilang kilikili.

“bagong silang! bagong silang!” naman ang sa kabilang kalsada. halos ganoon din ang hitsura, ang pagkakaiba lang ay mas balingkinitan ang mamang ito at nakaunipormeng hindi na mabasa ang nakasulat.

interior (introduction):

tatluhan sa kaliwa at dalawahan sa kanan at limahan sa likod. humigit-kumulang labinlimang puwedeng maupuan. isang emperor’s chair na para lamang sa tsuper at mataas na bubong na sakto para sa mga hindi katangkaran. may dalawang hand-rails sa bubong, dalawa nakatayo sa bandang gitna at dalawa rin sa magkabilang pinto.

gawa sa bakal at kahoy ang mga upuan, bintana at sahig kaya’t maaasahan ang seguridad. walang mababasag at hindi alintana ang bangga.

flying yero, makararating ka sa pupuntahan, anu man ang mangyari.

speed:

mabagal sa umpisa tulad ng mga eroplano. minsan ay nauunahan pa ito ng karo kapag nagkataong walang pasahero, pero oras na makaalis na ang bus. tuluy-tuloy na ang kasiyahan. matulin, minsan pa nga ay nakikipagkarera pa sa ibang mga flying yero na hindi kakampi.

may buhay ang mga flying yero, kung hindi mo alam, may ugali rin sila at ayaw nilang nagpapalamang. nanlalamang sila, pero ayaw nila ang nalalamangan.

akin ang lahat ng pasahero. unahan mo ko rito, uunahan kita sa kabila.

interior and exterior (continuation):

ilaw ng toyota, salamin ng bahay, gulong ng elf, plywood na upuan at bintana na galing sa mga nilipad na bubong ng bahay, at makina ng generator? hindi.

hindi ko alam. walang may alam. bawal ang tsimoso.

emperor’s chair na para sa tsuper ng flying yero, galing sa nissan o honda.

pinagdikit-dikit at pinaandar gamit ang nag-iisa at maaasahang sandata ng bayan laban sa ulan, ang katulong ng flying yero sa lahat ng bagay, ang welding machine.

sounds (continuation):

“mani, mani, mani. sampung piso lang. mani, mani, mani.”

“tubig. malamig, malamig. c2, tubig, malamig.”

“kendi, kendi, kendi. kendi kayo diyan.”

sari-sari ang tugtog ng bawat bus. depende rin ito. tsambahan, ika nga, kung ano ang matatapat sa flying yero na nasakyan mo. ngunit ang panalo sa lahat, at mayroon ang lahat, ang surround na sounds ng 101.9. for life!

conductor:

conductor o konduktor.

“maluwag, maluwag, maluwag. makakaupo. maluwag. maraming bababa.” ito rin ang isa pang linya ng mga konduktor na sinisigaw sa labas ng bus sa halos buong biyahe. bakit? ito ang flying yero, ito ang bus na hindi napupuno, kaya sakay lang.

“talikuran na lang po.” ito naman ang linya sa tuwing hindi nagkakaintindihan ang mga pasahero.

matalas ang mga pang-amoy ng mga konduktor. alam nila kung sino ang mga may sukli pa at kung sino ang mga bagong sakay, ngunit mabait dahil bagaman alam nila kung sino ang nagtutulug-tulugan, hindi nila ito “ginigising”.

ito ang flying yero, ang bus na walang kasingbilis at hindi napupuno. sakay na para maintindihan at baka, baka lang, mahiligan mo.