10.25.2007

it takes two to tango nga ba, o ano?

it takes two to tango raw, sabi ng marami. kung iisipin mo, oo nga naman, paano ka magtatango ng mag-isa. ang lungkot noon, hindi ba? mukha ka pang timang. isa pa, tango is a social dance, kung sasayaw ka rin lang mag-isa, magbreak dance ka na lang. parang tao, human is a social being. mahirap para sa tao na hindi makisalamuha sa kapwa, lalo na kung madaldal na tulad ko. mapapanis ang laway. mahirap kasi natura na na makisocialize. parang buhay, mas masarap mabuhay at maglakbay 'pag may kasama. iyong tipong hindi ka nag-iisa. habang naglalakad, may kakwentuhan ka, may kasabay sa pagkanta, may katawanan, at marami pang iba na hindi naman nating pwedeng isa-isahin dito dahil may kanya-kanyang kawirdohan ang bawat isa. bawat magkasama.

ang problema lang, madalas, parang nagiging tug-of-war, rope pulling, nagiging sport na naglalaban ng lakas. halos hindi na nagbibigayan na to the point na 'pag bumitaw ang isa, malalaglag ang isa, and vice versa, kasi natuto na silang maging dependent sa isa't isa. actually, ayos lang naman sana kung walang bibitaw. magiging mahirap, mamamalat ang mga palad mo, mapapagod ka, pero hangga't walang sumusuko, hangga't walang bumibitaw, tuloy lang ang buhay. tuloy lang ang laro, at walang malalaglag.

mas maganda sana kung give and take. hindi kayo naghihilaan kundi nagbibigayan. kung sa right, sa right kayo. kung sa left, sa left. para kayong nagsesway, naggaglide gracefully. sa madaling sabi, kung sa math, para kayong complimentary angles. kung sa larong pambata, para kayong agawan base. lalabas ang isa at aarteng pain. hahabulin naman ng isa na nasa kabilang base. at dahil hahabulin siya, siya naman ang tatakbo upang makapagbase at siya uli ang hahabol. palitan lang. cycle nga, hindi ba? tulad din ng turo ng matatanda at hirayamanawari, ang buhay ay parang gulong, minsan nasa baba ka, minsan nasa taas. kung minsan may matataya, minsan may madadapa, pero ang mahalaga roon, ang aakay sa'yo ay ang nakatulak o nakataya sa'yo dahil siya ang malapit sa'yo. dahil sa pagkakataong iyon, hindi kayo magkalaban. kahit pa magkaiba kayo ng base, iisa lang ang laro ninyo.

hindi tulad ng tug-of-war na 'pag binitawan ka, laglag ka sigurado. ang masama, o masakit, pa roon, hindi ka agad mapupuntahan ng kalaban mo dahil may tali pang naghihiwalay sa inyo. hindi natitigil ang laro hangga't hindi pa diredeklara ng referee. minsan talaga, mas masarap ang buhay-bata. walang referee, titigil ang laro kahit walang manalo, o kahit pa walang score.

kaso, minsan, tuloy pa rin ang laro kahit may sugat na. kahit kumikirot, sige pa rin sa pagtakbo kasi ayaw mong matigil ang laro. masaya kasi.

so, it takes two to tango nga ba? halos nawala na tayo sa usapan. well, oo, siguro, mas madalas oo, huwag lang milonga ang ipalit dahil mas mabilis pa ito sa tango. hindi kasi maganda ang mabilis, nawawala ang essence--nawawala ang importance ng lahat ng bagay, nawawala ang details. iyon pa naman ang mahalaga--ang nagbibigay ganda sa buhay.