10.15.2007

biskwit, gusto mo? (sana kunin mo)

huling biskwit ko na 'to pero gutom pa ko. wala na rin akong pera sa bulsa, anim na piso na lang na sakto para sa pamasahe ko. makakauwi naman ako kung bibili pa ako ng isa pang biskwit, kaso, yo'n nga lang, maglalakad ako pauwi.

maaga pa naman kaya hindi muna ko uuwi. tumambay muna ako rito sa tindahan ni aling bechang nang dumaan si pareng chudor. hindi maipinta ang mukha niya, tila hindi rin siya mapakali, kaya tinanong ko siya kung may problema ba o kung ano'ng problema. noong una'y ayaw pa niyang sumagot, kaya't hindi ko na siya pinilit. nagkwentuhan na lang kami, at sa kwentuhang iyon, nalaman ko ang problema niya.

gutom siya, at nalaglag ang walet niya kaya wala na rin siyang pambili tulad ko.

anim na piso na lang ang pera ko, pamasahe ko pa. isang biskwit na lang ang hawak ko, at gutom pa ako. mahirap magdesisyon, lalo na kung tiyan ang nakasalalay. mahirap na kasi, ilang beses na rin akong nawalan ng biskwit. ilang beses na rin na tinapon lang yo'ng biskwit na bigay ko. baka masayang lang din.

pero pinili kong ibigay na lang ang huli kong biskwit kay pareng chudor. hindi ko alam kung bakit. ay, alam ko pala. hindi naman kami gaanong magkakilala, pero alam kong totoong kaibigan siya, totoong tao. tumatawa siya sa mga nakakabwisit kong mga patawa, nanununtok 'pag nanggigigil at naiinis, at kung anu-ano pa. pero, aywan ko ba, masaya ako 'pag siya ang kausap ko. pakiramdam ko naiintindihan niya ako, sana siya rin.

inabot ko ang biskwit ko sa kanya. nagulat siya, nagtaka pa nga ata. naisip ko, baka inisip niya, anu ba 'tong taong 'to, kanina pa ko naririto, ngayon lang inabot 'tong biskwit. kung sasabihin man niya 'to, sasagutin ko naman siya. pasensiya na pre, nagdalawang isip pa ko. gutom din kasi ko, pero heto na, tayo na lang. ikaw na bahala riyan a.

hindi na ako natakot na baka itapon niya ang biskwit na iyon. hindi ko na rin inisip, pero kung itapon man niya, siyempre, masasaktan ako. bakit ko nga ba binigay?

hindi ko muna sasagutin yan. kinain pala niya ang biskwit. napangiti ako, pero hindi dahil kinain niya, kundi kung paano niya kinain. gutom nga siya kaya't minabuti kong ibili na lang ang anim na piso ko. "isa pong magic flakes" para apat dapat. nang iabot ko ang anim na puso, wala naman akong naramdaman na kung ano, na kadalasan masakit sa dibdib. kuripot kasi ako, at minsan lang manlibre.

inabot ko kay pareng chudor ang magic flakes na bagong bili ko, mainit pa. mainit?

nang makita niya, ngumiti siya. ilang beses ko na siyang nakitang ngumiti. medyo matagal na rin kasi kaming magkakilala at medyo nagkakasama rin kami, pero unang beses ito. kilala ko ang ngiting iyon. totoo ang ngiti na iyon.

sabi niya, "hati tayo, gutom ka rin, hindi ba?" nagsalo kami. ang sarap ng pakiramdam, halos hindi ko na makwento. ang hirap kasi ipaliwanag e. parang lukso ng dugo sa mga telenovela 'pag nagkikita ang mag-ina na nahiwalay ng kontra-bida.

naghati kami, parang hating kapatid sa usapan ng mga bata. tig-dalawa kami. buti na lang pala at apat dapat ang binili ko. kung sabagay, kung skyflakes naman, maghahati rin kami panigurado. nang maubos namin, hindi ako nag-alinlangan. tumayo akong muli at lumapit sa naka-iskrin na tindahan ni aling bechang. "aling bechang, pautang ng biskwit. babayaran ko na lang po bukas," pakiusap ko. ngumiti siya. napakabait ni aling bechang na halos lahat dito ay sa kanya bumibili. lahat din dito, may utang sa kanya. hindi rin naman niya sinisingil. buti na lang at karamihan pa rin ay nagbabayad. palangiti rin siya kaya halos lahat ay sa kanya rin lumalapit kahit hindi bibili, kahit kwentuhan lang o hihingi ng payo. talo pa nga niya ang mga pari sa simbahan.

bukas, babalik ako rito para bayaran ang biskwit na iyon. pero sa ngayon, kakain muna kami. mahirap nga gutumin ang tiyan, hindi ba?

nang matapos kaming kumain, nagyaya na akong maglakad, pauwi. hindi malapit ang bahay namin. katunayan, malayo, pero alam kong hindi ako maiinip sa paglalakbay kasi alam kong may baon kaming biskwit sa tiyan, at kasama ko si pareng chudor.

maaalahanin si pare. masaya siyang kasama at palakwento tulad ko. ang dami naming pinagsasaluhang mga bagay, mga hilig, hindi lang biskwit kung iniisip ninyo. akala siguro ng mga tao, biskwit lang ang pinaghahatian namin. sa tingin ko, doon sila nagkakamali. pati nga brip namin naghahati kami.

ilang buwan na kaming laging magkasama. ang dami na rin naming napagdaan, at hanggang ngayon, naglalakad pa rin kami. hindi naman kami napapagod. katunayan, bawat hakbang namin, bawat lubak, minsan may tapilok, ang dami naming napagkwekwentuhan. minsan pa nga, o kadalasan, kasabay pa nga nito ang mga tawa. kaya pati sa palakasan ng utot, kasalo ko na rin siya.

hindi ako magsasawa sa paglalakad, lalo na kung siya ang kasama ko. alam ko. nararamdaman ko naman. kaso, ang hindi naiintindihan ng marami, hindi lang pakiramdam ang pagsasama namin. marami pang iba na mahirap talaga ikwento at ipaliwanag.

minsan nga may naninira pa, minsan may mga nambwibwisit at nagsasabi ng kung anu-ano. at sa tuwing dumarating sila, ang mga iyon, minsan tumatakbo kami para makaiwas. kung sasalubungin kasi namin, baka makasira lang.

nasabi ko na ba kung bakit ko binigay ang biskwit ko?

hindi ko rin alam. ang alam ko lang, masaya ako na binigay ko ang huling biskwit ko.

(sa kasalukuyan, naglalakbay pa rin kami pauwi.)