10.12.2007

A.R.K.

uy! swerte! may piso! sabi ko sa sarili nang makakita ako ng piso sa may paanan ng isang mama. wala atang nakakita maliban sa akin. pupulutin ko ba?

naalala ko bago ako sumakay ng bus, nang bumaba ako ng dyip, may nakasagi sa akin na nakamotor. punung-puno ng barya ang aking kamay noon dhail sa sukli ng drayber. nang masagi niya ang aking kamay, tumilapon ang mamisong hawak ko kasabay ng pagsigaw ko na put..na. tumigil siya, lumigot, at tumitig sa akin habang isa-isa kong pinulot ang baryang ipapambayad ko mamaya sa bus. inangat ko ang aking ulo na may nakakunot na noo.

"sori, sori, hindi ko nakita. ..."

hindi ko na narinig ang iba niyang sinabi. ay, hindi ko na pala pinakinggan sa sobrang inis. tumango na lang ako para umalis na siya.

huling piso na lang at makatatayo na rin ako sa gitna ng kalsada pero nasa ilalim ng dyip ang pisong iyon. halos tapat din iyon ng aking muka kaya't tumayo na ako at tuluyang tumawid. nabawasan nanaman ng piso ang alkansya ko. amoy usok na ako. aga-aga, mukhang masisira nanaman ang araw ko.

paulit-ulit kong binabanggit ito sa sarili habang naghihintay ng bus na daraan. ang tagal ng bus dito, ang layo kasi ng bahay e. dinamay ko na rin ang pagiging malayo ng bahay namin at kung anu-ano pa. nang dumating ang bus, sa wakas, naupo ako sa dulo. hindi masikip dahil mataba ang isa sa amin at wala nang nagtangka pang umupo sa tabi namin.

matagal ang biyahe pag nasa bus lalo na't kung mainit at damang dama mo ang anghit ng katabi mo. pero sa pagkakataong ito, walang anghit. mahangin dahil malapit ako sa bintana at hindi rin masikip. buti naman at dito maayos. yumuko ako at pumikit, parang nagdasal pero hindi talagang dasal. nang idilat ko ang aking mga mata, nakakita ako ng piso.

uy! swerte! may piso! sabi ko sa sarili nang makakita ako ng piso sa may paanan ng isang mama. wala atang nakakita maliban sa akin. pupulutin ko ba?

pupulutin ko ba? baka hulog ito ng Diyos sa akin dahil alam niyang magkukulang ang pamasahe ko. pupulutin ko ba? baka kapalit na ito noong pisong hindi ko napulot kanina. swerte ito. piso para sa akin!

pero, baka sakto lang ang pamasahe ng may-ari ng piso. baka kailanganin niya.

kinalabit ko ang mamang nakaupo sa aking harap na pinakamalapit sa pisong iyon. nang lumingon siya, pinuro ko ang piso. pinulot niya ito agad at ngumiti sa akin. nagulat na lang ako at kamukha niya ang lalaking nakamotor na nakabangga sa akin kanina.

biro lang. hindi niya kamukha pero nagulat talaga ako dahil ang sarap ng pakiramdam nang makita ko ang ngiti noong mama. hindi naman pala malas o sira ang umaga ko. swerte pala, talaga. nakatulong ako.

A.R.K. = acts of random kindness