9.20.2007

ang mahiwagang ale

nasa dyip ako nang may sumakay na mag-ina. sa kanang kamay ng ale ay may nakasabit na rosaryo, sa kaliwa ay hawak naman ang anak na lalaki na nasa humigit-kumulang pitong taong gulang. naglalaro naman ng kotseng plastik ang batang lalaki na nakaupo sa tabi ng kanyang ina. wala nang iba pang nakaupo sa dyip kundi ang mag-ina, ako, at ang tsuper na sitsit nang sitsit sa mga taong dumadaan sa may bangketa. napakabagal ng takbo ng dyip, higit pa ang karo. binubusinahan na siya ng mga sasakyan na nasa likod ngunit tila bingi yata ang tsuper at hindi man lang sumisilip sa salamin upang tanawin ang mga galit na nasa likod.

naiinip na rin ako nang may maramdaman akong sumalat sa aking kaliwang kamay. napatingin ako sa gulat sa aking kamay, at sa aleng nasa harap ko lang. nakatitig siya sa akin. malaki ang kanyang mata at isa-isa niyang ginagalaw gamit ang kanyang daliri ang rosaryo na nasa kamay. ang labi niya ay gumagalaw din na tila may binubulong na kung anong mga salita. binaling ko ang aking tingin sa labas at pilit inintindiang mga nangyari. may babaeng matanda na may hawak na rosaryo at bata sa aking harap. hinipo niya ang aking kamay at tumitig sa akin, at hanggang ngayon ay nakatitig pa rin.

nang makapag-isip na ako nang matino, muli akong tumingin sa kanya. nakatitig pa rin siya. bumaba ako nang dyip at umastang naiinis sa kabagalan ng dyip. hindi pa nakabababa ang isa kong paa sa dyip nang muli kong maramdaman ang pamilyar na salat. sa pagkakataong ito, sa likod ko naman ito naramdaman, sa gawing kanang balikat. muli akong napatitig sa kanya sa gulat, muli. muli, nakatitig siya nang malaki at gumagalaw ang kanyang labi.