8.25.2007

sagip

bitbit niyang mabuti ang plorerang humahawak ng magaganda at makukulay na mga bulaklak. sari-sari at naiiba ang amoy at itsura ng mga ito. tila may halong galak ang bawat sibol. ililipat lang sana niya ito ng lugar upang masinagan ng araw nang biglang dumulas at malaglag ito sa kanyang mga palad. hindi niya alam kung bakit at kung paano ito nangyari.

basak. at, walang pag-aalinlangan siyang yumuko nang mabagsak ang plorera. nagkalat ang mga bubog, pati na rin patak ng kanyang dugo na humalo sa tubig. nakahilata ang iba pang mga bulaklak habang ang iba nama'y nasa palad na niya. dahan-dahan, pinupulot at inaayos niyang muli ang mga ito--tulad nang bago pa ito nilagay sa ngayon na basag na plorera.

huli na nang malaman niyang nasasama ang mga bubog sa kanyang pagpulot. tumutusok sa kanyang mga palad. ang ilan, sa kanyang mga braso pa. doon na lamang niya naramdaman ang sakit nang makita niya ang mga dugong nawala sa kanya. ngunit, kasabay na rin nito ang paniniwalang binuo niya sa kanyang sarili.

gagaling din siya at kasabay ng paghilom ng mga sugat na ito ang patunay na kahalagahan ng mga bulaklak na pinulot.

hindi niya ninais na baguhin ang mga nangyari. katunayan, sa kanyang isip, at patuloy na tumatakbo sa kanyang isip araw-araw, kung sakaling magkaroon ng muling pagkakataon, hindi pa rin siya mag-aalangang pulutin ang mga ito dahil alam niyang higit sa mga sugat at peklat ang kasiyahan na nadarama niya sa tuwing nakikita ang mga ito.