8.30.2007

lumabas si hitler at marcos sa betsin

hindi naman ito siguro panaginip na mamaya'y magiging din ako. katunayan, pagkadilat ko ng aking mga mata, nagulat na lang ako at nandito na ako. hindi ko naman alam kung anong lugar 'tong napasukan ko.

may kulay ginto na tarangkahan na humarang sa akin. bagaman nakaharang, kitang kita ko naman ang mga tao sa loob, marami sila at tila masayang masaya. tinanong ako ng lalaking nakarobang puti na sa unang tingin ay kagagaling lang ng banyo, "ano'ng pangalan mo?"

hindi ko sinagot ang tanong niya. ay! sinagot ko pala ngunit hindi ang tanong niya. sinagot ko siya ng isa pang tanong, "paano mo nalamang pilipino ako?" nakapagtataka naman kasi dahil hindi siya mukhang pilipino. ang damit niya ay kakaiba, buhok niya'y hindi kulot at siya'y matangkad. natanong ko hindi dahil gusto kong malaman, ang nais ko lang talaga ay malaman kung bakit ako narito. baka kasi alam niya ang sagot.

ilang mga katanungan lang at pinapasok din niya ako. akala ko naman ay hahayaan na lang niya akong abutan ng ulan doon sa labas. at sa aking pagpasok, isang matanda ang sumalubong sa akin. nang tingnan kong mabuti, napansin kong may mga sumusunod sa kanya. ilang mga lalaki na may hawak na mga kwaderno. naalala ko tuloy noong unang taon ko sa kolehiya, tandang tanda ko pa, pilosopiya... socrates! siya kaya si socrates?

noong una'y hindi ko siya, sila papansinin ngunit siya mismo ang lumapit sa akin. tinanong ako ng matanda, "iho, ano'ng pangalan mo?" matagal akong napatitig sa kanya. hindi ko alam ang isasagot. hindi sa takot akong ma-kidnap o maging biktima ng akyat-bahay. alam ko naman kasing hindi niya ako mahahabol ng matandang ito at alam ko rin na mas mabilis akong tumakbo sa mga lalaking nasa likod niya. kung anu-ano lang kasi ang pumasok sa aking isip at tila nakalimutan ko ang tanong niya. at sa pagnanais na makalayo, tinanong ko na lang din siya, "paano mo nalamang pilipino ako?" hindi naman ata niya narinig kaya't umalis na lang ako nang mabaling ang tingin niya sa mga ibong nag-iingay sa may poste ng ilaw.

tinahak ko ang kalsadang unang nakita ko. ang kinis ng kalsada dito, halos kung ikukumpara, talo pa ang pwet ko sa kinis. maghahanap sana ako ng matinong matatanungan tungkol sa lugar at kung paano makauuwi dahil wala ring dyip o bus na makita ngunit naagaw ng dalawang lalaki ang aking atensyon. magkaharap na nakaupo ang dalawang lalaki sa bangko habang nagkwekwentuhan. tila magkasundong-magkasundo ang dalawa dahil sa tawanan niya. naisip ko naman, walang bir o gin sa tabi nila kaya't siguro'y matino namang kausap ang mga ito. nilapitan ko, magtatanong na sana ako nang mapansin ko ang bigote ng isa. alam ko 'to, kilala ko 'to e! hindi siya artista, at sigurado ako roon. hindi siya atleta. litrato... video... hitler! anak ka ng...!

nanuyo ang aking lalamunan at hindi na ako nakapag-isip. kumaripas na ako ng takbo habang hindi pa niya ako nakita. nang makalayo-layo na ako, nagtago ako sa isang mataas at malapad na puno. hindi ko na inisip kung anong uri ng puno iyon, tutal bobo naman ako sa agham o siyensya. sumilip ako sa kanila. hindi nila ako napansin.

pinagmasdan ko silang dalawa habang sila'y nag-uusap at naglalaro ng chess, o dama o snakes and ladders kaya iyon?

natuwa naman ako sa kanila habang pinapanood ko sila. humahalakhak si hitler habang nagpapatawa ang kausap. nagtaka naman ako, "sino kaya ang kausap niya? ang tapang naman...."

ang kasama naman niya ang tinitigan ko. parang namumukhaan ko siya. tila nakita ko na siya sa kung saan. parang artista... hindi, nakikita ko siya sa telebisyon, alam ko. alam ko. "...i declare martial..." anak ng...! wala nang isip-isip, naghanap na lang ako ng bagong matatanungan.

napansin ko nanaman ang kalsada, ang kinis talaga. inikut-ikot ko ang aking ulo, napansin ko na walang mga bangketa, wala ring mga sasakyan, dyip o traysikel man lang. kaya siguro walang lubak, kaya siguro ang kinis ng pwet ng lugar na 'to.

wala nang tao sa mga kalsada. madilim na ang langit ngunit halos lahat ng bahay doon ay bukas pa ang mga ilaw. nag-aalinlangan tuloy ako kung tutuloy ba ako sa paglalakad o babalik na lamang sa mga nadaanan ko ngunit kasabay nito, naisip ko rin, nadaanan ko na sila, babalik pa ba ako? isa pa, baka may mga militar na nakatago roon at pagbabarilin ako o kung malasin, mapagtripan at kilitiin hanggang maubusan ng hininga, nakatatakot naman.

kaya pinili ko na lang na tumuloy sa paglalakad kahit alam kong matatagalan. hindi naman mainit at hindi rin masyadong madilim dahil sa mga ilaw sa tabi ng kalsada. habang naglalakad, gusto ko sanang matawa, o naguguluhan din at nagtataka, sa kung saang lupalop ba ito at wala akong maintindihan.

hatshepsut, thutmose, sana naman hindi sila magpakita rito at siguradong babalik ako kila hitler at marcos. dumating ako sa isang kanto, napasilip, at nakakita ko ng batang babae nakaupo sa may tabi. sana naman ay hindi ito si elsa ng bantay bata o kung sino naman. pero, natuwa na rin ako nang makita kong hindi siya umiiyak, ayaw ko naman kasing magpatahan ng batang hindi ko kilala lalo na't sa mga ganitong panahon na naliligaw ako.

nang makita kong hindi siya umiiyak, binalak ko nang umalis at magpatuloy dahil sigurado naman akong hindi niya matuturo ang daan ko pauwi ngunit pinigilan ako ng isang tanong. "anong pangalan mo?" ikatlong beses ko na itong naririnig at kahit isang beses ay hindi ko sinagot. bago pa ako makasagot ay tinundan pa ni elsa ng isa pang tanong ang tanong, "bago ka rito?"

"bago ka rito?"

"...ka rito?"

"...ka rito..."

"...rito..."

umalingawngaw nang paulit-ulit ang boses ng bata sa buong paligid. umikot at tila gumuho ang mga gusali at punong naroon. mabilis. magulo. mabilis na mabilis. maingay.

"gising na! tanghali na! may pasok ka pa." sabi ng aking kapatid habang niyuyugyog ako.

anak ng... marami nanaman siguro akong nakaing betsin.