8.08.2007

gusto kong lumipad

gusto kong lumipad. yung pakiramdam na nasa taas ka ng lahat. ang sarap siguro ng pakiramdam.

tatakbo ka ng mabilis na mabilis, habang sabay na ipapaypay ang mga kamay. taas baba. sabay talon kapag humipan na ang malakas na hangin. paypay lang ng paypay. hanggang umabot ka sa taas kung saan makikita mo na yung mga bagay na dati ay pinapangarap mo lang. makikita mo lahat. buo. sa baba ng paa mo. tapos, tiyaka mo lang ititigil ang mga kamay. hahayaan na lang na dalhin ng hangin kung saan niya nais. paikot-ikot. palayo. pabalik. pataas. pababa, pero kauti lang. ‘wag naman sobrang baba.

nakakatakot lang lumipad. kasi, hindi mo alam kailan ka babagsak. kaya nga ‘pag may plano ka talagang lumipad, dapat paghandaan mo. hindi puwede yung trip trip lang.

gusto kong lumipad, hindi naman makalipad. hindi sa natatakot ako. tingin ko kasi, hindi pa ako handa. gusto ko, ‘pag dumating yung araw na makalilipad na ako, alam ko na rin kung paano bumaba. ayaw ko rin namang manatili doon. magiging malungkot ang buhay ko kung gano’n. ang sabi kasi sa akin dati, sabi na rin sa akin ng aking mga napagdaanan, kung gusto kong lumipad, dapat handa ako sa lahat ng bagay. hindi yung… ..handa akong malaglag. madapa. masugatan. mapilayan. mabalian. maospital. kaya nga hindi rin ako nagmamadali.

kaso, minsan, hindi mo naman maiwasang magtaka. mag-isip. kung ano nga ba ang mayroon doon. kung ano ang pakiramdam ‘pag nasa taas ka na. ‘pag nasa baba na silang lahat. nagtataka lang.

kaso, kung iisipin mo, nakakatakot din. paano kung hindi ka na makababa. mabulok ka na roon sa taas. o kung hindi, malasin, mahipan ng hangin paibaba. ospital. patay. patay.

kung hindi man, ang lungkot sigurong manatili roon ng matagal. wala kang kasama. wala kang kausap. lahat, malayo sa’yo. oo nga, kilala ka ng lahat. pero, kilala mo ba sila?

mayroon akong kakilala rati. ang galing niya. magkababata kami pero nakarating na siya sa taas. nakalipad na siya. ang taas nga ng narating niya. bilib na balib ako sa kanya noon. kaso, sa sobrang taas ata niya, nang umaraw, hindi niya nagawang umiwas. nasunog siya. mayroon din akong isa pang kakilala. nakarating na rin siya roon. nakalipad na rin siya kaso tinamaan ng kidlat.

naisip ko, hindi biro ang paglipad. maraming pananagutan kapag lumilipad ka na. kailangan marunong kang makisama sa lahat ng bagay—lalo na sa araw at kung ano man na siguradong higit pa sa mga kakayanan natin. at marami pang iba. sigurado, marami pang mga bagay ang dapat kong matutunan at malaman.

hindi na lang, maghihintay na lang ako. maghahanda. balang araw, makararating din ako roon. at, matututo akong bumaba ng tama.