7.17.2007

iba siya

nasa dyip nanaman ako no'n papasok ng eskwelahan. himalang mabilis ang pagpapatakbo ng tsuper. walang trapik. sumulyap ako sa relo ng nasa tapat ko. wala pa atang alas-siyete kung tama ang turo ng kanyang relo.

tila nagmamadali ang tsuper. talagang mabilis ang kanyang pagmamaneho. halos hindi na nga niya hinihintuan ang mga pumapara. hindi niya ata nakikita. at mukhang hindi lang ako ang nakapansin nito. kung babasahin ang mga mukha ng mga pasaherong nakikita ko, at kung tama ang aking pagbabasa ng kanilang mukha, naiirita na sila.

nililipad at nagugulo ang aming mga buhok. hinihipan ng bahagya ang mga palda ng mga babae. wala namang halos pakialam ang mga lalaki maliban na lamang sa tuwing gegewang ang dyip at dudulas ang kanilang pwet sa upuan.

nakaamoy ako ng pamilyar na halimuyak. alam ko ang amoy na iyon. kilala ko ang amoy na iyon.

hinahangin ang buhok ng aking katabi. iyon ata ang naaamoy ko. nakahahalina.

madalas kong ubusin ang kanyang pabango. minsan pa nga ay parang rugby kong sinisinghot ang kanyang mga palad. ay, madalas pala. at madalas din, hindi ko ito mabitawan. natutuwa ako sa tuwing hawak ko ang kanyang mga kamay. mahigpit man o hindi, masarap ang pakiramdam. hindi dahil mabango o anu pa man, hindi ko lang talaga maipaliwanag ang nangyayari sa tuwing naglalapat ang aming mga palad.

dagdag na lang siguro ang bangong iniiwan niyo sa aking mga palad. tila ito ang nagpapaalala sa akin sa mga bagay-bagay.

hindi ko naman masabi kung ano ang pinagmumulan ng samyong ito. wala na rin akong pakialam sapagkat hindi ko bibitawan ang kanyang mga palad.

sa tuwing naaabot ng aking mga pandama ito, lumalakas ang pag-ihip ng hangin, bumabagal ang pagbabanta ng oras, gumigiling ang mga rosas at marisol, lumalabas ang bahaghari habang umuulan, sumasabay din ang mga iba't ibang kulay na paru-paro't tutubi. napakagandang tingnan, hindi lang amoy.

sa tuwing naaabot ito, hindi lang pang-amoy kundi pari na rin ang ibang pandama--pandinig, paningin. at hindi lang pandama, pati rin ang aking nadarama.

naglilitawan ang hindi masabi. nadarama ang hindi naman maintindihan ng iba. lumalabas ng kusa ang kami lang ang makapagsasabi--o hindi talaga masabi.

hala! lumagpas na sa eskwelahan! pumara ako at bumaba ng dyip, tyaka ko lang naisip na hindi magkasimbango ang halimuyak nila. katunayan, ibang iba.

mahal ko siya, iyon ang pagkakaiba. iba siya.