7.11.2007

buti na lamang at trapik sa espana

masungit ang drayber ng fx na nasakyan ko kaninang umaga. hindi ako binigyan ng diskuwento pang estudyante. mas mahina pa sa bentilador ang aircon niya. basa na ng pawis ang aking magkabilang braso't kilikili dahil sa dalawang mamang natabi sa akin na may napakalaking biceps. gusot na ang aking unipormeng tela'y "gusot mayaman". naiwan ko ang aking pabangong peke. pakiramdam ko'y napakadungis ko na, papasok pa lamang ako ng eskwela.

nasa akin na yata ang lahat ng karapatan para magpakabugnot at mainis, lalu na't kung aalalahanin ko pa ang bagsak na quiz ko sa math, basang sapatos dahil sa buhos ng malupit na ulan kagabi--na hindi pa naging bagyo sa lagay na iyon. puwedeng puwede na kong magdabog. kaya't mamaya, paghinto ng fx sa may eskuwelahan, ibabagsak ko ang pinto, maglalakad ako ng mabilis, at iirapan ang gwardya sa may tarangkahan. panalo!

pero anu nanaman ito? trapik! nauunahan na kami ng mga tao sa labas na naglalakad lamang. puwedeng puwede na talagang uminit ang ulo ko! ayos!

at sa wakas, umabot na kami sa kanto. isang kanto na lamang at maaari ko nang ibalibag ang pinto nito. makaaalis na ko sa bilangguang gawa sa daga-dagaang mga masel. naku! nananabik na ko!

isang kanto na lamang! ayos! pero napakatagal. hindi nakikiayon sa akin ang stoplight. at, masyado naman yatang mabait itong drayber ngayon at lahat ng nais sumingit sa kanya ay hinahayaan na lamang niya. aba! aba!

nalingat ako sa may bangketa. may isang matanda roon na may bitbit na malaking supot. tila puno tela ang laman. bakas sa mukha ng matandang ale ang bigat ng kanyang bitbit. inikut-ikot ko ang aking ulo. kaya pala, lahat ng fx ay puno. ang mga dyip naman ay umaapaw--may mga sabit pa.

hindi ko na kailangan pang pumara. nakahinto ang mga sasakyan. binuksan ko ang pinto ng fx at sinara, hindi binagsak. mabilis akong lumapit sa matandang ale. pinasan ko ang kanyang dalang plastik. hindi ako umaasang fairy god mother siya na pagkatapos kong tulungan ay bibigyan niya ako ng tatlong kahilingan. hindi rin ako hihiling ng red na sports car. hindi ko alam kung anong pumasok sa batugan kongkatawan.

inalalayan ko siya hanggang sa fx, sa upuan kung saan kanina'y ako ang nagmamay-ari. pagkatapos, naglakad na ako. isang kanto lang naman. pawis na rin ako. mahangin naman, kaya't hinayaan ko na lamang na patuyuin ng hangin ang aking mga braso't kilikili.

naisip ko, suwerte ko at hindi na umaambon.