6.06.2007

ulan

maulan nitong mga nakaraang araw at sigurado akong lahat ay nakapansin nito. tama ba? malakas ang ulan at lalo ang hangin kagabi. naalala ko pa nga nang pilit kong pakinggan ang mga malalakas na patak sa aming bubong na yero. napakalakas pero nakatulog din ako nang masanay na ang aking mga tainga sa orkestra na kanilang nililikha.

ngunit hindi na ngayon. nasa labas ako ng aming bahay nang mahuli ko ang sarili na nakatitig sa tingkad ng kulay ng mga damo’t halaman, pati na rin ang maliwanag na langit. naalala ko ang turo ng aking guro no’n:

guro: ..a rainbow comes after the rain. okay class, what comes after the rain?
sabay-sabay na sigaw naming mga umaasang makakakuha ng star sa kamay: rainbow!


pero walang rainbow ngayon. pero hindi ibigsabihin nito na nagsinungaling ang guro namin. siguro lumabas na pagkahinto ng ulan, hindi ko lang naabutan. siguro maliit lang kaya hindi ko makita sa kinatatayuan ko ngayon. pero hindi ko na pinansin ito nang may umagaw sa aking atensyon. napa-isip akong muli:

ang lakas ng ulan kagabi pero ngayon, sa paggising ko, itong mga kalat-kalat na basa na lamang ang magpapaalala sa akin no’n.

tapos, maya-maya matutuyo na rin.

at may humabol pang ilang mga salita sa aking isip:

malakas nga ang ulan kagabi pero nakatulong pa yata ito sa pagpapatingkad ng kulay ng mga bagay-bagay sa paligid.

napangiti na lang ako:

naging malakas nga ba ang ulan kagabi? nakalimutan ko na.