6.16.2007

kwentong kurdapyo

magmula nang magkaisip, makapaglakad, makapagsalita, si kurdapyo, kinagisnan na niya ang mabuhay araw-araw nang walang ama. ulila sa ama si kurdapyo. yumao ang ama sa mismong araw nang siya'y ipinanganak. malas o sumpa nga raw siya sabi ng mga kapitbahay at ilang mga kadugo, at nabuo na rin ito sa kanyang isip. isa siyang salot sa pamilya, pati na rin sa bayan.

lumaki siya at nagkaisip, nakakilala ng mga taong mula sa iba't ibang sanga ng mundo, nakakuha rin ng iba't ibang klase ng kwento na ilan ay tulad ng kanya--mga batang walang ama--iba't ibang dahilan--amang nasa abrod, amang lulong sa trabaho, amang lulong sa bisyo, sa droga pa nga, at ilan ay amang nasa hukay. iba't ibang mga kwento mula sa iba't ibang mga tao na nanggaling sa iba't ibang sulok ng mundo ang kanyang narinig. at dahil din dito, nabuksan ang kanyang mata sa tunay na kulay ng mundo--realidad.

minsa'y nabubugnot si kurdapyo, kadalasa'y napapahikbi sa pag-iyak ngunit higit na madalas ang mga ngiti at patawang binibitiwan sa mga kasamahang walang kamalay-malay sa kanyang pinagdaraanan. tila nabuhay siya sa isang hawlang mapagpanggap hanggang sa mabago ito ng panahon, tamang paniniwala, at determinasyon.

pilit niyang tinabi ang kapansanang ito. namuhay siya ng masaya at matiwasay--sa kanyang palagay, kasama ang mga kapatid at ina. pilit niyang binuhay ang sariling buhay sa likod ng kanyang katauhan. naging independiyente siya. tapat. likas. handa. gala. bukas.

naging bukas siya sa lahat ng pagkakataon. bagaman nasa murang edad pa lamang, masasabing napakarami na niyang napagdaanan--masama at mabuti. at sa kabutihang palad na rin, alam niya ang tama at mali--salamat na rin sa gabay ng kanyang ina.

isang araw, binago ng tadhana ang lahat. nagbalik ang kanyang ama. buhay. hindi siya makapaniwala dahil nakatanim pa rin sa kanyang utak ang lapida ng kanyang ama. at ngayon, may ama na siya. may mag-aalaga at gagabay na sa kanya. ngunit natuto na siyang mabuhay nang hindi umaasa sa iba--sarili lamang. ang pagbalik ng naglalakad na lapida ay halos hindi na mahalaga sa kanyang kasalukuyang estado lalo na't sa mga pagkakataong tila limang taong gulang ang turing nito sa kanya, dahil na rin sa kakulangan ng kaalaman tungkol sa kanya. hindi nga naman niya nakwento sa ama ang mga napagdaanan magmula sa simula. napakatagal no'n.

hindi rin magkaintindihan ang kanyang ama't ina. hindi sila nag-uusap o nagkikibuan. at dahil din dito, naiipit si kurdapyo sa gito ng dalawang nagsasalpukang bundok. malaki. mabigat. mahirap maintindihan. lingid sa kanilang kaalaman, may naninirahan sa kanilang pagitan.

higit na humirap ang sitwasyon para kay kurdapyo. walang lugar na mapaglagyan ng pangarap at kalayaan. tila kailangan niyang mamili kung saang bundok aakyat. tila hindi na niya alam kung anong dapat sabihin at kung sinong masasabihan sa dalawa.

kilailangan niyang magpasya. diretsong naglakad si kurdapyosa pagitan ng dalawang bundok. tinahak niya ito hanggang makarating sa malawak na paraiso. dito, nawala sa kanyang paningin ang malalaking bundok at bato. dito, makapagpapahinga siya. malaya, ngunit nasa tama pa rin.

ilang oras ang nilagi niya rito. nakaupo. nakahiga. gusto niyang isipin na nakatakas na siya sa lahat ng bumabagabag pero hindi. alam niya na ilang sandali lang ay kakailanganin na niyang tumalikod at bumalik sa pinanggalingan, na hindi pa oras para mamalagi sa paraisong ito, na may naghihintay na mga pagsubok pa sa kanyang likod, na kailangang pagbayaran ang paglabag sa batas na sinuway, na.. na.. na..