6.25.2007

sumubsob ang kalabaw sa kanya

nakapunta ka na ba sa isang audisyon? halimbawa, yung mga audisyong pang-teatro? may napasin ka ba?

kailan lang may napuntahan akong ganitong audisyon. sa sampung aplikante, siguro ay isa lamang ang lalake. at sa sampung lalake, siguro tatlo lamang ang tunay na lalake. pero, hindi ito ang aking punto. wala akong pakialam sa kung ilan o anu pa man ang kanilang kasarian o nais na kasarian.

napansin ko lamang, nang magpakita ang bawat isa ng kani-kanilang mga talento sa pag-awit, sa pagsayaw, sa pag-arte at kung anu-ano pa--napansin ko ang mga lalake--ang kakaunting mga lalake. siguro ay sa sampung lalake na umarte, siyam ang umarteng babae o bakla. at dahil dito, hindi ko mawari ang dahilan.

katunayan, isa ako sa siyam na iyon. madalas akong umarteng bakla ngunit hindi ko alam kung bakit. siguro ay mas may napapasaya ako sa ganitong paraan. mas maraming tumatawa, mas mabilis makaakit ng atensiyon at mas madaling ipakita, kumilos, o magsalita sa ganitong paraan. hindi ko alam talaga.

nang makauwi ako ng gabing iyon, wala akong ibang inisip kundi iyon. bakit nga ba gano'n? at umabot ako sa puntong tila nalaman ko na ang sagot. tila dahil hindi ako sigurado sapagkat wala akong basihan. ngunit naisip ko, baka dahil ang mababa ang tingin ng mga tao sa mga taong ito? baka dahil tinuturi silang abnormal ng mga taong ito?

kinabukasan ng araw na iyon, linggo, nakasakay ako sa dyip papuntang a.bonifacio. may nakasabay akong isang bakla--bagaman wala akong basihan sa pagsabi kung siya nga ay isang bakla o hindi. simple lang ang kanyang suot, puting polo at itim na pantalon. napansin ko siya nang biglang huminto ang dyip. sumigaw siya, "ay! sumubsob ang kalabaw!" halos madaganan siya ng katabi niyang mama na kasinlaki ni jimmy santos.

natawa ako nang makita ko, ngunit kasabay ng pagngiti ko ang pagpasok ng isang sagot muli sa aking katanungan. bakit hinahamak ang mga bakla? bakit mababa ang tingin sa kanila? kung iisipin natin, sila ay nabubuhay bilang tao. sino tayo para sabihing abnormal ang mga taong ito? sa huli, kung iisipin natin, tao rin naman ang nagbigay ng sukatan ng pagkakaiba ng lalake at babae.

6.23.2007

pagiging tao mo'y hanggang kailan?

madalas sa buhay mapapatigil tayo, matutulala, at mapapa-isip ng mga bagay-bagay na wala man lang makasagot, walang matanungan.

minsan natanong ko sa sarili ko, dahil na rin walang matanungang iba, "ba't ba ko nandito?" hindi ko talaga maintindihan. hindi ako lumitaw na lang bigla. hindi ako basta na lang nangyari dahil alam kong kahit papaano, pinag-isipan ako. inisip ako bago ako inumpisahan. binalak ako noon. kung gayon, alam ko, may dahilan.

at sa mga bagay-bagay na pinag-gagagawa ko sa buhay ko, ito nga ba ang bagay na nararapat sa akin? ito nga ba ang mga bagay na dapat kong ginagawa? pinanganak nga ba ako para magpakasaya gabi-gabi, lumamon nang walang sawa, magliwaliw at kung ano?

paano ko malalaman? paano mo malalaman? mahirap, hindi ba? mahirap kung sa iisipin mo lang. ngunit dahil iniisip mo lang, una, isipin mo munang madali para naman hindi ka mabaliw diyan sa kinauupuan mo. ihanda mo muna ang isip sa walang hanggang paglalakbay, malawak pa sa kalawakan. at pag nakahinga ka na ng malalim, lumuwas ka na sa iyong katawan.

isipin mo ang sarili mo. isipin mo ang mga gawaing dapat mong gawin. isa-isahin mong tanungin sa iyong sarili, "ito ba ay para sa akin?" hindi ibigsabihin na hilig mo, oo o tama na ang sagot. hindi ibigsabihin magaling ka sa ganitong aspeto ay kailangang ito na ang gawin mo. isipin mo muna, tingnan mong mabuti ang hindi nakikita ng mga mata at tainga mo. ang iyong pagkatao ay nilikha para maging tao--umasta bilang tao, mag-isip at magsalita bilang tao.

hindi naman ibigsabihin na dahil hindi mo na nagagampanan ang iyong tungkulin ay hindi ka na tao. tao ka pa rin, hindi ka nga lang umaasta o kayang umasta bilang tao. halimbawa, makakita ka ng isang aksidente. may isang mama na nabangga sa kalsada habang naglalakad--isang uri ng gawain ng tao, naospital siya at dineklara ng doktor na taong-gulay na. utak na lamang niya ang gumagana. walang malay ang kamay at paa. hindi na siya makagagalaw magpakailanman. sa ganitong sitwasyon, bagaman malungkot, may katanungan ako, tao pa rin ba siya? kung oo ang iyong sagot, paano mo masasabi kung gayong hindi na niya magagampanan ang mga gawain ng isang tao. kung hindi, bakit naman? ang pagkatao naman niya'y nariyan pa, hindi ba?

6.16.2007

kwentong kurdapyo

magmula nang magkaisip, makapaglakad, makapagsalita, si kurdapyo, kinagisnan na niya ang mabuhay araw-araw nang walang ama. ulila sa ama si kurdapyo. yumao ang ama sa mismong araw nang siya'y ipinanganak. malas o sumpa nga raw siya sabi ng mga kapitbahay at ilang mga kadugo, at nabuo na rin ito sa kanyang isip. isa siyang salot sa pamilya, pati na rin sa bayan.

lumaki siya at nagkaisip, nakakilala ng mga taong mula sa iba't ibang sanga ng mundo, nakakuha rin ng iba't ibang klase ng kwento na ilan ay tulad ng kanya--mga batang walang ama--iba't ibang dahilan--amang nasa abrod, amang lulong sa trabaho, amang lulong sa bisyo, sa droga pa nga, at ilan ay amang nasa hukay. iba't ibang mga kwento mula sa iba't ibang mga tao na nanggaling sa iba't ibang sulok ng mundo ang kanyang narinig. at dahil din dito, nabuksan ang kanyang mata sa tunay na kulay ng mundo--realidad.

minsa'y nabubugnot si kurdapyo, kadalasa'y napapahikbi sa pag-iyak ngunit higit na madalas ang mga ngiti at patawang binibitiwan sa mga kasamahang walang kamalay-malay sa kanyang pinagdaraanan. tila nabuhay siya sa isang hawlang mapagpanggap hanggang sa mabago ito ng panahon, tamang paniniwala, at determinasyon.

pilit niyang tinabi ang kapansanang ito. namuhay siya ng masaya at matiwasay--sa kanyang palagay, kasama ang mga kapatid at ina. pilit niyang binuhay ang sariling buhay sa likod ng kanyang katauhan. naging independiyente siya. tapat. likas. handa. gala. bukas.

naging bukas siya sa lahat ng pagkakataon. bagaman nasa murang edad pa lamang, masasabing napakarami na niyang napagdaanan--masama at mabuti. at sa kabutihang palad na rin, alam niya ang tama at mali--salamat na rin sa gabay ng kanyang ina.

isang araw, binago ng tadhana ang lahat. nagbalik ang kanyang ama. buhay. hindi siya makapaniwala dahil nakatanim pa rin sa kanyang utak ang lapida ng kanyang ama. at ngayon, may ama na siya. may mag-aalaga at gagabay na sa kanya. ngunit natuto na siyang mabuhay nang hindi umaasa sa iba--sarili lamang. ang pagbalik ng naglalakad na lapida ay halos hindi na mahalaga sa kanyang kasalukuyang estado lalo na't sa mga pagkakataong tila limang taong gulang ang turing nito sa kanya, dahil na rin sa kakulangan ng kaalaman tungkol sa kanya. hindi nga naman niya nakwento sa ama ang mga napagdaanan magmula sa simula. napakatagal no'n.

hindi rin magkaintindihan ang kanyang ama't ina. hindi sila nag-uusap o nagkikibuan. at dahil din dito, naiipit si kurdapyo sa gito ng dalawang nagsasalpukang bundok. malaki. mabigat. mahirap maintindihan. lingid sa kanilang kaalaman, may naninirahan sa kanilang pagitan.

higit na humirap ang sitwasyon para kay kurdapyo. walang lugar na mapaglagyan ng pangarap at kalayaan. tila kailangan niyang mamili kung saang bundok aakyat. tila hindi na niya alam kung anong dapat sabihin at kung sinong masasabihan sa dalawa.

kilailangan niyang magpasya. diretsong naglakad si kurdapyosa pagitan ng dalawang bundok. tinahak niya ito hanggang makarating sa malawak na paraiso. dito, nawala sa kanyang paningin ang malalaking bundok at bato. dito, makapagpapahinga siya. malaya, ngunit nasa tama pa rin.

ilang oras ang nilagi niya rito. nakaupo. nakahiga. gusto niyang isipin na nakatakas na siya sa lahat ng bumabagabag pero hindi. alam niya na ilang sandali lang ay kakailanganin na niyang tumalikod at bumalik sa pinanggalingan, na hindi pa oras para mamalagi sa paraisong ito, na may naghihintay na mga pagsubok pa sa kanyang likod, na kailangang pagbayaran ang paglabag sa batas na sinuway, na.. na.. na..

6.11.2007

bakit kailangan respetuhin ang mga babae?

hindi dahil nirespeto mo siya, may lisensya ka na para saktan siya? inutil ka ba o ano?

walang may karapatan para saktan siya, at walang makakukuha nito. kung ang mga magulang nga niya, hindi siya magawang saktan, ikaw pa kaya? anong karapatan mo? pinaghirapan siyang ipakilala ng kanyang ina sa mundo, inalagaan at prinotektahan sa mga makamundong kasamaan, pilit binigay ang buhay na masarap at masaya. ginawa ng kanyang nanay ang lahat para hindi siya masaktan sa kahit anong paraan pero sa isang saglit lamang, sisirain mo? babastusin mo? sino ka para gawin ito?

niriispeto ang babae. niririspeto siya dahil karapat-dapat siya para rito.

hindi ibigsabihin na dahil galit ka, naiinis, nabubugnot ay puwede mo na siyang saktan at sabihan ng kung anu-ano. hindi ito nagbibigay ng lisensya sayo para pagsalitaan siya ng masasakit, pagbuhatan ng kamay o kung ano. bakit? una, sino ka ba? pangalawa, wala ka bang pinag-aralan at kailangan mong umasta na parang hayop?

babae ang ina mo. o kung wala kang kapatid na babae, babae ang magiging asawa mo. anak mo. naisip mo na ba kung ano ang mararamdaman mo 'pag nalaman mong may kung sino na lang na nanakit at nambastos sa nanay mo, asawa mo o anak mo?

ngayon, kulang pa ba na dahilan iyon?

eto, ang mga babae ay kailangang respetuhin dahil karapat-dapat sila sa respeto na iyon. bilang babae na nagbigay ng buhay sa atin, bilang babae na sumalo ng bawat dapa at luha natin, bilang babae na naghirap para sa atin, ito ang nararapat sa kanila.

hindi sila pag-aari. hindi sila mga materyal na bagay na gagamitin at itatapon. sila ang mga dakilang nanay na ating dapat tingalain. umasta tayo na parang tao. huwag maging impokrito. magbago. rumispeto.

will you...

hold my hand when i hold yours?
look at me too when i stare at you?
let me open the doors for you?
call me when something’s bothering you?
call me when you have nothing to do?
let me cook breakfast for you?
let me serve dinner for you?
insult but still eat my dish?
watch adam sandler’s movie with me?
watch robin william’s movie as we go to sleep?
let me stare at you sleep peacefully?
let me stare at you when you eat?
surprise me occasionally?
surprise me in your simple ways?
choose the clothes that i’ll be wearing daily?
choose the color of socks i’ll be wearing day by day?
call me when you want me there with you?
call me anytime you feel anything?
let me be a doctor if you’re not feeling well?
let me be a lawyer o a manny when the need arises?
ask me “dear, how’s your day?” everyday?
ask me “dear, you want to ask me “how’s my day?”
tell me when you want something to eat?
teach me a new dish that you’ve been craving for?
ask me to buy groceries for us?
ask me to run an errand for you?
ask me to come with you?
stay healthy for me?
stay the same for me?
comb and fix my hair as i fix yours?
ask me “dear, how do i look?” everyday?
let me answer “dear, you’re smashing everyday.”?
listen when i tell you a silly secret?
listen when i tell you a childish dream with you?
let me remind you if you forget something?
let me remind you that you skipped your meal?
drive when i’m holding the baby?
drive when my eyes are tired?
tell a detailed story of your day daily?
listen to my story too?
laugh at my jokes but remind me if it’s not funny?
let me smell your fragrance everyday?
let me smell your hair and hand as if sniffing a drug?
remind me how we’ve spent our days?
remind me how i make you special?
help me collect our memories?
help me not to forget all the details?
lean to me comfortably?
tell me, “i’m comfortable with you.”?
listen when i say, “me too.”?
answer me “i always do” all the time?

6.06.2007

ulan

maulan nitong mga nakaraang araw at sigurado akong lahat ay nakapansin nito. tama ba? malakas ang ulan at lalo ang hangin kagabi. naalala ko pa nga nang pilit kong pakinggan ang mga malalakas na patak sa aming bubong na yero. napakalakas pero nakatulog din ako nang masanay na ang aking mga tainga sa orkestra na kanilang nililikha.

ngunit hindi na ngayon. nasa labas ako ng aming bahay nang mahuli ko ang sarili na nakatitig sa tingkad ng kulay ng mga damo’t halaman, pati na rin ang maliwanag na langit. naalala ko ang turo ng aking guro no’n:

guro: ..a rainbow comes after the rain. okay class, what comes after the rain?
sabay-sabay na sigaw naming mga umaasang makakakuha ng star sa kamay: rainbow!


pero walang rainbow ngayon. pero hindi ibigsabihin nito na nagsinungaling ang guro namin. siguro lumabas na pagkahinto ng ulan, hindi ko lang naabutan. siguro maliit lang kaya hindi ko makita sa kinatatayuan ko ngayon. pero hindi ko na pinansin ito nang may umagaw sa aking atensyon. napa-isip akong muli:

ang lakas ng ulan kagabi pero ngayon, sa paggising ko, itong mga kalat-kalat na basa na lamang ang magpapaalala sa akin no’n.

tapos, maya-maya matutuyo na rin.

at may humabol pang ilang mga salita sa aking isip:

malakas nga ang ulan kagabi pero nakatulong pa yata ito sa pagpapatingkad ng kulay ng mga bagay-bagay sa paligid.

napangiti na lang ako:

naging malakas nga ba ang ulan kagabi? nakalimutan ko na.