5.21.2007

maskara

masayang masaya ang mga bata habang nanonood ng palabas sa entablado. magaling ang payaso, at hindi niya mapatigil ang mga bata sa kakatawa. sa mga kolorete pa lamang na nakapinta sa kanyang mukha, damit na puno ng kulay, at dagdagan pa ng talento ay nabibigyan niya ng buhay ang silid na ito. sa kaunting galaw, kaunting paglalaro sa kanyang mga salita, napapahalakhak niya ang mga manonood na hindi lamang pulos bata, may ilan ding mga matatanda na katunayan ay napabibilib din.

ngunit hindi lahat ay natutuwa sa kanya. we can’t please everybody nga raw galing sa kasabihan. pero ang masakit, siguro, nilalait pa ang marangal na trabaho ng kawawang payaso. nagbayad ako para panuorin ang taong yan na umarteng magpakatanga? masakit sa tainga pero siguradong higit na masakit sa tainga ng payaso na patuloy sa kanyang pagpapatawa kahit alam kong narinig niya ang mga masamang opinyon ng matanda.

magaling siya na payaso sa aking palagay—may kakaibang karisma. at, bagaman narinig niya ang masamang opinyon sa kanya kanina, hindi siya nagpahalata. katunayan, hindi talaga halata. magaling siya.

ordinaryong araw lang ito para sa kanya. isang oras na pagpapatawa sa entablado, anim hanggang walong beses sa isang araw ang ordinaryong araw para sa kanya. halos wala nang oras para isipin pa ang sariling pakiramdam. pero, lumalabas pa rin siya sa entablado. hindi, lumalabas siya sa entablado hindi dahil ito ang kanyang trabaho kundi naniniwala siyang may napapasaya pa siya—tulad ng mga bata, at ilang mga matatanda. hindi nga naman lahat katulad noong kanina kaya’t lumalabas pa rin siya sa kanyang entablado, masiglang-masigla, puno ng buhay, pilit ginagawang espesyal ang ordinaryong araw ng mga batang ito, at ilang matatanda roon.

ang hindi alam ng lahat, bago matulog, habang nakaupo sa kanyang kama, yayakap siya ng unan at doon hihingi ng tulong at lakas. gugulong ang isa o dalawang luha sa kanyang mga pisngi na namumula pa sa pagkakuskos ng gulurete.

at sa umaga, uupo sa isang monoblak na may hawak na isang tasang kape. ang mukha’y hindi na mukha kundi naging maskara na—maskara na nagbabantay ng kanyang tunay na pakiramdam at pagkatao. habang humihigop ng kape ay nakatitig sa ulap, sa mga ibon. tatayo at ilang sandali pa’y ilalapag na ang tasa, nginigti. ipipilit ang ngiti. aayusin. aayusin ang ngiti hanggang maging natural. handa na siya sa kanyang unang palabas.

lumabas siya ng entabladong puno ng sigla, patalun-talon pa nga. tuloy ang pagpapatawa. tuloy ang pagpapasaya gamit ang maskara.