4.26.2007

bakit malabo ang mata ng tatay at nanay mo?

bakit malabo ang mata ng tatay mo? bakit nga ba lumalabo ang mata ng mga tao lalo na’t pag tumatanda? alam mo ba ang tunay na dahilan?

********

napadaan ako sa isang bangketa malapit sa tinutuluyan kong apartment nang marinig ko ang dalawang lalaking nag-uusap. hindi ko sana sila napansin kung hindi ako rito nakatira. bihira ang mga ganitong pagkakataon na may makikita kang nag-uusap ng masinsinan. madalas, sigawan ang maririnig mo--sigawan na halos hindi mo na maintindihan dahil kasabay nito ang harurot ng mga dyip at bus sa labas, pagbabayo sa ginagawang kalsada sa tapat, at iba't iba pang boses ng mga tao na nagsisigawan--nagbebenta ng sigarilyo, kendi, isda, prutas, sago't gulaman, at tsinelas. buti na lang at sa kabilang kanto pa ang palengke.

binalikan ko ang dalawang lalaking nag-uusap at nagulat ako nang makita kong isang lalaking mga nasa treinta ang edad at isang bata na nasa sampung taong gulang. akala ko may himala na. ang nasa isip ko pa naman ay makakikita ako ng dalawang mama na nag-uusap tungkol sa trabaho, anak, pamilya, o kung ano man na walang kaugnayan sa pag-iinom at pagsusugal. bumili na lang ako ng kendi para hindi naman masyadong mahalata. umupo ako sa bangko katabi ng inuupuan nila. ayan, magkukunwaring tambay na lang ako.

at tulad ng inaasahan ko. hindi ako napansin kaya't tuluyan na nga akong tumambay sa bangkong iyon. tutal, wala naman akong gagawin ngayon, at wala rin akong pasok bukas.

********

"ano bang problema? nag-away nanaman ba kayo ni nanay?"

********

hindi umimik ang mama na nasa humigit-kumulang na nasa treinta anyos. at sa narinig ko, kung hindi ako nagkakamali, mag-ama yata sila. tumuloy ako sa pakikinig.

********

"bakit ba kayo nag-away ni nanay?"

"kulang kasi yung kinikita ko sa pagpapadyak, anak."

"nagagalit si nanay?"

"oo"

"e bakit nagagalit si nanay? bakit kulang yung kinikita niyo, 'tay?"

********

muling tumahimik ang mama na nasa humigit-kumulang na nasa treinta anyos na napag-alaman kong ama pala ng batang iyon. at, ano bang matutulong ng batang ito sa problema ng magulang niya? ano ang magagawa ng sampung taong gulang na bata? maiintindihan ba niya ang..?

********

"anak, mahal ko naman ang nanay e. hindi ko lang talaga kaya kumita ng gano'n kalaki."

"mahal mo nga siya, hindi naman kayo nagkakaintindihan. ba't hindi kayo nag-uusap para magkaintindihan kayo ni nanay."

"anak, hindi naman gano'n kadali ang makipag-usap kay nanay e."

"'tay, ilang taon na kayo magkasama?"

"lagpas sampung taon.."

"'tay! e 'di magkakaintindihan kayo! mag-usap lang kayo!"

********

ayaw ko sanang maniwala pero nanggaling sa bata ang sagot. aanhin mo nga naman ang pagmamahal kung hindi naman kayo nagkakaintindihan, kung hindi kayo nag-uusap, kung hindi kayo magtitinginan, kung hindi ninyo naiintindihan ang isa't isa. tama, mahalaga ang pagmamahal pero nakalilinaw ng mata ang tunay na pagkakaintindihan.

tama na ang pakikinig ng chismis. kailangan ko nang magpahinga at may trabaho pa ko mamaya. makaakyat na nga.

4.21.2007

dumbfounded

it hurts a little,
bites a bit, and
aches an inch harder..
harder and deeper.
it does feel funny, though.
what exactly is this..

honestly, i know.
but, i refuse to know.
for surely it’ll hurt,
not just little.