3.31.2007

munting paru-paro

binuksan ko ang aking mga palad at umasang lalapit ka. pilit kong hinalina ka. hindi naglaon ay dahan-dahan kang nagpahinga sa aking mga palad. tila pagod ka sa iyong paglalakbay. ang iyong mga pakpak ay humahagulgol pa rin. ang iyong mga mata'y umiikot pa rin. may humahabol ba sa iyo, munti kong paru-paro? may tinakasan ka ba? may nagmamay-ari ba sa iyo?

kung anu man yon, huwag kang mag-aalala. narito ako para sa'yo. hindi kita papabayaan laban sa mapanghusga at magulong mundo. gagawin ko ang lahat manatili ka lamang.

nais kong manatili ka sa aking mga palad. nais ko pa ngang masanay ka at mamuhay nang kasa-kasama ako. nais kong mabuhay nang kasama ka. kung maaari, huwag ka nang lilipad pang muli. ngunit huwag mo akong isipin, naiintindihan kita. aking munting paru-paro, handa ako na sa bukas ay maaari ka nang mawala. maari kang lumisan at kalimutan ang aking mga palad. dadapo ka sa ibang palad at muling magpapahinga. hindi kita pipigilan. hindi ko pipigilan ang iyong mga pakpak sa paglipad. hahayaan kita. bakit? hahayaan kita sapagkat nais kong bigyan ka ng laya. nais kong mamuhay ka nang masaya, nang walang pumipigil, nang walang pipigil sa iyong pag-usbong. nais kitang makitang ganoon.

kaya't heto ako, nananatiling nakabukas ang palad at hinahayaan kang magpahinga't maglaro. munting paru-paro, nais kong huwag ka nang lumipad pang muli. manatili ka sa aking palad. hindi kita aangkinin. hayaan mo kong pagsilbihan ka. hayaan mo kong ipagtanggol ka.

munting paru-paro, huwag ka lang mangangamba. ang iyong buhay at kaligayahan ay mahalaga sa akin. huwag kang mag-alala, gagawin ko ang lahat ng aking makakaya.. maging masaya ka lamang.