12.31.2006

ang huling pangaral

nakaupo sa labas ng bahay ang ama na tila may malalim na iniisip. malayo ang tingin at walang kibo ito nang lapitan ni maria. “pa, malungkot ka?” tanong ni maria. hindi umimik ang matanda. inulit ng dalaga ang tanong, ngunit sa halip na makarinig ng sagot ay isang pangaral ang natanggap—ang huling pangaral ng ama sa anak.

“ikakasal ka na mamaya, sigurado ka ba? handa ka na ba? oras na tumapak ka sa simbahang iyon ay hindi ka na namin kapamilya. siya na ang pamilya mo. at, oras na tumapak ka sa simbahang iyon ay hindi ka na maaaring bumalik pa rito.”

“sa oras na ikasal ka, ang bawat pagsubok na inyong haharapin ay sainyo na lamang dalawa. hindi na kami maaaring manghimasok sainyo dahil ang pamilya ay pamilya. walang dapat na manghimasok. kayong dalawa lamang. kung may ibang taong makikihalubilo sa inyong mga pagsubok, mas mabuti pang itapon na ang kasal na ‘yan sapagkat nagpakasal ka upang maging responsable sa iyong mga desisyon.”

“kung mabibiyayaan kayo ng mga anak, siguraduhin mong kayong dalawa lamang ang maaaring mangaral sa kanila, at wala nang iba. kayo ang magpapalaki kaya’t kayo lamang ang may karapatan sa mga bata.”

“tatandaan mo ang mga pangaral kong ito. ito na ang huli. pagkatapos nito, ikaw, kayo na ang maghahanap ng inyong mga leksyon sa buhay. hanggang dito na lamang kita masasamahan. mahal kita anak, hindi mo sana pagsisihan ang desisyong tatahakin mo mamaya.”