11.01.2006

ang lunas sa mga pesteng daga

gabi-gabi na lang, mga alas-nuwebe, babangon si dagul para uminom ng tubig o maghanap ng makakain. nakasanayan na ito. at halos gabi-gabi rin, mga siyam sa sampung beses, mayroon siyang masasaksihan--makakikita at makaririnig ng mga bulong at pag-uusap--isang pagpupulong--mga tinig na nagmumula sa iba't ibang parte ng lugar. nagpupulong ang mga alaga niya--mga negro at mga tila pusa na ang laki na mga daga.

********
dalawa ang pilit niyang pinakinggan...
"amang, tomguds na ko."
"anong to-to-tom---?"
"tomgud! gutom na ko, amang."
"a..gutom. may to-tom...tomguds ka pang nalalaman diyan! gutom na rin ako. maghanap ka lang diyan. may makikita rin tayong makakain."
"amang, narinig ko sa sabi-sabi, wala na raw silang makain. wala nang pagkain dito."
tsismosang bata! "wag kang maniwala roon, imposible! matagal na kong nabubuhay. matagal na ko rito at hindi nawawalan ng kalat ang mga higanteng yan, mga tao, kahit pa ga'no kalinis ang repriherador nila. hindi nawawalan ng kalat ang mga yan."
"re-re-reprihe-he... ano nga po 'yon? tongue twister ang puttttt...
gunggong. pulpol. mangmang. inutil. tonto. bobo. "bata ka pa nga talaga. 'yun yung imbakan nila ng pagkain na ubod ng lamig sa loob. 'pag napasok ka ro'n, patay kang bata ka! ice-drop ka! iyon ang dapat nating pasukin balang araw!!"
"totoo? nakatatakot, amang. 'yun ba yung may dilaw na ilaw sa loob?"
********
magkasinlaki ang dalawa sa panlabas na anyo, pero kung titingnang mabuti, kung uusisain lang, makikitang malaki ang pagkakaiba. malaki ang pagkakaiba ng isa sa isa lalo na't kung sa karanasan titingnan--bagay na hindi mahalata sa biglang tingin. dahil kung sa pilosopiya titimbangin, hindi agwat ang disparidad kundi magkaiba lamang sila ng takbo ng isip, karanasan, at iba pa.
********
ilang sandali pa at sumuko na rin ang dalawa. tumigil na sila sa paghahanap ng mga tira. malinis. wala ngang tira. at laking pasasalamat 'to ni dagul na matiyagang nakamasid sa dalawang daga. matiyaga siyang nakikinig sa usapan ng dalawa habang nananalangin...
naku... naku... hindi sana nila makita yung chippy ko.
ang natitira at nag-iisang pagkain sa bahay ni dagul--chippy.
"amang, nalipasan na ko. matulog na tayo, may "date" pa ko bukas."
may "date" ka pang nalalaman diyan. kapal ng face, kala mo naman kagwapuhan! "wala na ata talaga silang pagkain dito. peste, nalipasan na rin ata ko. buti pa kaming mga daga, may pagkain pa kahit papaano.
********
matagal nang hindi kumakain sa bahay si dagul sa labis na pagtatrabaho. hindi na rin siya nakapagluluto. sa katunayan, madalang na rin siyang umuwi. madalas, sa labas na siya kumakain ng agahan... hanggang hapunan.
********
nakalipas ang dalawang buwan
********
natapos na ang proyektong kayang ginagawa. maluwag na siyang muli. walang pasok no'n si dagul at nagpasya siyang manatili sa kanyang bahay upang makapagpahinga. tulad ng dati, pinili niyang sa bahay na lang magluto at kumain sa bahay--marahil nagsawa na rin sa pagkain sa labas.
at nang magdilim, mga alas-nuwebe na, bumangon siya upang uminom ng tubig. at tulad ng dati, umasa siyang makarinig ng mga bulong, ngunit taliwas ito sa kanyang nasaksihan. wala siyang nakita. wala siyang narinig.
nag-iisa na lamang siya sa bahay. lumipat o umalis, namatay o naglaho, walang makapagsabi. wala na sila. mag-isa na lamang si dagul.