10.26.2006

ang buhay langgam

tila isa lamang ito sa maraming araw na tipikal--mataas ang araw, kumpleto ang mga manggagawa at handa nang muling magbanat ng buto. tulad ng nakasanayan, bumangon si dagul sa kanyang papag. pipikit-pikit pa ang mga mata, dumungaw siya sa malawak at taas-babang lupain. "heto nanaman ang mahabang araw para sa akin", bulong niya sa kanyang sariling kamalayan.

dahan-dahan niyang niligpit ang kanyang mga gamit. tila nakasanayan na rin ito dahil nabuhay siyang ulila. namatay ang kanyang ama't ina noong siya'y musmos pa lamang, at hindi na rin niya maalala ang tunay na nangyari. marami ang nasasawi sa gano'ng edad at wala ring tiyak na makapagsabi kung ano ang dahilan.

ayon sa mga sabi-sabi ng mga mapapalad na matatanda na nabubuhay pa, iba't ibang uri ang ikinasawi ng aming mga magulang--mayro'ng sa baha ay nalunod, nasunog, nadisgrasya sa iba't ibang uri ng pamamaraan, at iba pa. mayroon din namang sadyang higit na minalas--ang mga nasiraan ng bait. ayon din ito sa mga matatanda. ang mga nakakita raw ng madudugo at walang-awang pagpaslang ay hindi na nakababalik sa kani-kanilang tahanan. kadalasan, hindi na sila nakababalik sa kanilang tamang pag-iisip.

sumama na si dagul sa mga kapwa basurero. at tulad ng iba, mabagal ang pagtahak nila sa malawak at taas-babang dalatan. pagod, ngunit tuloy pa rin sa pagkuha ng mga pagkaing tira-tira at mga bagay na maaaring magamit sa kani-kanilang pag-uwi. ang bawat isa ay may dala. ang bawat isa ay tila mas mabigat pa ang buhat kaysa sa kanilang mga makakaya. halos magdidilim na. halos buong araw na silang naglalakad sa isang buong pila.

nang sila'y papauwi na, nakaramdam ang lahat ng mabibigat na dagundong. "isang lindol!" sigaw ng isa. "higante!" sigaw naman ng isa habang nakaturo sa itaas. tumingala ang lahat at nagtakbuhan upang mailigtas ang sarili--kanya-kanyang direksyon.

natulala si dagul habang nakatitig sa higante, o halimaw. tulala siya at nag-iisa na nakatitig sa nilalang na iyon. "likhang isip lang ba ito o totoo na?" tanong niya sa kanyang sarili. at sa isang iglap, nang siya'y balikan ng kanyang malay, wala na siyang nakita. wala na siyang makitang kasama. lahat ng buhay ay naglaho. ang mga natira na lamang ay ang mga maliliit na pira-piraso at pisat na mga katawan. pinatay ang lahat at walang tinira, si dagul lamang.

doon, kanyang naalala ang kanyang mga magulang. sa pagkakataong ito, si dagul ang nag-iisang hindi napaslang. at doon din lamang niya natalos na hindi lamang sila ang tao sa mundo. "maliit lang pala ang mundong ginagalawan ko, may mas malawak pa pala rito. ngayon, naiintindihan ko na."